5,750 total views
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una sa lahat magpasalamat tayo sa pagtitipon na ginawa ng Diyos para sa atin, bilang isang sambayanan bilang isang pamilya.
Lalu na po sa unang araw ng ating pagno-nobena, bilang paghahanda sa kapistahan ng ating patron si San Rafael.
Ang novena ay paghahandang spiritual, naghahandang pangsambayanan at paghahanda rin sa pagkilos bilang mga kristyano. At napakaganda po na ang unang araw ng ating novena ay ang paggunita sa Mahal na Ina sa kaniyang taguri bilang Ina ng Dalamhati –Mater Dolorosa, Our Lady of Sorrows. Kahapon po kapistahan ng Tagumpay, pagtatampok ng Krus ni Hesus. Ngayon naman… kinabukasan ay ating ginugunita, sino ang nakasama ni Hesus doon sa kaniyang Krus.
Iniwanan si Hesus ng marami niyang kaibigan at apostoles, pero ang nakiisa sa kaniya ayon sa narinig nating ebanghelyo ay ang kaniyang Ina, nakikiisa sa dalamhati ni Hesus, nakikiisa rin sa tagumpay ni Hesus sa Krus. Ang atin pong piyesta sa taong ito ay nakatuon sa isang katangian ng sambayanang Kristiyano.
Walang iba kundi ang kahandaan na magtulungan. Kahandaan na dumamay sa isat-isa, kahandaan na maglingkod. Ang taong pong ito ay Year of the Parish: Communion of Communities. At para po sa ating parokya, San Rafael itong communion, pagbubukluran natin sa parokya ay ipinapakita sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagdadamayan, paglilingkod sa isa’t isa. Ang pagbubuklod ay hindi lamang salita, sana ito ay maisagawa, maisabuhay sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagdadamayan at paglilingkod sa isa’t isa.
Dito po natin makikita ang ipinamalas ng Mahal na Ina na pakikiisa kay Hesus bilang Ina ng Hapis sa kanyang anak na nahahapis. Magpagabay po tayo sa Mahal na Ina. Paano nga ba tayo magtutulungan, magdadamayan at maglilingkod sa isa’t isa? Ang una po, malalim na ugnayan, ugnayan ni Maria bilang Ina sa kaniyang anak na si Hesus. Mahirap maglingkod, mahirap magtulungan, mahirap magdamayan kung hindi natin binubuhay ang ugnayan. Malimit nga nating marinig na hindi ko naman yan kaanu-ano, bakit ako dadamay diyan. Hindi ko naman yan kaano-ano bakit mo ko pipilitin maglingkod diyan.
Hindi naman ako kaano-ano ng taong iyan bat ko siya tutulungan? Para bagang sa atin, madaling tumulong kapag karugtong ng ating buhay. At meron tayong kasabihan na charity begins at home kasi sa pamilya malinaw ang ugnayan. Pero sa ebanghelyo ano ang ginawa ni Hesus, alam nyang mamamatay na siya at mag-iisa ang kanyang Ina na dumamay sa kaniya, anong ginawa nya? Sabi nya Ina, babae ito ang iyong anak, itinuro ang lingkod, itinuro ang disipulo na minamahal nya, si San Juan. At sinabi kay San Juan, alagad ito ang iyong Ina.
Sinasabi ni Hesus na mayroong ugnayan na higit pa sa ugnayan ng dugo, at ano yung ugnayan na yan, ugnayan ng pananampalataya. Lahat ng tao ay kapatid natin. Lahat ng kapwa binyagan ay kapwa tao natin. Lahat ng may edad, ay tatay, nanay, lolo, lola natin. Lahat ng bata ay anak natin. Anung ugnayan? Hindi sa dugo, hindi sa apelyido, ugnayan kay Hesus.
