258 total views
22nd Sunday Cycle C
Sirach 3:17-18.20.28-29 Heb12:18-19.22-24 Lk 14:1.7-14
Nakakatagpo tayo ng mga taong mayabang. Tinatawag natin ang mga ito na mahangin. Nilalayuan natin ang mga ganitong tao. Sa mga kwentuhan, sila na lang ang bida. Sila palagi ang tama. Mas magaling sila, kaya ini-small nila ang iba. Kapag hindi nasusunod ang kanilang gusto, madali silang magalit. Sila’y matampuhin. Ang inuuna nila ay ang sarili nila – sa sila’y makilala, na sila’y mapagbigyan, na sila ang makapakinabang. Kaya magkakambal ang makasarili at ang mayabang. Mahirap pakisamahan ang mga taong ganito. Ayaw natin sa ganitong mga tao. Ayaw din ng Diyos sa kanila. Hindi sila madaling sumunod kahit na sa Diyos.
On the other hand, gusto natin sa mga taong mapagkumbaba. Hindi naman sila utu-uto pero sila ay masunurin, handang matuto at mapagbigay sa iba. Nakikita nila ang pangangailangan ng iba kasi hindi sila naka-sentro sa sarili. Hindi sarili ang hinahanap nila. Kinalulugdan sila ng mga tao at magaan ang loob natin sa mga taong mapagkumbaba. Kaya sinulat ni Sirak sa ating unang pagbasa: “Maging mapagkumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin at mamahalin ka ng mga taong malapit sa Diyos.” Hindi lang sila magugustuhan ng mga tao. Magugustuhan din sila ng Diyos. Kaya sinulat din ni Sirak: “Habang ika’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba, sa gayo’y kalulugdan ka ng Diyos.” Madaling mahulog sa kayabangan kapag may posisyon ka na, habang kinikilala ka ng mga tao dahil sa iyong galing, o kayamanan, kapangyarihan. Kaya’t malaking hamon ang manatiling mapagkumbaba habang dumadakila ka. Pero alalahahin natin: Ibinabagsak ng Diyos ang nagmamataas at dinadakila naman niya ang nagpapakumbaba.
Kinukuha ni Jesus ang lahat ng pagkakataon para maging teaching moments. Talagang siya’y isang magaling na guro. Tinuturuan niya tayo tungkol sa buhay na galing sa lahat ng pagkakataon. Sa ating ebanghelyo ngayon kinuha ni Jesus ang okasyon ng isang handaan upang magturo tungkol sa pagpapakumbaba. Nakakapagturo si Jesus at nakakakuha ng lesson sa mga pangyayari kasi siya ay mapagmasid. Kaya ang mga katuruan ni Jesus ay hango sa buhay. May dalawang aral siyang ibinigay sa mga tao – sa mga inaanyayahan at para sa nag-anyaya.
Napansin niya na marami sa inanyayahan ay naghahangad ng magandang pwesto sa handaan. Gusto nilang kilalanin ang kanilang mataas na kalagayan o posisyon. Kaya sabi ni Jesus na hayaan na natin na ang nag-anyaya sa atin ang kumilala ng ating halaga at hindi ang ating sarili. Siya na ang maglagay sa atin kung saan tayo uupo. Baka lang mapahiya tayo na may mas natatangi pa palang panauhin kaysa atin. Ito ay totoo hindi lang sa kainan, pero pati na sa ibang okasyon sa ating buhay – sa trabaho, sa anumang pagtitipon, sa mga contests, at pati na sa politika. Huwag isipin na tayo na ang pinakamagaling. I-consider natin na may mas magagaling pa kaysa atin.
Let us do our best, but let us allow others to judge our worth. Dito daw sa Pilipinas, walang natatalong kandidato sa election. Ang sinasabi ng natatalo ay sila’y dinaya. Kaya maganda ang attitude ni Leni. Noong lumabas sa COMELEC na malaki ang lamang sa kanya ng kalaban, hindi siya nagprotesta kahit na marami ang nagsasabi na may mga dahilan na magprotesta siya. Tinanggap niya ang pagkatalo at naghanap ng ibang paraan para maglingkod sa bayan. Hindi siya hinayaang maglingkod bilang presidente, nakiusap siya sa mga kakampi niya na maglingkod sila bilang isang NGO. Ang mahalaga ay mapaglingkuran ang taong bayan na malaki ang pangangailangan.
May aral din si Jesus sa leader ng mga pariseo na nag-anyaya sa kanya. Napansin niya na ang mga panauhin sa salu-salo ay ang mga dakila sa kanilang lipunan – ang mga kilalang tao o mga tanyag na kamag-anak. Sila ang inanyayahan kasi sila din ang nag-aanyaya sa kanilang handaan, o sila ang maaaring mag-anyaya din sa kanya. Iba ang pananaw ni Jesus tungkol dito. Ang tinuturo niya ay anyayahan ang mga maliliit na tao – ang mga pulubi, mga pingkaw, mga mahihirap na kamag-anak – iyong mga tao na hindi makasusukli sa kabutihan na ginawa sa kanila kasi wala naman silang kakayahan. Ang Diyos na ang gagantimpala sa kanila. Ang lahat ng kabutihan ay may nararapat na gantimpala kasi ang Diyos ay makatarungan. Anumang kabutihan na hindi magagantihan kasi hindi ito napapansin o walang kakayahan ang nakatanggap ng kabutihan, Diyos na ang gagantimpala.
Maganda ang pagsabi ng pasasalamat sa Bicol language. Ang THANK YOU sa kanila ay DIYOS MABALOS, na ang ibig sabihin, Diyos na ang maganti, parang sinasabi na hindi ko kayang gantihan ka ng sapat sa ginawa mo – DIYOS MABALOS – ang Diyos na ang gaganti sa iyo at sapat siyang gumanti!
Sa ating panahon ngayon dahan-dahan na nawawala na ang pagpapakumbaba. Ibig natin na tayo ay makilala. Parang ang pagpapakumbaba ay tanda ng kahinaan. Tinutulak din tayo na makilala at maging tanyag ng social media. Anong maliit na nangyari sa atin o ating ginawa ay pinopost natin agad sa social media. Gusto natin na i-like tayo ng maraming tao. Akala natin ay dakila tayo kasi may marami na tayong friends sa social media. Nasasaktan tayo kapag tayo ay ina-unfriend. Ang hangarin natin ay maging viral tayo. Gusto nating pansinin tayo kaya kung anu-ano na ang ginagawa – anong sayaw, anong awit o salita, basta lang mapansin – para lang maging viral. Pero ang pagiging viral ay panandalian lang. Viral tayo ngayong araw o ngayong sandali lang nga, at bukas wala na.
Ang halaga ng tao ay wala sa pagpansin sa kanya ng iba. Ang kanyang worth ay ang kanyang kabutihan at kagandahang loob, nakikita man ng iba o hindi. Nakatatak ang mga iyan sa puso ng Diyos. Ang dapat pahalagahan natin ay kung ano ba ang tingin ng Diyos sa atin. Siya ang nakakakita at nakakaalam ng tunay na halaga natin. Anumang kabutihan na nagawa natin ay alam niya at hindi niya ito kaliligtaan. May gantimpala ang lahat ng kabutihan. Hayaan natin na tayo ay kilalanin at gantimpalaan ng ating Diyos.