1,074 total views
2nd Sunday of Advent
Catholic Handicapped Day & National Aids Sunday
Is 11:1-10 Rom 15:4-9 Mt 3:1-12
Napakinggan natin kanina kay San Pablo: “Anumang nasa kasulatan noong una ay nasulat upang matuto tayo, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.” Ngayong Linggo pinipresenta sa atin ng Biblia ang dalawang gabay sa panahon ng Adbiyento upang matuto tayo paano tanggapin si Jesus. Ang una ay si propeta Isaias at ang pangalawa ay si San Juan Bautista. Si propeta Isaias ay nagbibigay ng pag-asa at si San Juan Bautista ay nabibigay ng hamon.
Ang darating ay galing sa lahi ni Jesse ayon kay Isaias. Si Jesse ay ang tatay ni David. Ang batang darating ay isang hari na pinupuspos ng Banal na Espiritu kaya nasa kanya ang mga biyaya ng katalinuhan, ng kaalaman, ng karunungan, ng kalakasan at pagkatakot sa Diyos. Ginagamit niya ang mga biyayang ito upang ipagtanggol ang karapatan ng mga kawawa, upang bigyan ng katarungan ang mga mahihirap, at upang hatulan ng parusa ang mga malulupit at mayayabang na makapangyarihan. Hindi ba ito ang hinahangad-hangad natin na maayos at makatarungang pamumuno? May pag-asa tayo na ito ay darating kasi ito ay pangako ng Diyos. Asahan natin ito.
Itong uri ng pamumuno ang dadalhin ni Jesus pagdating niyang muli. Kaya nga ang adbiyento ay panahon ng pag-asa. Sa pamamahala ng haring ito, wala nang alitan at patayan. Ang mundo ay magiging parang isang bundok ng Diyos na ang mga magkaaway ay magkasama-sama na walang gulo: ang leon at ang kambing, ang baka at ang oso, ang asong-gubat at ang kordero, ang bata at ang ahas. Sama-sama silang maglalaro at magiging masaya, para bang ang taga-Ukraine at Russians ay sama-sama nang magsasayaw, ang mga Palestinians at mga Hudyo ay maglalaro ng basketball, ang mga military at mga NPA ay nagsising-along.
Hindi ba magiging maganda ang mundong ito? Paano mangyayari ang mga ito? Kung ang buong mundo ay mapupuno ng pagkilala sa Panginoong Diyos tulad na ang dagat ay puno ng tubig. Ang pagkilala sa Diyos ay ang magdadala ng kapayapaan at katarungan. Umasa tayo na ang ating pagpapahayag ng mga aral ng Diyos ay magbibigay ng magandang pagpapanibago sa mundo. Kaya mahalaga ang papel ng mga katekista, ng mga preachers, ng mga pari at mga tagapagturo tungkol sa Diyos.
Si Juan Bautista naman ay nagbibigay ng hamon sa atin. Hinahamon tayo na magbago, na magsisi. Nalalapit nang maghari ang Diyos. Tanggapin natin ang paghahari niya ng buong pananabik. Tanggalin natin ang anumang hadlang sa kanyang pagdating sa ating buhay. Kaya tuwirin na ang ating buhay. Ipakita natin ang ating pagsisisi sa pagbabago ng ating buhay. Hindi lang iwasan ang kasamaan. Mamunga na rin tayo ng kabutihan. Nakaabang na ang palakol sa ugat ng punongkahoy. Ang hindi namumunga ng kabutihan ay puputulin at ihahagis sa apoy. Hawak na niya ang kalaykay upang ihagis sa apoy ang mga dayami, iyong mga walang kwenta. Pero iyong mga palay, iyong mga bunga ng kabutihan ay dadalhin sa kanyang kamalig. There is a sense of urgency. Ngayon ay kumilos na tayo. Huwag nang ipasabukas pa ang paggawa ng kabutihan.
