168 total views
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, nagpapasalamat po tayo sa Diyos sa natatanging biyaya na ipinagkaloob niya hindi lamang sa Simbahan kundi sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Mother Teresa.
At noong Setyembre sa pamamagitan ng deklarasyon ni Pope Francis, si Mother Teresa ay naitala kasama ng mga kinikilalang banal, mga santo at santa ng ating Simbahan.
Sila na nagpakita ng natatangi at pagkabayani ng pagiging Kristiyano at tagasunod ni Kristo. Alam ko po na marami na tayong narinig tungkol sa pagkatao at sa kabutihan ni Mother Teresa, marami na rin po ang mga sumulat at nagsalita tungkol sa kanyang ipinamana sa atin.
Lalu na sa pamamagitan ng Missionaries of Charity, hayaan niyo lamang po na magdagdag ako ng ilang pagninilay lalu na po para sa atin dito sa Archdiocese of Manila.
Una po sa lahat ipagdiwang natin ang kilos ng Diyos hindi lamang po si Mother Teresa ang ating pinapupurihan,kung anuman ang naabot ni Mother Teresa ito ay dahil sa kabutihan ng Diyos.
Palagay ko kung nandito si Mother Teresa at lagi siya ang binabanggit baka sabihin sa atin tama na. Huwag ako ang pag-usapan niyo, pag-usapan ninyo yung gumawa ng mga dakilang bagay sa akin, si Hesus.
At yun po ang ating pinagdiriwang, una sa lahat ang lakas na nagmumula sa pananampalataya. Napakalakas na puwersa, ng energy ang dulot sa atin ng ating pagkilalala at ang ating pakikipag-ugnayan kay Hesus.
Na sinasabi sa ikalawang pagbasa, siya ang nanguna hindi tayo ang unang nagmahal sa kanya, siya ang unang nagmahal sa atin.
Kung hangang-hanga na tayo sa pag-ibig ni Mother Teresa kay Hesus, sinasabi ng ikalawang pagbasa nauna si Hesus na nagmahal kay Mother Teresa at itong kanilang pag-iibigan, itong kanilang malalim na ugnayan, ang tawag natin pananampalataya. Ito ang nagbigay ng ibayong lakas,bagong pananaw sa buhay, bagong pagkilala sa sarili ang nakarinig ng bagong tawag.
Pero ang tawag ay kung papano lalong susunod kay Hesus, papano maging katulad niya, maging katulad ng nagmahal sa akin.
The fundamental calling was really how could I be not only closer, but like the one who has loved me.
Mga kapatid ito po ang una nating dapat ipagdiwang, ang lakas ng pananamplataya para sa sariling pagbabago at pagbabago ng lipunan.
Ang mundo natin ngayon para mabago ang sarili at ang lipunan. Umaasa tayo sa napakaraming pinagmulan ng lakas, lakas ng pera, lakas ng posisyon, lakas ng kapit, lakas ng dahas.
Huwag nating kalilimutan at huwag sasayangin ang pinakamalakas na ibinigay sa atin, ang ating pananampalataya.
Minahal tayo ni Hesus at kapag siya ay kaulayaw natin maraming mababago at maraming kaya nating baguhin. Sa tahimik na paraan hindi nagyayabang, hindi tumatawag ng atensiyon sa sarili, hindi naghihintay ng papuri subalit tunay ang pagbabago kapag ang pinagmumulan nito ay ang pananampalataya at pag-ibig ng panginoon.
Panawagan ko po sa ating lahat lalu na dito sa atin sa Archdiocese of Manila, huwag nating babalewalain ang pananampalataya, seryosohin natin si Hesus, seryosohin natin ang kanyang pag-ibig, kausapin siya, kilalanin siya.
Mas buhay ang Diyos sa atin, mas malakas tayo at ang lakas natin hindi nagmumula sa sarili at sa ating mga magagamit, ang lakas ay mangagaling kay Hesus at ang pag-ibig iyan ang pinakamalakas pag-ibig.
