5,716 total views
His Eminence Manila Archbishop Luis Antonio
New Year’s Eve Mass @ Manila Cathedral
December 31, 2017
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo tayo po ay mapuno ng kagalakan at pasasalamat sa Diyos na siya pong nagdala sa atin sa gabing ito dito sa Manila Cathedral Basilica upang patuloy nating pagnilayan ang kahulugan ng pagsilang ng Panginoon.
Ibig ko hong tanungin sa inyo, sino po ang first time na nagdiriwang ng New Year’s Eve Mass dito po sa Manila Cathedral, pakitaas po ang kamay (people raises their hands) aba madami, welcome to the Manila Cathedral, welcome po sa inyo. (Applause)
Ito pong nakaraang taon palagay ko isa ito sa medyo malaki o pinakamalaking assembly ng nagsisimba ng New Year’s Eve, nakakagulat po ganito karami so wala ng paputok sa labas kaya sa Simbahan na nagpupunta.
Nasa ‘Octava’ po tayo ng pasko at ang ika-walong araw ng pagdiriwang ng pasko ay itinutuon sa Mahal na Birheng Maria bilang ina ng Diyos, nagkatawang tao ang anak ng Diyos si Hesus sa pamamagitan ng isang babae na buong pananampalatayang tinanggap ang kanyang misyong maging ina ng manunubos, ang pangalang ibinigay ng anghel Hesus nangangahulugang ‘ang Diyos ay nagliligtas, God saves’ yan ang kahulugan ng pangalang Hesus.
At para po sa atin ang ika-walong araw ng pasko Kapistahan ng Mahal na Birhen, Ina ng Diyos ay pagsalubong din sa bagong taon. Pagpapasalamat sa Diyos at sa napakaraming tao, pasasalamat din sa kalikasan na naging mabait sa ating nitong nakaraang taon at ang pagpapasalamat naman ay uuwi sa pagsalubong hari nawa nang may responsibilidad at kagandahang loob sa bagong taon at sa Simbahan din po ang unang araw ng taon ay araw ng pananalangin para sa kapayapaan, kailangang kailangan po.
At samantalang tayo ay nagdiriwang ngayon ang balita ay pumasok na ata ang bagong bagyo sa Philippine Area of Responsibility at maglaland-fall sa Mindanao at Eastern Visayas bukas kaya ipanalangin din po natin ang ating mga kapatid na bumabangon palang sa Urduja at sa Vinta ay ngayon naman unang araw ng taon, unang bagyo rin ng taon.
Ibig ko hong mag-alay sa inyo ng dalawang puntos para ho sa inyong pagninilay kahit pag-uwi mamaya.
Ano po ang natutunan natin sa Mahal na Ina? bilang ina, si Maria bilang ina at hari nawa ang matututunan natin sa kanya ay maging pamantayan ng buhay sa darating na taon lalo na sa ating paghahanap, pagpupunyagi sa tunay na kapayapaan.
Ang una po ay ito, sabi po sa Ebanghelyo ‘dumating ang mga pastol sa sabsaban’ bakit? Kasi may nakita silang mga anghel na nagsabi ‘may mabuting balita isinilang na ang manunubos doon sa Bethlehem sa isang sabsaban at ito ang palatandaan makikita ninyo ang isang sanggol nakabalot sa kayo, sa tela at nakalagay sa sabsaban’ at yun nga ang nakita ng mga pastol, nakabalot sa kayong lino at nasa sabsaban yan ang unang ginawa ng Mahal na Ina, napakahirap yata na manganak sa sabsaban sa kulungan ng mga hayop hindi ka naman matutulungan ng mga baka, hindi ka naman matutulungan ng mga kambing siguro si San Jose ay hindi malaman kung ano ang gagawin sa sitwasyon na napakahirap, sa sitwasyon na parang imposible ang unang krisis kasabay ng panganganak ni Maria ano ang kanyang ginawa? Pagmamalasakit, malasakit kahit hindi ideal ang sitwasyon ang nakita ng mga pastol ay isang bata na maayos na nakabalot sa kung anumang mga kasuotan ang nandoon at nakalagay sa sabsaban sa kainan ng mga hayop.
