644 total views
Feast of the Transfiguration of the Lord
St. John Baptiste Marie Vianney Sunday
Dan 7:9-10.13-14 2 Pt 1:16-19 Mt 7:1-9
May mga karanasan tayo na nakatatak sa ating alaala na hindi natin nakakalimutan. Nababalik-balikan natin ito at nagpapatibay ito ng loob sa atin. Para sa iba iyan ay ang kanilang graduation, o parangal na ibinigay sa kanila sa school o sa trabaho nila. Si Pedro din ay may mga ganyang karanasan kay Jesus. Isa na rito ay ang pagbabagong anyo niya sa bundok na may salita na nanggaling sa alapaap na nagsasabi: “Ito ang pinakamamahal kong anak; siya ay lubos kong kinalulugdan.” Ito ay isang malalim na religious experience para kay Pedro. Naalaala ito ni Pedro noong sumulat siya sa mga kristiyano. Dinidiin niya na ang mga sinusulat niya tungkol kay Jesus ay hindi alamat na kathang isip lang ng mga tao. Talagang naranasan niya ang kaluwalhatin ni Jesus at ang patotoo sa kanya ng Diyos Ama.
Ano ba ang nangyari noon? Iyon ay ang pagbabagong anyo ni Jesus sa bundok ng Tabor. Nagningning siya at ang kanyang kasuotan. Nasaksihan ni Pedro, ni Santiago at ni Juan ang napakagandang pangyayaring ito na ayaw nilang umalis doon. Gagawa na lang sila ng tatlong tolda para manatili sila doon. At nakita nilang nakikipag-usap si Jesus kay Moises at kay propeta Elias. Si Moises ay nabuhay nang higit na isang libo at dalawang daang taon bago dumating si Jesus at si Elias naman ay higit na walong daang taon bago dumating si Jesus. Ano ang pinag-uusapan nila? Ang tungkol sa mangyayari kay Jesus pagpunta niya sa Jerusalem.
Nagsasalita na noon si Jesus na dadakpin siya, papasakitan at papatayin sa Jerusalem. Mahirap itong tanggapin ng mga alagad niya. In the first place, sumunod sila kay Jesus kasi magaling siyang magsalita at makapangyarihan siya. Gumagawa siya ng mga pagpapagaling sa maraming tao. Nasaksihan nila ang kanyang mga milagro. Nagsasalita si Jesus tungkol sa pagdating ng paghahari ng Diyos. Kaya umaasa sila na darating na ang maluwalhati at matagumpay na paghahari ng Diyos. Wala sa kanilang pakiwari ang kahirapan at kamatayan. Kaya sila ay naguguluhan, nalulungkot at maaaring natatakot na sinasabi ni Jesus sa pahihirapan siya at papatayin sa Jerusalem.
Nagbagong anyo si Jesus. Siya ay nagpakitang maluwalhati at dakila, tulad ng Anak ng Tao sa pangitain ni Daniel sa ating unang pagbasa na binigyan ng May Kapangyarihan na nakaupo sa trono na maghahari siya sa lahat. Iyan ang anak ng tao na larawan nila kay Jesus, hindi ang anak ng tao na sugatan at hinahamak-hamak. Si Moises ay kumakatawan sa Mga Batas ng Israel at si Elias naman sa mga Propeta. Ang mga Batas at ang mga propeta ang kinakapitan ng mga Israelita na gagabay sa kanila sa kanilang kasaysayan. Sa pag-uusap ni Jesus kay Moises at kay Elias tungkol sa mangyayari sa kanya sa Jerusalem, pinapakita niya sa mga alagad na naaayon sa plano ng Diyos ang mangyayari doon sa Jerusalem. Ang paghihirap at kamatayan ni Jesus ay naaayon sa plano ng Diyos, kaya huwag silang mag-alinlangan na sumunod sa kanya. Hindi sila nagkamali na sumunod sa kanya. Mapapasakanila ang kanyang tagumpay. Magtatagumpay siya. Magiging maluwalhati din sila pero dadaan muna sila sa krus at sa kamatayan. Pinatotohanan din ng salita mula sa ulap na galing sa langit na totoong si Jesus ay galing sa Diyos Ama. Sumunod lang sila sa kanya. Makinig sila sa kanya.
