30,003 total views
18th Sunday of Ordinary Time Cycle B
St. John Maria Vianney Sunday
Ex 16:2-4.12-15 Eph 4:17.20-24 Jn 6:24-35
Hinahanap-hanap ba natin si Jesus? Saan natin siya hinahanap-hanap? Bakit natin siya hinahanap? Mabuti kung hinahanap natin si Jesus. Hindi natin siya dinideadma. Tulad tayo ng mga tao sa ating ebanghelyo. Hinahanap-hanap nila si Jesus. Tumawid pa sila ng dagat ng Galilea at natagpuan nila si Jesus sa lunsod ng Capernaum. Pero bakit nila hinahanap si Jesus? Binisto sila ni Jesus. “Hinahanap ninyo ako dahil sa nabusog kayo kahapon, ano? At hindi dahil sa nakasaksi kayo ng tanda.” Pinakain ni Jesus ang higit na limampung libong tao ng dalawang isda at limang tinapay at nabusog silang lahat. Ang milagrong ito ay isa sanang tanda na si Jesus ang pinadala ng Ama. Pero hindi nila pinansin ang kahulugan ng tandang ito. Hinanap nila siya kasi nabusog lang sila. Kaya sinabi ni Jesus na huwag kayong maghanap ng pagkain na kahapon busog kayo at ngayon ay gutom na naman kayo. Ang hanapin ninyo ay ang pagkain na pinadala ng Diyos, pagkain na magdadala sa inyo sa buhay na walang hanggan. Ang pagkabusog nila ay tanda lamang ng mas mahalagang pagkain na ibibigay sa kanila.
Ngayon nagbago na ang usapan. Hindi na lang pagkain na para lang sa tiyan ang tinutukoy. Mas mahalaga kaysa pagkabusog ay ang kalooban ng Diyos. Ano ba ang kalooban ng Diyos? Maliwanag na sinabi ni Jesus na ang kalooban ng Diyos ay tanggapin nila ang ipinadadala ng Diyos. Alam ng mga tao na ang tinutukoy niya ay siya mismo. Siya, si Jesus, ay ang ipinadala ng Diyos. Kaya ang tanong nila: “Paano namin malalaman na ikaw nga ang pinadala ng Diyos. Alam namin na si Moises ay pinadala ng Diyos. Binigyan niya ang aming mga ninuno ng pagkain mula sa langit.
Pinapaalaala sa atin sa unang pagbasa ang nangyari sa disyerto noong ang mga Israelita ay naglalakbay sa disyerto. Dumating sa punto na wala na silang makain sa ilang. Nagreklamo sila kay Moises at kay Aaron na mamamatay sila ng gutom sa disyerto. Mabuti pang pinabayaan na lang sila sa Egipto. Kahit na sana alipin sila pero hindi naman sila mamamatay sa gutom. Pinaabot ni Moises ang kanilang reklamo sa Diyos at pinadalhan sila ng pugo na naging pagkain nila sa loob ng isang buwan at ng tinapay na hindi nila alam na naging pagkain nila sa loob ng apatnapung taon ng kanilang paglalakbay. Hindi nila alam kung ano ang pagkaing ito kaya tinawag nila ito na “Manna,” sa Salitang “Manhu” na ang ibig sabihin ay “ano ito?”
Sabi ni Jesus sa mga tao sa Capernaum: “Hindi naman talaga si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng Manna, ang pagkain na mula sa langit. Ang pagkaing iyon ay binigay ng Diyos Ama, at ngayon may pagkain uli na galing sa Diyos Ama sa langit. Ang kakain nito ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang mga ninuno ninyo na kumain ng manna ay lahat namatay sa disyerto.” Pero ang pagkaing ibibigay ni Jesus ay magbibigay buhay sa sanlibutan at hindi na sila mamamatay.
Ang galing ng pagkaing ito, kaya nagkaisa silang lahat na nagsabi: “Bigyan ninyo kami palagi ng pagkaing ito!” At napakaganda ng sagot ni Jesus: “Ako ang pagkain ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na mamamatay at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw.”
Sana po lumalapit tayo kayo Jesus, hindi lang dahil sa material na mga bagay na ating inaasahan sa kanya. Hindi lang trabaho, o kalusugan, o pagkapasa sa pag-aaaral, o kaaliwan sa buhay ang maibibigay ni Jesus. Lumapalit tayo sa Diyos para sa buhay na walang hanggan. Hinahangad ba natin ito? Mga kapatid, ang buhay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Hindi ito tatagal. Gusto ng Diyos na ibigay sa atin ang talagang mahalaga, ang buhay na hindi magtatapos. Gusto niyang ibigay sa atin ang pagkain na magdadala sa atin sa ganitong buhay. Si Jesus ang daan, ang buhay at ang katotohanan. Sa kanya tayo makakatagpo ng katotohanan. Siya ang daan patungo sa tunay na buhay. Tanggapin natin siya ng buong tiwala.
Oo, lumapit tayo kay Jesus. Magandang baitang na ito, pero lumapit tayo sa kanya sa wastong dahilan. Hanap-hanapin natin siya at may ibibigay siya sa atin na tunay na mahalaga na hindi na mawawala sa atin.
Lumalapit tayo kay Jesus kung tayo ay nakikinig sa kanyang salita sa Banal na Kasulatan at sa katuruan ng simbahan. Lumalapit tayo sa kanya kung nakikiisa tayo sa simbahan. Ang simbahan ay ang katawan ni Kristo. Sa ating pakikiisa at paglilingkod sa simbahan nagiging malapit tayo kay Jesus. Lumalapit tayo kay Jesus sa ating pagtanggap sa mga mahihirap at nangangailangan. Ang ginagawa natin sa kanila ay ginagawa natin kay Jesus. Lumalapit tayo kay Jesus kapag tumatanggap tayo ng mga sakramento. Ang mga sakramento – kumpil, kumpisal, kasal ay pakikipagtagpo kay Jesus, lalo na ang pagtanggap ng Banal na Komunyon sa Misa. Dito siya nagiging pagkain na nagbibigay buhay.
Natatangap natin si Jesus sa Banal na Misa dahil sa mga pari na nagmimisa sa atin, lalo na ang mga parish priest na sila ang nangangalaga ng ating kaluluwa. Ngayon ay kapistahan ni St. John Maria Vianney, ang patron ng mga parish priests. Ipagdasal natin ang mga Kura Paroko natin na maging banal at tapat sila sa kanilang panunungkulan na dalhin tayo kay Jesus. May second collection tayo ngayon para po sa patuloy na paghuhubog sa mga kaparian at matugunan din ang kanilang pangangailangan lalo na ang kanilang kalusugan.
Mahalaga ang gampanin ng mga pari sa atin. Inaalay nila ang kanilang buhay upang ang pangako ni Jesus na buhay na walang hanggan ay mapasaatin. Ipagdasal natin na sila ay maging tapat sa magandang tungkuling ito. Pero huwag natin silang ikonsente sa kanilang kahinaan o pagkakamali. I-challenge natin sila na maging tunay silang larawan ni Kristo. Sa ganitong paraan lamang magiging mabisa sila sa kanilang gawain sa ubasan ng Panginoon. Ang aming layunin sa buhay ay sana masabi namin ang sinabi ni San Pablo: “Hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo na ang nabubuhay sa akin.”