943 total views
21st Sunday of Ordinary Time Cycle A
Is 22:19-23 Rom 11:33-36 Mt 16:13-20
Nauuso ngayon ang paggawa ng mga survey upang malaman ang palagay ng mga tao. Ginagamit ito sa pulitika, sa business at sa maraming pag-aaral. Sa panahon ng election maraming survey ang ginagawa kung sino ba ang iboboto ng mga tao. Ok lang na gawin ito pero sana naman makatotohanan ang mga survey kasi maaaring mangyari na minamanipula ang resulta ayon sa kagustuhan ng nagpapasurvey. Pero isa din na dapat nating alalahanin, na ang katotohanan ay hindi nanggagaling sa survey. Kahit na ang karamihan ay nagsasabi ng isang bagay, kung iyan ay masama, hindi iyan nagiging mabuti dahil sa iyan ay pinaniniwalaan ng mga tao. Ang kasinungalingan ay hindi nagiging totoo kasi iyan ang paniniwala ng nakararami. Ang pagpatay ay mali kahit na sinasang-ayunan ng karamihan. Kaya ang abortion ay masama kahit na sinasabi ng ibang bansa na ito ay bahagi ng reproductive health. Paano naging pangkalusugan ang pagpatay ng bata? Ang salitang “reproductive health” ay isa sa mga panlilinlang ngayon. Ito ay ang kalagayan na walang reproduction at walang health! Kaya mag ingat po tayo kasi may mga nagpapahiwatig na nagiging tama ang isang bagay kasi sinasabi ng survey.
Si Jesus ay nagsurvey din. Matagal-tagal na siyang nangangaral. Marami na siyang napagaling. Marami na ang sumusunod sa kanya. Sino kaya siya ayon sa mga tao? Ano ba ang palagay ng mga tao sa kanya? Kaya tinanong niya ang mga alagad niya: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Iba-iba ang sinasabi ng mga tao. “Ikaw daw ay si Juan Bautista na muling nabuhay. Ikaw daw ay si propeta Elias na darating. Ikaw daw ay si propeta Jeremias o isa sa mga propeta na bumalik uli.” Nagkaisa sila na si Jesus ay isang propeta, pero hindi nagkasundo kung sinong propeta.
Pero ang mahalaga kay Jesus ay hindi kung ano ang tingin ng mga tao sa kanya. Ang mahalaga sa kanya ay kung ano ang tingin natin sa kanya. Kaya ang tanong niya: “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” Siguro napatigil silang lahat. Baka sila rin ay iba-iba ang pagkakilala nila kay Jesus. Ang nangahas na magsalita ay si Simon. Tumpak ang sagot niya: “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Tama ang sagot ni Simon hindi dahil sa mas magaling siya kaysa iba o mas matalino siya. Tumpak ang sagot niya kasi ipinakilala sa kanya ng Diyos Ama kung sino talaga si Jesus. Ang tunay na pagkilala kay Jesus ay hindi nanggagaling sa majority opinion o sa katalinuhan ng tao. Ito ay regalo ng Diyos. Ipinakikilala ng Diyos Ama ang Diyos Anak at dinadala ng Diyos Anak ang tao sa Diyos Ama. Iyan ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo na siya ang Espiritu ng Katotohanan. Dahil sa pinili ng Diyos Ama si Simon kaya pinili din siya ni Jesus. Pinalitan ni Jesus ang kanyang pangalan. Hindi na siya si Simon kundi si Pedro na siya. Ang salitang Pedro ay nangangahulugan na bato. Si Bato na siya sapagkat sa batong ito itatayo ni Jesus ng kanyang simbahan. Matatag ang simbahan kasi ito ay nakatayo sa matatag na pananampalataya ni Pedro. Kahit na hampasin man ito ng malakas na hangin, ng alon, o ng baha mananatili itong nakatayo. Ni hindi ito masisira ng pag-aatake ng kapangyarihan ng kasamaan. Napatunayan na ito sa kasaysayan. Marami nang mga hari at generals ang umatake dito, nakatayo pa rin ang simbahan. May guarantee na binigay si Jesus. Garantisado ang simbahan.
Hindi lang ito iniingatan ni Jesus. Binigyan pa rin ng kapangyarihan si Pedro na magbigay ng wastong pagpapasya at katuruan sa simbahan. Ibinigay kay Pedro at sa kanyang mga kahalili ang kapangyarihan na mag-discern kung ano ang tama at ano ang mali. Kaya kung ano ang idiklara niyang tama dito sa lupa ay tama nga, pati na sa langit. Ano ang ipagbabawal niya sa lupa kasi ito ay mali, ang talagang mali pati na sa langit. Iyan ang kapangyarihan ng susi. Ang may hawak ng susi ay may kapangyarihan na magpapasok o magbawal.