Ang pagbabagong anyo ni Jesus ay assurance na binibigay ni Jesus sa mga alagad niya, at sa atin, na huwag sila at huwag tayong matakot sa kahirapan at kamatayan. Hindi ito ang hantungan natin. Ang hantungan natin ay kaluwalhatian. Makikiisa tayo sa pagbabagong anyo ni Jesus, pero makiisa din tayo sa kanyang pag-aalay ng sarili. Sabi nga ni San Pablo, makikiisa tayo sa kanyang muling pagkabuhay kung nakikiisa din tayo sa kanyang kamatayan.
Ang pakikiisang ito ay nagsimula na sa ating binyag. Binuhusan o nilublob tayo sa tubig. Namatay tayo sa kasalanan. Nilagyan tayo ng puting damit. Ito ay tanda ng bagong buhay na napapasaatin. Bilang binyagan iyan nga ang buhay natin – makiisa sa kamatayan sa kasamaan. Huwag tayo magpadala sa masasamang hilig. Tanggihan natin ang pagmamalabis. Hindi ito madali. Kailangan nating tanggihan ang ating sariling gusto. Pero huwag tayong matakot na gawin ito. Ang kamatayang ito sa ating sarili ay magdadala ng tagumpay at kaluwalahatian. Ito ay ayon sa plano ng Diyos na makikita natin sa buong kasulatan, mula pa sa mga Batas ni Moises hanggang sa pahayag ng mga propeta hanggang sa mga aral at halimbawa ni Jesus.
Kailangan natin ang ganitong assurance sa buhay natin kasi madali tayong malinlang ng mga paanyaya ng kasamaan. Madaling tayong madala ng mga boses ng mga pangako ng biglang biyaya na hindi na tayo dadaan sa paghihirap at pagsisikap. Naalaala ninyo noong nakaraang election ang mga pangako na bibigyan daw tayo ng pera mula sa kayamanan ng mga Marcos? Ilan kaya ang nadala sa ganoong pangako? Naalaala ninyo na magiging bente pesos na lang daw ang halaga ng isang kilong bigas? Nangyari ba? Marami ang mga panloloko ng madaliang kasaganaan. Ngayon dito sa Palawan may nagsasabi na sumali daw sa digital card para yumaman, na hindi na raw kakailanganin ang pera kasi hindi na gagamit ng perang papel. Digital na lang daw ang lahat. Nakakatuwa ang mga panlolokong ito. Hindi kapani-paniwala, pero ang nakakalungkot, may mga taong naniniwala at nagpapadala sa mga sabi-sabing biglang yaman at biglang biyaya. Mga kapatid, ang katotohanan ng buhay ay “no pain, no gain.” Kailangan munang maghasik upang makaani. Kailangang mamatay upang magkaroon ng bagong buhay. Oo, buhay, kaningningan, kaluwalhatian ang daratnan natin, pero dumaan muna tayo sa Kalbaryo ng kahirapan kasama ni Jesus.
Si San Juan Bautista Maria Vianney ay ang patron ng mga kura paroko. Ang kanyang kapistahan ay sa August 4. Ang pinakamalapit na linggo sa August 4 ay ang St. John Baptiste Marie Vianney Sunday. Iyan ay ngayong Linggo ngayong taon. Kaya sa araw na ito, alalahanin natin ang mga kura paroko natin, ang mga paring naglilingkod sa atin sa ating mga parokya. Sila ang nagbinyag sa atin, ang nagpapakumpisal sa atin, ang nagmimisa sa atin linggo-linggo, ang nagkasal sa atin. Sila ang dumadalaw sa atin kapag tayo ay may sakit. Sila din ang maglilibing sa atin. Magpasalamat tayo sa kanila at ipagdasal natin na maging tapat sila sa kanilang gawain at bigyan silang ng lakas, karunungan at kalusugan. May second collection din tayo bilang tulong sa patuloy na paghuhubog ng mga kaparian natin. Kailangan silang mag-retreat, dumalo ng mga seminars, magkaroon ng pagpupulong at patuloy na pag-aaral. Kung magkasakit, kailangan din silang ipagamot. Suportahan natin ang mga paring naglilingkod sa atin.