May mga kilala nga po ako, naalala ko yung isang binatilyo na may crush at gusto ng ligawan yung babae, di inaaligid-aligidan na niya yung babae. Isang araw, sabi noong babae hindi ko gusto yung lalaking naninigarilyo nababahuan ako, itong binatilyo ay naninigarilyo nung narinig niya, yun ay gustong-gusto niya yung babae, itinigil niya yung paninigarilyo.
Kung talagang nagmamahal kayang magbago, ang pag-ibig ang may puwersa para sa pagbabago. Iyan ang ginawa ni Hesus at yan ang ginagawa ng mga Santo, ipakita sa atin sinasabi nga nila the revolution of love. Hindi rebolusyon ng armas at ng dahas kundi rebolusyon ng pagbabago dulot ng pag-ibig.
Pinahahalagahan natin ang ating ugnayan kay Hesus. Parang naririnig ko tinatanong sa atin ng mga Santo at ni Mother Teresa, gaano kahalaga ang pag-ibig ni Hesus? ugnayan natin sa kanya?
Ang ikawala po ay karugtong diyan baka sabihin noong iba ako nanampalataya ako, nagsisimba ako kapag linggo, mabuti naman nagrorosaryo ako at nagno-novena, mabuti po ituloy niyo yan, sumasama ako sa prusisyon kapag fiesta, tama po yun, uma-attend ako ng katesismo, uma-attend ako ng bible sharing, ituloy niyo po yun, yan ang mga bantayog ng ating pananampalataya.
Pero sa narinig natin sa unang pagbasa mula sa Propeta Isaias at sa ebanghelyo ni San Mateo, hindi buo ang pananampalataya kung hindi rin natin pinagsisikapan ang panunumbalik ng katarungan at ang ating pagmamahal, habag sa mga dukha, sa mga nagugutom, sa nauuhaw, sa walang damit, sa may sakit, sa walang matuluyan at ang mga nasa preso.
Ang mga tinatawag po natin na gawain ng habag, acts of mercy kasama ang acts of justice, ang kilos ng katarungan, ang pag-aalis ng oppression, ng mga maling akusasyon at ang mapanirang pananalita, lahat po yan ay kasama sa gawaing banal.
Malinaw na malinaw sa unang pagbasa,if you remove from your midst oppression, false accusation and malicious speech, then light will come.
If you bestow your bread on the hungry and satisfy the afflicted, then light will come.
At ito ay dapat kasabay ng pagdarasal, nang pag- aayuno, nang pagpi-piyesta, magkakasama po sila magkakarugtong.
Habang nagsisimba gumagawa tayo ng gawaing banal, kapag nagdarasal sa bibliya gumagawa ng gawaing banal, kapag nagtataguyod ng katarungan, tumutulong sa mga dukha gumagawa din tayo ng gawaing banal.
Hindi po yan extra-curricular activity, hindi po yan ako magsisimba, yung pagtulong sa mga dukha ibang tao na lang ang gagawa niyan. Hindi gagawin natin lahat, iyan ang hinihingi sa atin.
Kaya mga kapatid buo ito, buo ang buhay pananampalataya, magkakasama pananalangin, salita ng Diyos at ang paglilingkod sa kapwa iisa yan, magkakasama hindi puwedeng mawala ang isa, lahat sila ay ang pagdiriwang natin ng pananampalataya.
At panghuli po lalu na sa ebanghelyo, maraming tao ang hindi kilala, strangers lalu na po yung mga hirap na hirap, kahit may pangalan sila hindi kinikilala, poverty makes people strangers. Specially to those who wield influence and power parang nagkakaroon ka lang ng mukha at pangalan kapag may sinasabi ka, kapag may pera, kapag mataas ang pinag-aralan mo, bigla lang nagiging somebody, parang bigla kang nagiging tao.
Kaya ang mga mahihirap hindi lamang kulang sa pagkain, sa inumin, sa damit, sa tahanan, kulang na kulang sila sa pagkilala bilang tao, bilang kapwa tao, bilang kapatid.
