5,699 total views
Muli po magpasalamat tayo sa Panginoon na tayo ay binigyan ng lakas ng katawan, tamang pag-iisip. Maganda ang panahon at kakayanan na maglakad at ngayon sama-sama tayo para sa Eukaristiya.
Nagpapasalamat po ako kay Fr. Degs at mga kasama sa parokya sa paanyaya na makapiling kayo sa misang ito.
Kung bibigyan po ng titulo itong aking pagninilay, siguro puwede nang ‘Hinahanap Kita’ o kaya ‘Kita Kita’! Ang mundo minsan ganyan, marami tayong hinananap, hindi nga lang natin alam minsan na naghahanap tayo. At hindi rin natin alam minsan kung ano ang hinahanap natin.
Kaya minsan, kapag tinatanong ng mga nanay ang kanilang mga anak, ano ang gusto ninyong kainin mamaya? Kahit ano ho! Pero kapag nakitang manok…manok na naman! Tinanong kayo kanina ano ba gusto ninyo? Hindi alam, di nagdesisyon si nanay. Tapos nung nandyan na, manok na naman! Ano ba talaga ang hanap mo?
Iyong iba, daming nanliligaw walang mapili. Walang sinasagot. Tapos magno-novena kay St. Jude, magpadala naman kayo ng aking mapapang-asawa.Ngayon pa 86 ka na! Ano bang hanap mo? Pero ano nga ba? Ano ba ang kurso na gusto mo ngayong tapos ka na ng high school? First semester nursing, naku nakakatakot pala ang dugo. Second semester education, ayokong magturo makukulit ang mga bata. Third semester vulcanizing, naku mainit pala ‘yan. Fourth semester rondalla, hindi ako marunong pala wala akong hilig.
Wala na hindi ko na alam ang gusto ko…magpapari na lang kaya ako nung hindi na alam. Pero ganyan ho araw-araw, hindi natin namamalayan, naghahanap tayo. At araw-araw hinahanap tayo. Sa unang pagbasa, hinahanap ni Saul si David para patayin. Nagseselos siya kasi napatay ni David ang kalaban si Goliat. Sumikat si David, nagselos na si Saul at hinahanap niya si David para patayin.
Ito namang mga kaalyado ni David, hinahanap si Saul para rin patayin. Alam ninyo may ganiyan sa mundo hinahanap ka para patayin ka, hinahanap ka para sirain ka, hinahanap ka para tapakan ka! At minsan tayo rin may hinahanap para saktan. Bakit kayo tahimik! Ganyan ba ang hanapan na gusto natin? Pero, minsan di mo alam, papatayin kaya?
Kaya minsan dahil ang atmosphere ganun kahit na kaharap mo na ayaw mong sabihin. Bakit ka hinahanap? Bakit natin hinahanap ang iba? Mabuti na lang sa ebanghelyo, napakaganda si Hesus hinanap ang 12 para kanyang maging Apostoles. Hinanap sila para makapiling Niya, makasama Niya. Bigyan ng misyon at isusugo Niya para gumawa ng kabutihan, para pagalingin ang mga may karamdaham, para magpaalis ng masasamang espiritu! Hinananap Niya ang kanyang maisusugo bilang apostoles. Ibang maghanap ang Diyos.
Kapag naghanap ang Diyos ‘yan ay hindi para sirain tayo, hindi para mapahamak tayo! Kapag ang Diyos ang naghanap sa atin, isa lang ang gusto Niya, makapiling tayo at maging katuwang Niya tayo sa kanyang misyon. Sana ganun din tayo maghanapan, sana hanapin natin ang mga kabataan. Hanapin natin ang mga nalulumbay, hanapin natin ang mga walang kaibigan. Hindi para sisihin pa! Hindi para yurakan, hanapin natin para tulad ni Hesus masabi natin gusto kitang kasama at magsama tayo sa paggawa ng kabutihan.
Samahan mo ako para maipahayag ang Mabuting Balita. Iyan po ang isa sa espiritwalidad ni St. John Bosco. Hinahanap niya, katulad ni Hesus ang mga bata na baka hinahanap din ng masamang impluwensya! Kaya siya na ang hahanap sa kanila. At sa pamamagitan ng pagmamahal ng isang ama at sa pagtuturo sa kanila ng pananampalataya napakaraming nakatagpo kay Hesus.
Mga kapatid sino ang hinahanap mo? Bakit mo hinahanap? At ikaw naramdaman mo ba na hinahanap ka ni Hesus? Huwag ka nang magtago kay Hesus. Huwag kang matakot kapag si Hesus ang naghahanap sa ‘yo. Makakaranas ka ng ganap na buhay.
Mga magulang, hinananap niyo pa ba ang mga anak ninyo? Ang asawa ninyo? Sino ang hinahanap ninyo anak o asawa? (Anak!) Kawawa naman ang mga asawa, hanapin ninyo! Hindi para pagalitan, kasi lalu ninyong hindi mahahanap, kapag papagalitan lalung di uuwi. Tanggapin ninyo. Yung mga mister ninyo kapag umuwi, iwanan ninyo muna ang TV, siya muna ang harapin ninyo. Kumain ka na ba? Saka hanapin ang suweldo, siya muna ang hanapin nyo, huwag muna ang suweldo!
Mga bata bakit ninyo hinahanap ang mga kaibigan ninyo? Sana hinahanap ninyo para dalhin sila sa kabutihan. Hanapin mo para dalhin sa kabutihan. Maging instrumento tayo ni Hesus, tulad ni San Juan Bosco, maghanap ng magiging mga apostolate.
Sino po dito ang mga binata pa? Mga binata hinahanap kayo ni Kristo! Huwag kayong magtago-tago pumasok kayo sa seminaryo, pumasok kayo sa mga Don Bosco priests, brothers. Huwag na kayong magtago. Sino ang mga dalaga? Ang gaganda ninyo. Mas gaganda kayo kapag nagmadre kayo! Hinanap kayo ni Hesus, kapag si Hesus ang humanap, huwag magtago. Kapag tinawag ang pangalan, makinig.
Ibig Niya kayong makasama para mabuhay tayo sa Kaniya at makapiling sa kaniyang misyon. Tayo po ay tumahimik sandali at ang ating puso ay ibukas natin kay Hesus. At kung mayroon tayong hinahanap na hindi maganda o masamang binabalak ito’y ilapit natin kay Hesus. Pawiin ang ating hindi magagandang damdamin hilingin na nahanapin Niya tayo, akayain Niya tayo.