Sa ating unang pagbasa kinuha kay Sabna ang susi sa palasyo ng hari sa Jerusalem. Tinanggal siya sa pagiging katiwala ng kaharian kasi naging mayabang siya. Ganoon siya kayabang na gusto niyang kilalanin siya kahit na patay na siya. Nagpapagawa na siya ng magarang libingan sa Jerusalem. Ibinigay ang susi, ang katungkulan na magiging katiwala, kay Eliaquim. Ibinigay sa kanya ang susi ng palasyo ni David. Walang makasasara sa bubuksan niya at walang makabubukas sa pinagsarhan niya. Siya na ang may kapangyarihan ng susi.
Sa ating ikalawang pagbasa nabanggit ni Pablo: “Hindi matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan. Mula sa kanya ang lahat ng bagay.” Pero sa kanyang kagandahang loob pinapaabot ng Diyos ang kanyang kalooban sa mga tao sa pamamagitan ng mga kahalili ni Pedro, ang mga santo papa. Ayaw ng Diyos na magkamali tayo sa pinakamahalagang kaalaman – ang daan patungong langit. Kung magkamali tayo tungkol sa business decisions natin, mawawalan tayo ng pera pero maaaring mabawi uli ito. Kung magkamali tayo sa ating kaibigan, maaari uling makipagkasundo. Pero kung maging mali ang daan natin sa kaligtasan, baka hindi na natin ito mabawi. Kaya sinisigurado ng Diyos na maging tama ang ating pagkilala sa kanya at tungkol sa mabuti. Binibigyan niya tayo ng maaasahang gabay.
Oo, nandiyan na ang Banal na Kasulatan. Dito matatagpuan ang Salita ng Diyos na isinulat sa gabay ng Espiritu Santo. Nakakasigurado tayo na ang nakasulat doon ay tama. Ginabayan ng Espiritu Santo ang mga manunulat ng Bible. Tama nga ang nakasulat, pero tama ba ang pag-unawa natin dito? Hindi naman nagsasalita ang Bible kung mali ang ating pag-unawa dito. Kaya tulad ng ang Espiritu Santo ay kumilos sa pagsulat ng Bibliya, ang Espiritu Santo ay kumikilos din sa simbahan na gumagabay sa atin sa wastong pag-unawa sa nakasulat sa Bible. Ang simbahang ito, ang simbahang katoliko, ay ginagabayan ng Santo Papa tungkol sa wastong pag-unawa. Siya ang may susi sa langit. Ang kanyang pahihintulutan sa lupa ay pahihintulutan sa langit. Magpasalamat tayo sa Diyos sa pagbibigay sa atin ng wastong pananampalataya.
Kailangan natin ang bato ng pananampalataya ni Pedro sa ating panahon ngayon na maraming mga katuruan ay nagdadala sa atin sa kasamaan. Nandiyan ang Gender Ideology. Sa halip na tanggapin ang bigay sa kanila na kasarian ng Diyos na manlilikha at magpagmahal, karapatan daw ng bawat isa na pumili ng kanyang kasarian, ng kanyang gender. Hinihiwalay ang biological sex sa gender na gusto nila. Lalaki ang kanyang katawan pero gustong ituring siyang babae, at nagpapaopera pa nga para magmukhang babae. Sa halip na kilalanin na ang buhay ay biyaya na bigay ng Diyos na dapat pangalagaan, sinasabi ng ilan na sila ang may-ari ng kanilang buhay, kaya may karapatan silang magpakamatay. Sa halip na kilalanin na ang kayamanan ng mundo ay para sa lahat at dapat pakinabangan ng lahat, inaangkin ng iilan tao lamang ang kayamanan ng mundo kaya sa Pilipinas ang limampung pinakamayaman na Pilipino ay mas mayaman pa kaysa 60 milyong mga Pilipino. Kaya marami ang namamatay sa gutom pero may ilan na kumakain ng sopas na nagkakahalaga ng ten thousand pesos! Maraming mga pananaw sa mundo ngayon na hindi na naaayon sa plano ng Diyos. Kailangan natin ng gagabay sa atin sa katotohanan. Kailangan tayong makinig sa binigay ng Diyos na maaasahang gabay – ang bibliya, ang simbahan at ang Santo Papa na kahalili ni Pedro, ang bato na kinatatayuan ng katotohanan.