Kaya po pinili ni Hesus na siya bagamat present si Hesus sa lahat ng tao pinili niya na maging mas present sa mga strangers. Nakipag-isa si Hesus sa lahat ng tao, nung siya ay naging tao pero sa isang natatanging pamamaraan mas nakakapit siya bilang anak ng Diyos, doon sa mga hindi kinikilala ng lipunan. Ang nakalulungkot po sa ating mundo kapag ikaw ay mahina, ikaw ay mas madaling pagsamantalahan. Kapag ikaw ay dukha mas madali kang lokohin at gamitin.
Hindi ganyan si Hesus, hindi ganyan ang Diyos, mas mahina ka, mas mababa ka, mas mahal ka ng Diyos.
Ang kahinaan at kahirapan ay nagiging daan upang ipakita ng Diyos ang kanyang paglapit at ang kanyang habag. Weakness and vulnerability become the space for God’s nearness and compassion.
Ang nakalulungkot sa mundo natin baligtad, kapag mahina ka, pagsasamantalahan ka, kapag ikaw ay walang sinasabi, malamang gagamitin ka.
Hindi iyan ang ebanghelyo, hindi iyan ang daan ni Hesus at hindi iyan ang daan ng mga Santo, lalu na ni Mother Teresa.
Ang mga walang pangalan nabibigyan ng pangalan kapatid, ang walang sinasabi sa lipunan nabibigyan ng halaga, katawan ito ni Hesus.
Sa ating mundo na lagi na lamang naghahanap nasaan ang mga vulnerable, nasaan ang mga mahihina, hindi para tulungan kundi para pagsamantalahan.
Ipakita natin ang lakas ng pananampalataya at pag-ibig, mahina ka nakikita ko sa iyo isang kapatid, mahina ka, sugatan ka may sakit ka nakikita ko sa iyo katawan ni Kristo.
Sa halip na pagsasamantala ang ibibigay ko sa iyo ay pag-ibig, paggalang,dangal.
This is not a new gospel, but it is always new, ,the message maybe old but it has not lost its freshness, that’s why cannonizing saints who remind us of the simplicity and the beauty of the Gospel is a necessity. Pagpapaalala sa atin na ang lakas na nagmumula sa ating ugnayan kay Hesus, ang pananampalataya ay buo, pagsisimba at sakramento, pag-aaral ng salita ng Diyos at paggawa ng katarungan at pag-ibig.
At ikatlo, ang mga mahihina minamahal, tinutulungan hindi pinagsasamantalahan.
May pangalan sila kapatid, may dangal sila katawan ni Kristo.
Una ko po nakita si Mother Teresa nung ako ay seminarista pa lang, 1970’s pumunta siya dito sa Pilipinas at nagkaroon siya ng audience sa mga seminarista. Ang ingay-ingay namin dun sa auditorium, alam niyo naman kapag wala pa yung guest daldalan ng daldalan hanggang sa pa-ingay na ng paingay. Bigla na lang ina-announce na narito na si Mother Teresa at lumabas sa stage isang napaka-liit na babae, medyo kuba-kuba pa nga ang lakad at paglabas niya biglang tahimik. Yung sinasabi kong lakas na nanggagaling sa isang maliit subalit punong-puno ng pananampalataya at pag-ibig.
Nagsalita siya ng sandali, may mga tanong, ang isang tanong sa kanya, Mother sa India at sa iba pang bahagi ng mundo ang tinutulungan ninyo ay ang mga kinalimutan na ng lipunan pati na ng kanilang pamilya? pinupulot niyo yung mga nasa kalye, yung mga marurumi, yung mga maysakit, ang tanong po ng isang seminarista ay papano niyo nakakayanan yun? papano niyo nakayanan yung nakikita, hindi maganda naamoy niyo hindi naman mabango, nahahawakan niyo mga sugat? dumi lahat yan, papano niyo nakakayanan? Alam niyo ang sagot ni Mother Teresa sabi niya sa amin, nakikita ko si Hesus at kapag nakikita mo si Hesus ay hindi na mahalaga ang amoy, ang ayos, ang linis, ang dumi, si Hesus ang niyayakap ko at hinahawakan ko.
