230 total views
Tayo ay hinatid niya sa pagsimula ng Semana Santa, mga mahal na araw, ito ay isang paglalakbay para samahan si Hesus tungo sa bagong buhay. Kaya napakahalaga po na lumalim muli ang ating pagkilala kay Hesus.
Sana po lalo sa mga dadalo ng mga pagdiriwang dito sa Manila Cathedral itong buong Linggo, doon po tayo tumutok sino nga ba si Hesus? Sino itong ating sinusundan?Iyan po ang tanong ng mga tao na sumalubong sa kanya ng siya’y papasok sa Herusalem.
Dala ang mga sanga ng puno, palaspas ang kanilang mga balabal sagisag ng pagtanggap, pero sino nga ba siya? Iyan ang tanong nila, sino itong ating tinatanggap? sabi nila Hosanna anak ni David. Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon. Anak ni David dumarating sa ngalan ng Panginoon. Pero patuloy pa rin ang pagtatanong sino nga ba ito?
Samantalang siya ay tinatanggap sa narinig nating ebanghelyo, siya rin naman ay ininsulto at niluruhan, dinuraan ang kaniyang mukha. Sinabi na yan sa unang pagbasa mula sa propeta Isaias, ang sugo ng Diyos ang magsasalita ng salita ng Diyos ay iinsultuhin at duduraan sa mukha.
Yan ba ang darating sa ngalan ng Panginoon, ganyan ba kapag ikaw ay nagsasalita hindi ng salita mo kundi ng salita ng Diyos? ganyan ba kapag ikaw ay dumating sa ngalan ng Panginoon ikaw ay duduraan? Kaya ang tanong sa atin talaga bang tinatanggap natin si Hesus? Anong Hesus ang ating tinatanggap? Kaya ba nating tanggapin ang sugo ng Diyos na hindi mukha ng Diyos? Sabi sa ikalawang pagbasa sabi ni San Pablo sa mga taga Filipus, hinubad ni Hesus ang pagka Diyos at naging hamak na tao. Kaya ba nating tanggapin ang sugo ng Diyos na hindi nagniningning, na hindi mukhang mayabang, hindi mukhang makapangyarihan kundi mukhang ordinaryo at mukhang puno ng dura?
Makikita ba natin sa anyo ng isang ininsulto at dinurhan ang sugo ng Diyos? Anong Hesus ang ating tatanggapin? Sa kuwento po ng kaniyang pagpapakasakit paulit-ulit ang insulto at pagdura. Pati ang kanyang malalapit na alagad naghanda siya ng hapunan ng pamamalaam,kay gaganda ng mga sinabi pati si Pedro mag- aalay kami ng buhay para sa iyo, mamatay kami para sa iyo. Pero si Judas ibinenta siya, hinalikan hindi halik yun dinuraan niya si Hesus. Si Pedro mamatay daw para kay Hesus, tinanong lang di ba kasama ka ni Hesus? Hindi ko yan kilala! dinuraan na naman.
Ang punong paring si Cayapas ikaw ba ang hari ng mga Hudyo? sagot ni Hesus, kayo na ang nagsabi, dagsa ang insulto, dagsa ang pagdura, tahimik si Hesus. Kay Pilato ganun na naman at ang tugatog para sa akin ng pagdura sa kanya ay nang pinapili ang mga tao, sino ang pipiliin ninyo si Hesus o si Barabas? Si BArabas kilalang tulisan namuno ng isang himagsikan para palayasin ang mga Romano, sino ang pinili nila si Barabas. Ang pangalang Barabas, aba anak, aba ama anak ng ama. Barabas anak ng ama yun ang pangalan niya pero si Hesus nagsasabi ako ang sugo ng Ama ako ang anak ng Diyos Ama.
Sino ang kanilang pinili na anak ng ama? Si Barabas hindi si Hesus. Mga kapatid nakakagitla ang kuwento ng kanyang pagpapakasakit. Tatanggapin ba natin ang sugo ng Diyos? Mapagpakumbaba hindi mukhang Diyos, ordinaryong tao sugat-sugatan, puno ng insulto, dura at hinubaran.
Pero sanay naman siya, hinubad niya ang kanyang dangal, ang Diyos na hinubaran.
Kaya hindi siya matanggap ng iba sabi sa kaniya, kung ikaw talaga ang sugo ng Diyos bumaba ka sa krus, iligtas mo ang iyong sarili, ang hinahanap naming malakas makapangyarihan, magician.
Ang hinahanap naming Diyos aalisin ang lahat ng problema, aalisin ang lahat ng dusa, aalisin ang kundisyon ng tao.
Ang kahinaan ng tao pero si Hesus naging tao. Niyakap ang kahinaan ng tao, nagpakatao, matatangap ba natin at susundan ang sugo ng Diyos na katuald niya? Sino ang nakakilala kay Hesus bilang tunay na anak ng Diyos? Iyong hindi inaasahan, yung guwardiya, yung sinturion kasi nakatutok siya kay Hesus, binabantayan niya, trabaho niya yun baka kasi tumakas, pero dahil nakatitig siya kay Hesus, napasok niya ang katotohanan.
Tunay nga ito ay inosente tunay nga na ito ang anak ng Diyos.
Titigan siya, tingnan siya, subaybayan siya at makikita natin ang wagas na pag-ibig ng Diyos na kayang hubarin ang sarili para tayo ay makaisa, ang Diyos na nagpapakababa, ang Diyos na handang magdusa at duraan kasama ang napakaraming tao na iniinsulto, na pinahihirapan at dinuduraan.
Ang tanong po sa atin ng linggong ito, mayroon nga tayong palaspas, simbolo ng pagtanggap kay Hesus, tinatanggap ba natin ang tunay na Hesus o baka naman tatanggapin lang natin ang Hesus na nasa ating imahinasyon, ang gusto nating Hesus pero hindi ang tunay na Hesus.
Ang pagtanggap sa tunay na Hesus ay pagtanggap sa kanyang presensiya sa mga dukha, sa mga dnuduraan ng lipunan, sa mga iniinsulto sa ating mundo, sa mga taong tahimik lamang kahit sila ay sinasampal pero sila’y may dangal dahil Diyos ang may batid ng katotohanan.
Ganyan si Hesus, ganyan din ang pagsunod natin sa kaniya. Hesus na aking kapatid sa lupa namiy bumalik, iyong mukha ay ibang-iba hindi kita nakikilala. Tulutan mong aking mata’y mamulat sa katotohanan, ikaw Hesus makikilala sa taong mapagkumbaba.
Ang sugo ng Diyos tulad ni Hesus mapagpakumbaba!