8,738 total views
1st Sunday of Advent Cycle C
World Day for People with Disabilities
National AIDS Sunday
Jer 33:14-16 1 Thess 3:12-4:2 Lk 21:25-28.34-36
December na! Ito ang buwan na inaasahan ng marami. Ito ang buwan ng maraming parties at masasarap na pagkain, buwan ng bakasyon, buwan ng mga regalo, buwan ng pagsasama ng mga pamilya, buwan din ng pagsisimba. Masaya ang buwang ito, pero ang pagbasa natin sa unang araw ng buwan ng December na siya ring unang araw ng Adbiyento ay pagbabanta ng pagkasira. Magugulo ang landas ng araw, ng buwan at ng mga bituin. May malalaking daluyong sa dagat – iyong mga storm surge. May malalaking sakuna na darating sa daigdig. Sa atin pa, iyan ay maaaring mga malalakas na bagyo. Pero sa harap ng mga masasamang pangyayaring ito, ang sabi ni Jesus ay magalak kayo! Magalak at hindi matakot, kasi ang mga pangyayaring ito ay pahiwatig sa atin na darating na ang kaligtasan.
Nasa panahon na nga tayo ng adbiyento. Ang ibig sabihin na salitang adbiyento ay pagdating. Dahil sa may darating hinihikayat tayong maging handa. Salubungin natin ito at huwag pigilan o pagtaguan. Ang adbiyento ay panahon ng paghahanda sa Pasko. Apat na Linggo na lang at pasko na. Hindi natin kinatatakutan ang pasko. Inaabangan natin ito at maraming mabubuting bagay na ating ini-imagine na dadalhin ng pasko. Ang pagdating ni Jesus ay magdadala nga ng kaligtasan. Siya ang matuwid na sanga ni David na sisibol na sinulat ni propeta Jeremias. Kaligtasan ang dadalhin niya. Itutuwid na ng Diyos ang maraming kaguluhan sa ating mundo at sa ating buhay. Kaya kikilalanin siyang “Ang Panginoon ang ating katuwiran.” Si Jesus nga ang magdadala ng kaayusan kasi siya ay ang manliligtas.
Pero ang adbiyento ay hindi lang pag-aantay sa pagdating ng pasko. May isa pa tayong inaantay na pagdating ng Diyos. Iyan ay ang muling pagdating ng manliligtas sa wakas ng panahon.
Sana tulad ng pasko, hindi natin ito kinatatakutan. Sana tulad ng pasko ito ay inaabangan natin. Dumating na si Jesus sa mundo noon bilang isang sanggol. Naging tao na ang Diyos. Gumawa siya ng maraming bagay na ikinatuwa ng mga tao noon. Binigyan niya ng paningin ang mga bulag, lumakad ang mga paralitiko, napalayas ang mga demonyo. Pero ang nakaranas ng mga kaligtasang ito ay ang mga tao lamang noong kanyang panahon at doon lang sa maliit na lugar ng Galilea. Pero nangako siya na babalik uli siya. Pinatikim lang tayo ng kaligtasan noon pero ngayon ang kaligtasan ay para na sa lahat at para sa lahat ng lugar. Natalo na niya ang kasamaan pero parang malakas pa rin ang kasamaan. Ngayon, lubusan na niyang dudurugin ang kasalanan. Ito ay mararanasan nating lahat. Siguradong darating siya pero hindi pa natin alam kung kailan. Kaya ang sabi niya ay maging palaging handa tayo.
Sinulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonika: “Kayo’y manatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus.” Para manatiling banal at walang kapintasan, sinabi ni Jesus na huwag tayong magumon sa katakawan at paglalasing. Iwasan natin ang anumang bisyo. Sa ating panahon hindi lang naman pagkain at alak ang naaabuso. Inaabuso din ang droga. Inaabuso din ang video games at internet. Inaabuso din ang sex. Ngayong Linggo ay National Aids Sunday. Pinapaalaala sa atin na nandiyan pa rin ang nakakatakot na sakit ng HIV-AIDS, nakakatakot kasi wala pang gamot dito at nagdadala ito ng kamatayan. Inaatake ng sakit na ito ang immune system ng tao. Nawawala na ang ating resistance sa anumang sakit kaya wala nang panlaban sa mga sakit ang may AIDS. At ang karamihan sa mga kaso ng AIDS ay dala ng pag-aabuso sa sex – same sex sexual activities at sex sa maraming partners. Mag-ingat tayo sa pag-aabuso ng sex dito sa atin sa Palawan na maraming mga dayuhan ang dumadating na maaaring mangyari ang pang-aabuso.
Kaya para maging banal, iwasan ang anumang bisyo at pang-aabuso. Pero hindi lang iyan. Sinabi din ni Jesus na mag-ingat din tayo na mabuhos ang ating isip sa mga intindihin sa buhay lamang na ito. Oo, pinagkakaabalahan natin ang ating hanap buhay, ang pag-aaral ng mga bata, ang ating mga pangarap sa buhay, ang ating love life, ang ating business. Wala namang masama diyan. Nagiging masama ang mga ito kung ito na lang na mga bagay ng mundong ito ang pinagkakaabalahan natin. Ang lahat ng mga ito ay lilipas din. Hindi naman magbibigay ng kaganapan ng buhay ang mga ito sa atin. May mga bagay din na hindi materyal at hindi makalupa ang bibigyan natin ng pansin, tulad ng ating kaluluwa at ang ating spiritual life. Binibigyan din ba natin ito ng pansin at ng panahon? May panahon ba tayo sa pagdarasal araw-araw? Nagbibigay ba tayo ng panahon na lumago ang ating pananampalataya tulad ng pagdalo sa Banal na Aral? Nagbibigay ba tayo ng serbisyo at ng pera para tumulong sa iba?
Ngayong Linggo rin ay World Day of People with Disabilities. Inaalaala natin ang may mga kapansanan, ang mga PWD – Persons With Disabilities. Marami po sila. Marahil ang iba sa sila ay kapamilya natin o kapit bahay natin o kasama natin sa ating Kriska. Dahil may kakaiba silang katangian, madalas tayong mainis sa kanila o pinababayaan natin sila. Sila po ay kapatid pa rin natin kay Kristo. Tulungan at paglingkuran natin sila. Hinihikayat tayo ni Jesus na huwag lang dapat tayo nakatuon sa ating sarili o sa ating buhay ngayon. May mga bagay at mga tao na dapat din natin pansinin para maging buo ang buhay natin.
And adbiyento ay paghahanda nga sa pagdating ng Panginoong Jesus. Darating siya sa pasko at darating uli siya sa wakas ng panahon. Ang dalawang ito ay pinaghahandaan natin. Hindi lang pinaghahandaan – pinananabikan pa natin! Siguradong darating ang Panginoon! Hindi natin mapigilan ang Pasko. 24 days na lang at pasko na. At sigurado ding darating ang wakas ng panahon. Hindi rin natin ito mapipigilan! Ang malaking pagkakaiba lang, alam natin kung kailan darating ang pasko, pero hindi natin alam kung kailan muli darating si Jesus. Kaya maging handa tayo sa lahat ng oras. Paano? Lagi tayong magdasal. Ang taong nagdarasal ay hindi pumapasok sa bisyo. Ang taong nagdarasal ay hindi nagugumon sa mga bagay lamang ng mundong ito. Ang taong nagdarasal ay nag-aabang sa Panginoon sapagkat siya ay lagi niyang kinakausap. Tatanggapin siya ng Panginoon na pinapahalagahan niya at kilala niya dahil sa kanyang pagdarasal.