Look at the power! ang lakas ng pananampalataya. At noong ako po ay pari na, estudyante po ako sa America noong ako ay nagsusulat na ng Thesis at may oras, nag-volunteer po ako sa mga missionaries of charity doon sa Washington DC, meron ho silang bahay doon, yung mga homeless, yung mga may edad na, napabayaan na walang pamilya at yung mga may HIV-AIDS lalu na yung malapit ng mamatay, yun po ang mga inaalagaan.
At nag-volunteer po ako doon sa tuwing pupunta ako, magre-report ako doon sa Mother superior at sasabihin niya sa akin, Father sa araw na ito tinatawag ka ng diyos na maglingkod sa kitchen. Naku ibig sabihin nun ako ang magluluto kaya minsan sasabihin niya tinatawag ka ng Diyos maglingkod sa garden hayun, pero malimit doon ako napupunta sa HIV-AIDS.
At ilang beses din na nasasamahan mo ang isang nag-iisa sa pagharap sa kamatayan dahil walang pamilya o ayaw puntahan ng pamilya.
Natutuwa ako, natapos ako ng pag-aral sa States pero ang isang mahalagang bahagi ng aking paglago doon ay ang aking volunteer work sa missionaries of charity.
Dalawa kami noon may kasabay akong isang babae na retired kaya marami siyang oras sa volunteer, naghahanda kami minsan ng almusal ay winter pagkaginaw-ginaw, yung mga madre 4:30 ng umaga nagdarasal na pati naman ako nandon na rin para narin akong nasa freezer.
Yun ang buhay nila, dasal para makayanan ang trabaho at ang trabaho ay dasal, naghahanda kami ng breakfast, ei toaster napakabagal kapag natapos mainit yung dalawang piraso maya-maya frozen na naman, kasi pagkabagal-bagal. Sabi sa akin nung isang volunteer alam mo Father meron akong toaster sa bahay na hindi na naming ginagamit, luma na pero mas maayos naman kesa dito dalhin ko kaya, sabi ko sige ipakita natin kay mother superior dinala nga nag-demonstrate kami yung kanilang toaster na parang 20-minuto ata bago uminit ang tinapay at yung bagong dala pero luma na ho, di wow mabilis nga, sabi namin kay Mother superior o tingnan mo mabilis itong dinodonate, sabi ni mother superior oo nga maganda nga pero hindi ko yan tatangapin. Di parang na dis-appoint ako, di wala kami magagawa ayaw tanggapin. Pumunta na ako sa trabaho ko pinatawag ako ni Mother sabi Father kitang-kita ko sa mukha mo kanina na parang dissapointed ka parang hindi ka sumasang-ayon sa akin, sabi ko talaga naman Mother talagang hindi ako sumasang-ayon kasi kinakalawang na nga yung dinodonate hindi naman yan luxury, hindi naman yan extravagant, luma na rin kaya lang mas mabilis ng kaunti.
Sabi niya Father, anong oras ka pumupunta dito kapag volunteer work? sabi ko minsan 4:30 ng umaga, minsan alas singko, sabi niya di mabuti naman, sabi niya kapag kinuha ko yung toaster na dino-donate dahil mabilis siguro darating ka dito ng 6:30 na, hindi ko kailangan ang toaster, ang kailangan ko kayo hindi toaster kayo. Kayo nandito kasama ng mga maysakit.
Tapos tinanong ako, naintindihan mo na father, sabi yes sister, di ko yun makakalimutan. Ano nga ba ang mahalga toaster o ikaw? Sino ba ang magmamahal ang toaster o ang tao?
Huwag lang tayong padala ng padala ng toaster at ng kung anu-ano, kailangan tayo.
Kaya ipagdiwang natin ang kaganadahan ng pananampalataya at ang pag-ibig ni Hesus na ibig gumawa ng pagbabago sa buong mundo na walang ibang dala kundi pag-ibig. May pangalan ka, may mukha ka, kapatid katawan ni Kristo.