2,360 total views
Sept. 13
9th day Novena Mass
Ngayon po ang huling araw ng pagno-nobena ngayong bisperas ng kapistahan ng Tagumpay ng Krus ni Hesus. Ang atin pong fiesta sa taong ito ay napapaloob sa itinakda ng mga obispo ng Pilipinas bilang tema ng taong ito, walang iba kundi ang ‘Parokya bilang Communion of Communities’ ang parokya ay binubuo ng maraming communities, ang media, organisasyon, mga barangay, ang mga BEC’s maraming communities pero para maging tunay na parokya sana yung mga communities hindi sarili lamang ang binubuo. Sana bawat community ay bukas sa iba pang communities nagkikipagbukluran at sama sama sila sa tinatawag nating malaking pamilya ng parokya. Kaya ang parokya ay nabubuhay sa diwa ng communion, pagbubukluran. Hindi inaalis ang iba’t ibang communities pero ang bawat community makipagbuklod sa iba pang communities para tumatag ang buong parokya. At ang tema ng atin pong kapistahan sa ating parokya sa taong ito, ay hindi lamang parish communion of communities, kundi parish of Christocentric communities. Ang bawat community naka-center kay Kristo. At kapag naka-center kay Kristo, naka-ugat sa kanyang Krus sa Tagumpay ng Krus ni Hesus na walang iba kundi ang tagumpay ng pag-ibig laban sa kasamaan, kasalanan, at sa kamatayan. Maganda po ang tema ng ating parokya nakapaloob pa rin sa tema ng lahat ng parokya sa buong Pilipinas, subalit unique dahil tayo ay parokya ng Holy Cross, kaya hayaan po ninyo na mag-alay ako ng dalawang punto ng pagninilay batay sa mga pagbasa at sa ating tema.
Una po, communion in Christ. Communion, pagbubuklod. Alam naman natin sa tunay na buhay lahat tayo gusto bukluran, pero napakadali na maghati-hati. Sabi nga po nila, parang nagiging past time ng ibang tao ang maghanap ng dahilan ng para maghati-hati pero walang oras na maghanap ng daan nang pagbubuklod. Napakadaling maghati-hati. Kahit nga sa loob ng simbahan, may papasok dyan kakabigin nyo agad yung katabi nyo…’oy late na naman si ano o! ‘Yan na simula na agad yan ng paghatihati. O kaya mamaya, mangungumunyon kayo, pagbalik sa upuan kita nyo ‘Uy sino yung katabi ni ano, di naman yun ang asawa nya. Tapos babalik sa upuan, luluhod, magdadasal, mamaya darating yung katabi, sino yun? Ang dali-dali humanap ng dahilan para maghati-hati minsan nga parang natural na e. Para bang nakasanayan na, at eto ang kinatatakutan ko baka maging kultura. Pag sinabing kultura ibig sabihin nyan nagiging mindset, at gawi na minsan hindi mo na napapansin, halos natural na lamang. Pamilya, mag-asawa ang daling mag-conflict, magulang at anak –conflict. Mag-asawa at biyenan- conflict. Sa trabaho, boss at empleyado –conflict. Magkapwa-empleyado, inggitan. Sa pulitika ay nakupo! Parang wala, basta magsiraan na lang tayo, magsiraan at maghatian ng maghatian. Basta ang partido ko ang laging tama, lahat ng ibang partido masama. Pero pag-tinanong mo saan ka bang partido noong huling administrasyon nandoon ka sa kabila, palundag-lundag ka rin lang naman e.
Kaya itong taon na ito, minumulat tayo. Ang hanapin ng mga communities at ng parokya ay pagbubuklod. At huwag na tayong dumagdag sa paghahati-hati na ginagawa ng karamihan. Enjoy na enjoy sila kapag nagkakasira-sira ang ugnayan ng iba, ‘wag tayong papatol dun hindi tayo tinatawag. Ang tema natin sa buong taon na ito ay parish communion of communities. Hindi naman ito parish division of communities. Kung lahat ng parokya sa buong Pilipinas, siseryosohin yung tema hindi tayo papatol sa lahat ng naghahati-hati sa mundong ito. Kasi iba ang daan natin, communion, hindi tayo sa daan ng division and hatred. E kaya lang ang ganda ng tema, meron pa tayong tarpaulin, meron pa tayong ganiyan. Pero, hanggang ganun na lang ba ang buhay?