Di ba sinabihan si Hesus, nasa labas ang inyong Ina at mga kapatid, hinahanap ka. Anong sabi ni Hesus, sino ang aking ina, sino ang aking kapatid? Ang nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito ay aking Ina at kapatid. Bagong pamilya, hindi yung saradong pamilya, hindi ko naman iyan kaano-ano. At dahil lahat ay kapatid ko kay Kristo, Nanay ko kay Kristo, Tatay ko kay Kristo, dadamay ako, tutulong ako, maglilingkod ako, pananaw. Ang mundo natin ngayon nagiging individualistic. Ano ang ibig sabihin ng individualistic? Putol tayo nang putol ng ugnayan hanggang nag-iisa na lang ako. Wala naman akong kaugnayan sa iyo. Kaya ang pinaglilingkuran lang natin ang sarili ko. Ang dinadamayan lang natin sarili ko. Ang itinataguyod lang natin sarili ko… Nakita natin kay Maria at Hesus, bagong pamilya, bagong ugnayan. Tingnan ninyo nga ang katabi nyo, kahit di nyo ‘yan kamag-anak, matatanggap nyo ba na kapatid yan? Yung nahihirapan, ay naku dapat magdasal sa Mahal na Ina. Kasi sya, noong sinabi ni Hesus…Ina ito ang iyong anak, tinanggap niya ang alagad ni Hesus bilang anak nya. At noong sinabi ni Hesus sa alagad na, anak ito ang iyong Ina…tinanggap, pinatuloy si Maria.
At ang inang nagdadalamhati ay kahit paano nagkaroon ng konsolasyon, namatay ang kanyang anak hindi sya iniwang nag-iisa ,may kaugnayan sya sa iba. Alam po ninyo ang kamatayan ay nangyayari kapag nawalan lang ng hininga. May mga tao sa mundo ngayon, humihinga pa, malakas ang katawan pero para na ring patay. Bakit? Dahil, nag-iisa sa kalungkutan, walang dumadamay, walang kumikilala na sila ay kamag-anak. Tama na yung mga ano ha…di ko naman ‘yan kabarangay, hindi kaano-ano, tama na ‘yan. Hindi ko yan kagrupo ibang organisasyon ‘yan, wala akong kaugnayan sa kanya, tama na ‘yan. Hindi ko gusto ang kilay niya, tamo hindi pantay, ayaw ko sa kaniya. Tama na ‘yan, kilay lang ‘yan. Hindi ko gusto ang pagmumukha niyan, bakit mo mukha mo ba? Magkamukha kayo, kaya dapat kayong dalawa ay nagdadamayan.
Nagpapanggap ka lang na ang mukha mo na mas maayos sa mukha nya, hindi magkapatid kayo sa kaasiman ng mukha (laughs). Kaya huwag na kayong magtatawanan pa. kailangan ng mundo natin ‘yan. Ibalik ang ugnayan, magkakapatid tayo at lalu na tayong mga kristiyano kasama sa pamilya ni Hesus, at kung magkakapatid, magkaka-ugnay dapat nagdadamayan, nagtutulungan at naglilingkod sa isa’t isa.
At ang ikalawa at panghuli wow! Paano ba ipinakita sa atin ni Hesus ang ugnayan lalu na sa kanyang kamatayan? Paano ipinakita ng Mahal na Ina ang kaugnayan sa atin kahit na nahahapis sya at nagdadalamhati. Alam ninyo po mga kapatid, madaling mag-ugnay ugnay kapag masaya. Kapag maganda ang nangyayari sa kapaligiran, lahat niyayakap natin. Madaling makipag-ugnayan when things go well. Pero kapag, baku-bako na ang daan at pahirap na nang pahirap ang buhay, parang ang daling maglaglagan na. Ang katapatan, natatapos kapag nagsimula na ang dalamhati. Kapag may pera ka, andami mong kaibigan. Kapag sikat ka at mabango ka, andami mong kamag-anak. Kapag ikaw ay tanyag, at parang wow! Sisikat din sila kapag nakadikit sa iyo ang daming kakapit sa ‘yo. Pero kapag nagsimula ka na na magdalamhati, inakusahan ka na ah! Tatay ‘yan ng isang drug addict, nakakahiya ka na. delikado na makipagkaibigan sa’yo. Iiwanan ka. Kapag ikaw ay naging obheto ng tsismis at ang tsismis kumalat, ang pangalan mo nasira na, pati ang dating kumakapit sa iyo, iiwasan ka na. kapag nagsimula ang dalamhati, nauubos din ang karamay at kaibigan.
