5,559 total views
1st Sunday of Advent Cycle B
Catholic handicapped Sunday and National Aids Sunday
Is 63:16-17.19; 64:2-7 1 Cor 1:3-9 Mk 13:33-37
Nasa panahon na tayo ng Adbiyento. Sinisimulan natin ngayong Linggo hindi lang ang isang bagong panahon ng Simbahan kundi ang isang bagong taon ng Simbahan. Happy New Year!
Ang ibig sabihin ng salitang Adbiyento ay pagdating. Sino ang darating? Ang Panginoong Jesus. Kailan siya darating? Sa kanyang ipinangakong muling pagdating. Si Jesus ay pumarito sa lupa. Gumawa siya ng kabutihan. Nagpahayag siya ng Magandang Balita na mahal tayo ng Diyos Ama. Pero hindi siya tinanggap. Pinatay siya. Ipinako sa krus. Ngunit siya ay muling nabuhay. Bilang muling nabuhay, nasaksihan siya ng mga alagad kasi nagpakita siya sa kanila at nakisama pa sa kanila. Pero pagdating ng takdang panahon, siya ay umakyat sa langit kung saan siya galing. Ngunit nangako siya na babalik uli siya. Binabanggit natin sa misa: “Sa kanyang lantarang muling pagdating ang pakikisama niya’y puspusang magniningning. At ang pangako niyang kapana-panabik ay inaasahan naming lubos na makakamit.”
Ito ang pagdating ni Jesus na ating ipinaghahanda. Maraming mga tao ay nakatuon sa pagdating ng Pasko. Siyempre, December na, at 22 days na lang at Pasko na. Oo, ipinaghahanda din natin ito, pero ang pasko ay paalaala lamang ng unang pagdating ng Anak ng Diyos sa atin, noong siya ay naging tao. Hindi naging handa ang Israel, ang bayan ng Diyos noon, na tanggapin siya, kahit na mga isang libong taon nang sinasabi ng mga propeta sa kanila na darating ang Mesiyas o ang Kristo sa kanila. Kaya nga siya ay isinilang sa sabsaban. Walang lugar sa kanya kahit na sa mga bahay panuluyan man lamang sa Bethlehem. Malungkot na sinulat ni San Juan: “Dumating siya sa kanyang bayan at hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan.” Hindi sana ito maulit sa atin sa kanyang muling pagdating. Kaya mahalaga ang babala ni Jesus sa kanyang talinhaga na ating narinig: “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras.”
Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng kanya-kanyang gawain o pananagutan sa buhay. Ang iba ay magulang, ang iba ay empleyado, ang iba ay magsasaka, ang iba ay estudyante at marami pang tungkulin sa buhay. Sana madatnan tayo ng Panginoon na tapat sa mga tungkulin natin sa buhay. Baka sa kanyang pagdating maratnan tayong natutulog o nagpapabaya o nagwawalang kibo sa mga gawain na inaasahan sa atin. Ito ang paghahanda na inaasahan sa atin.
Maganda na ginagawa natin ang ating tungkulin sa buhay. Pero sinabi natin sa ating pambungad na panalangin sa misang ito: “Sa pagdating ni Kristo makasalubong nawa kaming may mabubuting gawa.” Ang panahon ng Adbiyento ay panahon din ng paggawa ng kabutihan. Tumulong tayo sa ating kapwa, lalo na sa kapwang nangangailangan. Sa ganitong paraan natatanggap natin ngayon pa lang ang Panginoon sapagkat ang ginagawa sa mahihirap ay ginagawa natin sa Panginoon. Jesus identifies himself with the poor.
May magandang nangyayari ngayon. Maraming mga businesses at maraming mga grupo sa simbahan man o sa labas ng simbahan ay gumagawa ng mga outreaches sa mga mahihirap bilang bahagi ng paghahanda sa pasko. Dumadalaw sila, nagbibigay ng regalo, nagka-carolling, nagpapakain sa mga bata, sa mga bilanggo, sa mga maysakit, sa mga katutubo at mahihirap. Tama at maganda ang ganitong gawain. Sana lumaganap pa ito at maging isang kaugalian na. Huwag lang pagkaabalahan na magparty tayo at maging maligaya tayo sa ating mga exchange gifts, kainan o sayawan. Bigyan natin ng aliw ang mga napapabayaan at magiging tunay na masaya tayo at tunay na matatanggap natin ang Panginoon.
Isang sector ng lipunan na hinihikayat tayong tanggapin at kung maaari ay aliwin at tulungan ay ang mga may kapansahan at ang mga may HIV-AIDS. Kaya ngayon ay Catholic AIDS Sunday at National Handicapped Sunday. Ang HIV-AIDS ay isang sakit na kumakalat ngunit hindi pa nagagamot hanggang ngayon. Wala pang gamot para dito. Pero madalas hindi ito pinag-uusapan at tinatago lang kasi ito ay madalas nakukuha dahil sa irresponsableng sexual activities. Ang sabi ko ay MADALAS kasi hindi naman lahat ay ang sexual activity ang dahilan, at kahit pa iyan ang dahilan, huwag nating pabayaan ang nagkasakit ng ganito. Sila ay may sakit at kailangang tulungan. Sana hindi natin marinig si Jesus na magsalita sa atin: “Ako ay may HIV-AIDS at pinabayaan mo ako.” Ganoon din ang may mga kapansanan. Tulungan din natin sila. Huwag silang ikahiya, bagkus mas alagaan pa nga. Mahalaga din ang buhay nila at maaari pa itong maging bukal ng pagpapala sa atin. May isa akong kilalang babae na may kapansanan. Pero mahal na mahal siya ng kanyang mga kapatid. Noong namatay na ang mga na nag-aalaga sa kanya, ang mga kapatid niya at ang kanilang mga anak ay naghalinhinang umuwi sa kanila para alagaan siya. Siya ang naging dahilan ng pagkakaisa ng mga magkakapatid at ng kanilang mga pamilya. Dahil sa pagmamahal sa kanya patuloy na nagkakaisa ang buong angkan.
Sinulat ni Pablo sa kanyang liham na ating narinig ngayon: “Hindi kayo nagkukulang sa anumang kaloob na espiritual habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Jesus. Kayo ay aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa Araw ng ating Panginoong Jesus.” Kaya huwag nating pabayaan ang ating paghahanda sa pagtanggap kay Jesus, hindi lang sa paskong ito ngunit higit sa lahat sa kanyang muling pagdating. Maging handa palagi tayo. Binibigyan din niya tayo ng biyaya upang magampanan ang paghahandang ito. Ang Diyos na darating ay tumutulong sa mga lingkod niyang buong tiwalang nananalig sa kanya. Kaya kasama ni propeta Isaias ay isigaw natin: “Buksan mo ang langit at ikaw ay bumaba sa mundong ibabaw.”