Kung ibig natin na maging masaya ang pasko natin, pinaghahandaan na natin ito. Pinagplaplanuhan na natin ang ating Christmas party. Bumibili na ng mga regalo. Nagdedecorate na ng mga bahay. Iyan ay para sa pagdiriwang ng pasko na pansamantala lang. Ano kaya ang permanenteng pagdating ni Jesus sa ating buhay? Hindi niya ipinaalam kung kailan ito upang palagi tayong maging handa, palagi tayong kumikilos at hindi nagpapabaya.
May isa pang gabay sa ating paghahanda. Iyan ay si Maria, ang Ina ni Jesus. Wala nang mas handa pa sa pagtanggap ng anak kaysa ang kanyang ina. Hindi lang si Maria handa. Inihanda siya ng Diyos. Sa darating na Huwebes, December 8, ipagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng Imaculada Concepcion. Ang ibig sabihin ng kapistahang ito ay si Maria ay ipinaglihi na walang kasalanan. Hindi nadagtaan ang laman ni Maria ng kasalanan mula pa sa simula ng kanyang buhay.
Ito ay isang biyaya sa kanya. Diyos lang ang maaaring gumawa nito dahil sa papel na gagampanan niya para sa magiging anak niya. Kukuha ang Anak ng Diyos ng kanyang lamang tao kay Maria. Mananatili ang Anak ng Diyos sa kanyang tiyan ng siyam na buwan. Nararapat lang na ang katawan niya ay hindi napailalim sa kasamaan. Kaya inihanda si Maria ng Diyos para sa kanyang misyon, kaya ang unang bati ng anghel Gabriel sa kanya ay PUNO KA NG GRASYA, at si Maria naman ay nakiisa sa plano ng Diyos noong ito ay ipaalam sa kanya. Kung si Maria ay tinulungan ng Diyos upang marapat niyang tanggapin si Jesus, tumutulong din si Maria sa atin na tanggapin natin si Jesus sa muling pagdating niya. Kaya tumingala at lumapit tayo kay Maria sa ating pag-aabang kay Jesus. Dakilang kapistahan ang Imaculada Concepcion sa Pilipinas. Kaya holiday ito. Ipangilin natin ito. Magsimba tayo sa December 8.
Ngayong Linggo sa ating simbahan ay ang Handicapped Sunday at National HIV-AIDS Sunday. Pinapaala-ala sa atin na dapat nating kalingain ang mga kapatid natin na madalas naisasantabi natin – iyong may mga kapansanan at may HIV. Kung minsan nga, kahit na sa kanilang pamilya sila ay hindi nabibigyan ng nararapat na pagkalinga kasi iba sila, hindi sila nakakasabay sa ordinaryong takbo ng buhay – maging ang kapansanan ay physical o mental, maging ito ay permanente o pansamantala lang. Ano man ang kakayahan nila, at may kakayahan sila pero iba lang sa atin kaya tinatawag silang, differently abled, sila ay nilikha ng Diyos na kawangis niya. Sila ay niligtas ni Kristo at sila ay para din sa langit. Anumang pagpapahalaga natin sa kanila ay pagpapahalaga din kay Kristo.
Isa pang kalagayan ng mga tao na tinatago natin ay ang sakit na HIV-AIDS. Ito po ay isang sakit na wala pang lunas. Pero ito ay maiiwasan kung ang lifestyle natin ay sumusunod sa ABC: A – abstinence, iwas sa pakikipagtalik sa iba. B – Be faithful, maging tapat ka sa iyong asawa, isang partner lang. C – chastity, maging dalisay sa iyong mga relasyon sa iba. Huwag din nating ituring na parusa ang may HIV. Huwag natin silang husgahan, kasi nakukuha din ito sa iba pang paraan at hindi lang sa sex. At ang lahat ng may sakit ay ating tinutulungan, anuman ang dahilan ng kanilang pagkakasakit. Kaya umiwas sa uri ng pamumuhay na maaaring magdala sa atin ng HIV at tulungan natin ang may sakit na ganito. Ito rin ay paraan na pagtanggap natin kay Kristo.
Dumadating si Jesus sa iba’t-ibang paraan sa ating buhay. Anuman ang paraan at ang kanyang anyo sa kanyang pagdating sa atin, masaya natin siyang tanggapin at paglingkuran.