At ang napakalungkot na hatian ay ang pagkawala ng communion with God. Sa unang pagbasa, ang bayan ng Israel, minahal ng Diyos, inalagaan, pinalaya mula sa pang-aalipin. Pinrotektahan kay David, nakalimot. Noong nagutom sa ilang, noong nauhaw nakalimutan na ang Diyos, nagrebelde sa Diyos, nasira ang communion, bukluran sa Diyos. Kaya napakahalaga po kung ibig nating, maging daan ng pagkakaisa sa ating parokya at lipunan huwag nating kaliligtaan ang pundamental na pagbubuklod, walang iba kundi sa Diyos. Kapag matibay ang ugnayan sa Diyos mamahalin natin ang lahat ng mahal ng Diyos. Kahit na yung minsan na naiinis ka na, pero kapag naalala mo–ang Diyos sa iyong puso, at ang tao ito ay mahal din ng Diyos ang iyong galit ay mapapalitan ng pakikipaugnayan. Kaya ang bukluran sa parokya nakaugat gaano ba kalalim ang ating pakikipagbulkluran sa Diyos. Hindi pakikipaghati ang tunay na nakikipagbuklod sa Diyos, makikibuklod din sa kapwa. Kung talagang mahal mo ang Diyos at nakikiisa ka sa Diyos ay mamahalin mo ang lahat ng mahal ng Diyos kahit na ang aking kaaway. Di ba sabi ni Hesus, mahalin mo ang iyong kaaway. Bakit kasi ang kaaway mo hindi naman ‘yan kaaway ng Diyos, ikaw lang naman ang kaaway nyan e. Mahal yan ng Diyos, kaya kung mahal ng Diyos mamahalin mo ang mahal nya kahit ang kaaway mo. Gusto kasi natin ang kaaway mo, kaaway din ng Diyos hinde. Ikaw lang naman ang kaaway nya, mahal yan ng Diyos. At kung mahal mo ang Diyos, mamahalin mo rin ‘yan. Pati ang Diyos isinasasali mo. Gusto mo kakampi mo ang Diyos. Lord, kaaway ko ito, ikaw rin ha, kaaway mo rin yan. Hindi ah! Sinabi na nya na mahalin mo ang iyong kaaway, kasi kaaway mo lang ‘yan. Hirap ano po! Kaya ang mahalaga ang pundasyon ng lahat nyan, pakikiisa sa Diyos, communion with God.
At dito naman sa ikalawang punto ko, sabi ng parokya natin Christocentric communities, sabi ko bukluran sa Diyos, pero yung bukluran sa Diyos, pakikiisa sa Diyos ay magaganap kung tayo ay nakasentro kay Hesus. Si Hesus ang siyang magbubuklod sa atin sa ngalan ng Diyos. Ang ibang bagay naghati-hati, pero kapag si Hesus nagkakaisa tayo. Tanungin ko kayo, magtaas kayo ng ang kamay. Sino sa inyo ang may asawa? Taas ang kamay. Tignan nyo ang pag-aasawa hindi lahat. Sino sa inyo ang binata/ dalaga? Hoy, mga pari, taas kayo ng kamay? (laughs). Tingnan nyo ang pagiging binata at dalaga hindi rin yan common. Sino yung umaasa pa na makakapag-asawa? aba mayroon nga. Sino mahilig sa palaka, kumakain ng palaka? Ayun, ako gusto ko ‘yun masarap ‘yan. Sino ang paborito ang ube ice cream? Sino ang gusto chocolate ice cream? Kita nyo hindi lahat. Kita ninyo ang daming bagay na hindi tayo nagbubuklod. Pero pag tinanong ninyo, sino ang naniniwala kay Hesus? Taas ang kamay! Si Hesus pala, kung sesentro tayo sa Kaniya meron tayong pagkakaisa. Kaya lang po, pag sinabi natin si Hesus ang aming titigan, sabi nga sa ebanghelyo kung sino man ang titingala, titingin kay Hesus, ang ating mga mata nakatutok sa kaniya hindi at hindi kami papayagan na palinga-linga, kasi pagpalinga-linga away-away na tayo. Pero kapag nakatutok kay Hesus tayo ay centered on Christ at sa kaniya tayo nabubuklod kaya ang Hesus na tinitingala natin