861 total views
3rd Sunday of Advent Cycle A Gaudete Sunday
Is 35:1-6.10 James 5:7-10 Mt 11:2-11
Excited na tayo! Excited na ba kayo? Excited sa ano? Sa Pasko o sa pagdating ng Panginoon? Kung excited tayo sa Pasko, saan tayo excited? Sa bakasyon? Sa bonus, kung hindi pa natin ito natanggap? Sa regalo? Sa Christmas party kung hindi pa ito nangyari? Sa bagong damit? Kung diyan lang tayo na-e-excite, ang babaw naman! Kasi ang lahat ng iyan ay lilipas. One week after Christmas ay wala na iyan. Sana excited tayo hindi lang sa pasko kundi sa pagdating ng Panginoon. Maaaring nandiyan ang pasko pero wala ang Panginoon. At maaari namang dumating ang Diyos anytime, kahit hindi na pasko.
Excited ba tayo sa pagdating ng Panginoon? Sinabi sa atin ni propeta Isaias: “Huwag kang matakot, laksan mo ang iyong loob, darating na ang Panginoong Diyos at ililigtas ka sa kaaway!” Sa anong kaaway tayo ililigtas? Sa mga pumipigil sa atin na magkaroon ng kaganapan ng buhay. Para sa iba maaaring iyan ay kakulangan sa hanap buhay, o karamdaman, o tukso, o pang-aabuso, o galit, o bisyo. Dini-describe ang mga hadlang na ito ng pagiging bulag, pagiging pipi, pagiging pilay o pagiging pilay. Kaya ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang bingi, lulundag ang pilay at aawit ang pipi. Iyan ang katubusan. Dito dapat tayo manabik, at iyan ang asahan natin. Kaya ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak. Kaya ngayong ika-tatlong Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na Gaudete Sunday – Linggo ng tuwa at galak kasi ang inaasahan natin na darating ay ang Panginoon na magbibigay ng kaganapan ng buhay.
Si Juan Bautista ang tagapagpanguna sa pagdating ng Panginoon. Nanawagan siya ng pagsisisi. Bininyagan niya ang mga taong nagsisisi. Pero ang ayaw na magsisisi ay nagagalit sa kanya. Isa na diyan ang haring si Herodes, ang anak ng Herodes na nagpapatay sa mga sanggol noong si Jesus ay isinilang. Nagagalit ang Herodes na ito noong sabihin ni Juan Bautista na hindi tama na kinakasama niya bilang asawa ang asawa ng kanyang kapatid. Ipinabilanggo niya si Juan. Sa katahimikan at kalungkutan ng bilangguan umaasa si Juan na darating na ang kaligtasan, kasi bininyagan na nga niya si Jesus. Pero wala pang nangyayari. Akala niya pagdating ni Jesus pababagsakin na niya ang mga Romano at si Herodes na tuta ng mga ito. Pero hindi naman nangyayari.
Kaya nagpadala sila ng mga alagad niya kay Jesus upang tanungin: “Kayo po ba ang ipinangakong paririto o maghihintay pa kami ng iba?” Siguro dramatic na pagbagsak ng mga kaaway ang kanyang inaasahan. Pero sinabihan ni Jesus ang mga sinugo niya na ibalita nila kay Juan ang ginagawa niya: nakakikita ang mga bulag, nakaririnig ang mga bingi, binubuhay ang mga patay at ang mabuting balita ay naipangangaral sa mga dukha. Ang kapangyarihan ni Jesus ay hindi niya ginagamit upang ibagsak ang makapangyarihan kundi upang buhatin at tulungan ang mga nasa ilalim. Madalas inaasahan natin na ibagsak ang nasa itaas, at hindi na buhatin ang mga nasa ibaba. Ibang kumilos si Jesus kaysa ating inaasahan.
Siguro nakumbinsi si Juan ng mga ibinalita ng mga isinugo niya kaya nanatili siyang tapat hanggang sa wakas, hanggang siya ay pinugutan ng ulo. Si Juan ay hindi isang tao na nagpapasunod lang sa ihip ng hangin, o nagpapadala sa public opinion. Bilang tunay na propeta siya ay nanindigan at naging tapat. Dakilang propeta si Juan na pinaniwalaan ng mga tao at kinikilala na galing sa Diyos.
Tulad ni Juan magtiyaga din tayo at patuloy na umasa sa pagdating ng kaligtasan. Ang pagtitiyagang ito ay inihambing ni Santiago sa ating ikalawang pagbasa sa mga magsasaka. Alam ninyo iyan, kasi marami sa inyo ay magsasaka. Hindi agad-agad ang pagsibol at pagbunga ng itinanim natin. Kailangang mag-antay sa panahon ng tag-ani. Pero habang nag-aantay inaalagaan at binabantayan din ang ipinunla. Ang pag-aantay ng magsasaka ay hindi pagpapabaya. Busy din siya sa kanyang pag-aalaga sa tanim na inaasahan niyang mamumunga.
Ganoon din tayo. Busy din tayo sa pagkilos ayon sa ating inaantay. Excited tayo na dumating ang katarungan, kumilos tayo para sa katarungan. Gusto natin na umangat ang nahihirapan, iangat natin ang kilala nating nahihirapan. Ayaw natin ng nagsasamantala, pigilin natin ang alam natin na nagsasamantala ngayon. Sa maikling salita, gawin na natin ngayon ang ating inaasahan. Huwag nating isipin na kaunti lang tayo, hindi man natin mapipigil ang mga corruption, hindi man natin kayang tulungan ang mga mahihirap. Oo, hindi man natin matutulungan ang lahat ng mahihirap pero matutulungan natin ang isang mahirap. Hindi man natin maituwid ang lahat ng pagsisinungaling, mapipigilan natin ang pagkalat ng ilang sinungaling. Gawin natin ang magagawa natin at ang Diyos na ang aayos para sa lahat. Siya naman talaga ang manliligtas. Sa paggawa ng gusto nating gawin ng Diyos, napapaalab ang ating pag-asa.
Noong may higit na limang libo ang nagugutom na mga tao, nagtanong si Jesus kung saan makakukuha ng pagkain para sa kanila. Nag-calculate na si Felipe. Kailangan natin ng halaga ng 200 araw na sahod para makakain ang lahat. Sa ating panahon na 550 pesos per day – mga 350,000 pesos iyan – napakalaking halaga. Pauwiin mo nalang sila. May isa pang nagsabi, wala naman tayong mabibilhan ng tinapay dito para ganyang karami na mga tao. Magkanya-kanya na lang silang humanap ng pagkain. Mabuti pa ang isang bata. Noong narinig niya na pinag-uusapan ang pagkain, inalok niya ang kanyang limang tinapay at dalawang isda. Talagang hindi kasya iyan. Pero sa pamamagitan nito napakain ni Jesus ang lahat.
Si Jesus ang manliligtas, ialok natin at ilagay sa kanyang kamay ang mayroon tayo at ang makakaya natin. At makikita natin ang ating inaasahan na makakikita ang mga bulag, makalulundag ang mga pilay, makaririnig ang mga bingi, at makaaawit ang mga pipi. Ito ang pag-asa na binibigay sa atin ng adbiyento. Ito ang pagsikapan nating gawin. At ito ang mararanasan nating mangyari. Umasa tayo! Magtiyaga tayo!