Naranasan iyan ni Hesus, iyong labing-dalawang Apostoles niya, dikit na dikit sa kanya, pero noong siya ay hinuli, dinakip na, pinaghahagupit na. Nasaan na sila? Nagtakbuhan na. Pati si Pedro, tinanong si Pedro, di ba kilala mo ‘yan… sabi ni Pedro hindi ko kilala ‘yan. Hindi lang naman si Hudas ang nagbenta kay Hesus, si Pedro rin. Itinanggi niya na kilala niya, samantalang isa siya sa matalik na kaibigan, pero ngayong si Hesus ay hinihiya at nakakahiya, pati si Pedro nagsabing hindi niya kilala. Sino ang nanindiga…si Maria. Sa paanan ng Krus ni Hesus, isinigaw ni Maria, anak ko ‘yan. Ikinahihiya man ng iba, anak ko siya! At nandito ako, nakikiisa ako sa kaniyang hirap, at kahihiyan. Hindi ko siya iiwanan. Mga kapatid, hindi ba sabi nila…a friend in need, is a friend indeed! Iyong tao na hindi ka na hindi ka iniiwasan at hindi ka kinakalimutan kapag ikaw ay nangangailangan. Kapag ikaw ay inaalipusta na. kapag ikaw ay pinabayaan na ng lahat. Iyong tatabi sa ‘yo katulad ng ginawa ni Maria…at hindi mahihiya na makilalang ikaw ay kakilala, kapamilya, kaibigan. Yang ang tunay na kaibigan. Ang isang test ng ating ugnayan ay ang dalamhati. Pag goodtime ang dami mong kabarkada, kapag bag time, isa isa nang nag-iiwanan. Nakikiusap po ako sa inyo.
Kasi ang kultura…ang mentalidad na kumakalat ngayon, masyado ng individualistic at saka kay dali-daling mag-talikuran, magbitawan. Hindi ganun ang Pilipino, ang alam kong Pilipino marunong dumamay, marunong tumulong, marunong maglingkod dahil natutunan kay Hesus at natutunan sa Mahal na Ina. Tatapusin ko na po ito.
Noong ako po ay seminarista, estudyante pa lang. ordinaryo ka lang naman, estudyante, seminarista, hindi pa naman alam kung ikaw ay magiging pari. Alam nyo noong seminarista ako, nagtrabaho ako, nagturo ako. Sa umaga estudyante ako sa hapon nagtuturo ako at ang suweldo ko yan ang ibinayad ko sa board and lodging ko, hindi naman sa ano, makakayanan naman ng magulang ko, pero yung kung ano ba ang maitutulong ko, di tutulong. Pero kumbaga sariling tulong.
Noong naging Pari na ako, ang daming naglalapitan, alam mo kamag-anak ka namin. Sa loob ko noong ako ay nagtatrabaho, nasaan itong kamag-anak na ito, nasaan itong mga kakilalang ito, hinayaan ka lang naman. Pero Pari na, nangangaral na, nasa altar na, pati ang mga choir dati wala, pag nagba-bible service ako sa mga barangay chapel wala namang sumasama. Nagtricycle lang ako noong naging pari, mga choir, mga sacristan, Father sama kami, kasi makakameryenda sila. Kapag pinameryenda si Father kasama na sila, nakasabit na rin sila sa meryenda at hindi na tricycle, sinusundo na ako ng jeep. Naging obispo, naku po! Noong gabi bago ako naging obispo, may dumating sa amin ang sabi sa akin..Huy, kamag anak mo kami. Sabi ko, talaga ho…paano po tayo naging magkamag-anak? Ano, pamangkin ko, yung naging hipag ng…naglalaba sa bahay ng Tiya mo, kaya magkamag-anak tayo. Tamo na, lahat ng nag makukuhang koneksyon para masabi na kamag-anak ko ang Obispo. Naging cardinal, pagbabang-pagbaba mo pa lang selfie naman, ganyan (laughs).
Minsan ay naiisip ko, papano yung hindi magkakaroon ng mga ganitong prusisyon? Mananatili na ba lang silang nag-iisa? Paano yung hindi magiging kilala? Meron bang aangkin sa kanila, kamag-anak kita. Papano na yung mga taong, ikinahihiya ngayon, meron pa bang magpapalitrato, kasama nila? Mga kapatid, sambayanang nagtutulungan, nagdadamayan, naglilingkod…ang pundasyon niyan tayo’y magkakaugnayan, tayo ay magkakapatid, tayo ay isang malaking pamilya… Sa ngalan ng Diyos at sa pagkakandili ng Mahal na Ina. Hilingin natin kay San Rafael na hilumin ang individualism. Hilumin ang mga sugat na naghiwa-hiwalay sa atin upang manumbalik ang ugnayan tungo sa pagdadamayan.