ay ang Hesus na nakapako sa Krus. Nakapako kasi hindi dahil may ginawa siyang masama. Nakapako dahil iniibig niya tayo. At dala ng kanyang pag-ibig, lahat iaalay niya para sa atin. Wala siyang itinira sa kaniyang sarili, buong katawan, dugo, hiniga para sa atin. At ito ay ating inuulit-ulit sa ating Eukaristiya, ito ang Aking katawan para sa Iyo, ito ang Aking dugo para sa Iyo. Si Kristo na tinitingnan natin sa Krus ay Kristo na nakipag-isa sa atin. Jesus of Communion. At hindi niya pinili na, ang Aking kamatayan ay para lamang kay ganito o ganiyan, hindi inialay nya ang Kaniyang buhay para sa lahat. He was in communion with everyone, even with sinners especially with sinners. Kaya ang pagkakahati-hati ng Diyos at ng Lupa, at ang paghati-hati natin sa isat-isa nabuwag. Nabuksan ang pinto ng langit, nagkaroon ng communion with God. Ang sabi nga ni San Pablo ang mga pader na naghati-hati sa atin ay nabuwag dahil sa pag-ibig ni Kristo. Sa totoo po, si Hesus ang unang nakipag-communion with us. Tayo ay tumutugon lamang. We are in communion with Him and we center on Him we will be in communion with each other.
Hindi sapat na tumitig lang kay Hesus. Ang nakita natin kay Hesus, ano ang sabi nya, gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa Akin. Nakita natin ang pag-ibig ng Diyos na nagbuklod sa atin sa Diyos at sa isat-isa, gawin ninyo. Lalu na, tingnan natin ang mga kapatid nating nakapako sa kanilang mga Krus, tignan natin ang mga taong nagdurusa at parang nag-iisa walang dumadamay, walang tumitingin, walang dumadama para sa kanila. Tingnan natin ang pighati ng mga katulad ni Maria, mga Ina na tinitingnan ang katawan ng kanilang mga anak na sugatan, titignan ba natin yun, at pagkatapos tingnan ay makipag-communion. Christocentric communities will be other centered also, kasi Jesus was othercentric. So mga kapatid pagkatapos nating tingnan ang matagumpay na Krus, pagtapos nating titigan ang katawan ni Hesus na nakabayubay sa Krus, pagtapos nating tingnan ang pag-ibig na hindi bibitaw kahit na masaktan. wana po lumakad tayo at tignan ang mga kapatid natin na nakapako sa kanilang mga Krus. Makipag-isa po tayo sa kanila. Kung may prusisyon kasama ang Banal na Krus, sana sa araw-araw na buhay sa paglalakad sa mga prusisyon ng buhay samahan din in communion, samahan din ang mga nagpapasan ng kanilang Krus.
Maganda ang tema ng ating piyesta, pero may hinihingi sa atin na responsibility. At katulad po ng nabanggit sa aking sulat, simula bukas ating kapistahan, alas 8 ng gabi, buhayin po natin sa lahat ng parokya ng Archdiocese of Manila, ang dating tradisyon na nawala na. ‘Yung alas-8 ng gabi na kinakampana ang bells ng parokya bilang pag-alaala sa mga namatay. Pag-alaala kay Kristo na pinatay, pag alaala sa mga taong patuloy na pinapatay ng kahirapan, pagkagutom, bisyo ng bala ng karahasan, ng aborsyon. Ang tawag po dyan ay De Profundis, yun po ay dasal na…from the depths of my heart, I cry unto you oh Lord. Alas 8 ng gabi, alalahanin natin ang mga namatay sa ating pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at ang patuloy pang pinapatay. Communion with Christ on the Cross, communion with those who are bearing their Cross.