Hindi sila nakakita ng isang batang pinabayaan, hindi nila nakita ang isang batang madungis kasi nasa sabsaban lamang, hindi nila nakita ang isang batang halos ay pinabayaan dahil sasabihin ng magulang ‘eh wala kaming magagawa eh sabsaban ito’ hindi, kahit ano pa ang sitwasyon kakalinga ang ina, ibibigay ng ina ang kaya niyang ibigay kahit na ang sitwasyon ay hindi ideal. Malasakit, pagkalinga, ito po sana ang ating maging lifestyle sa darating na 2018 yan ang panalangin sa unang pagbasa.
Bibindesyunan ng pari ang lahat at sasabihin ‘pagpalain ka nawa ng Diyos, ingatan ka nawa ng Diyos, kahabagan ka nawa ng Diyos, subaybayan ka nawa ng Diyos, kalingain ka nawa ng Diyos at bigyan ka ng kapayapaan’ Ang kilos ng Diyos Ama ginawa ni Mariang Ina mapagpala, makalinga, maalaga diyan darating ang kapayapaan.
Pakiusap ko po sa ating lahat ibalik yung napakagandang katangiang Pilipino at Kristyano marunong kumalinga caring, concern. Hindi po tunay na Pilipino yung walang pakialam, hindi ugaling Pilipino yung tuwang tuwa na siya ay nakapanakit ewan ko kung saang planeta galing yun. Ang Pilipinong kilala ko marunong dumamay, kumalinga pero yung ‘buti nga, buti nga’ ewan ko kung saan galing yan o yung ‘ah nakita mo, yan ang napala mo’ ewan ko kung saan galing yan. Ang Pilipino makatao, Kristyano marunong kumalinga taglay ang puso ng Ama at puso ng Inang si Maria.
Sa mga bata na nandito habang bata pa matuto na kayong kumalinga kung meron kayong kapatid na mas bata, matuto na kayong mag-alaga sa kanila hindi yung nakikipag-kumpetensya pa kayo, kalingain niyo rin ang inyong magulang kasi ang mga magulang niyo trabaho ng trabaho para kayo ay makapasok, huwag niyong sasayangin ang kanilang pagod huwag niyong sasayangin ang kanilang pera, kalingain yan, be concerned, care for them, mag-aral kayong mabuti kasama yan sa caring para yung oras at yung boses ng teacher ninyo hindi naman masayang, kalingain natin ang ating bayan yung mga nagkakamali mahalin, akayin, mga magulang kapag nadapa ang anak niyo at sugat sugatan huwag niyong lalong pagagalitan, umiiyak na nga sa sakit eh pagagalitan pa, kalingain. Kalingain din natin ang ating kapaligiran, ang mga ilog, ang mga estero hindi sila basurahan daluyan sila ng buhay caring, concern. Pwede ba yun? Ayaw niyo? (to mass goers) ibalik yan, tularan si Maria.
At ang ikalawa po na ginawa ng Mahal na Ina sabi po sa Ebanghyelyo pinagbulaybulayan niya ang mga bagay na narinig niyang sinabi ng mga pastol. Nakinig at nagnilay-nilay she pondered, she meditated, she reflected kasama yan sa isang mapagkalingang ina. Kaya ang puso ni Maria punong puno ng ala-ala ni Hesus, yung mga bagay na hindi niya naintindihan agad-agad itinago niya sa kanyang puso at ito’y kanyang patu-patuloy na pinagnilayan, pinakikinggan, pinag-aaralan kaya nga po tayo nagdadasal ng Rosaryo eh yung mga mysteries ng buhay ni Hesus ay inaala-ala natin para bagang mula sa puso ni Maria, lahat nung mysteries of the life of Christ nasa puso ni Maria the Immaculate Heart of Maria.
Pagninilay, pakikinig, pagbubulay-bulay kailangan po natin yan sa panahon ngayon kasi ho kung minsan masyado na tayong impulsive hindi na nagninilay kilos agad, hindi nag-iisip salita agad kapag nasabi na hindi na mabawi nakasakit ka na, kilos agad na hindi nagninilay mayamaya mali na pala, sagot agad hindi naman naiintindihan, magnilay ka muna. Yung iba hindi pa nga naririnig ang tanong sumasagot na kaya mali ang sagot, makinig ka muna, magnilay ka ang then sagot kasi tayo lahat nagmamadali.
Salamat nalang kasi may social communications kaya lang ang isa rin namang hindi maganda ay hindi na tayo nagninilay (halimbawa) may magti-text sa iyo, i-email pa kababasa mo lang may kasunod ng text ‘natanggap mo yung text ko?’ sasagot ka ‘oo’ (tapos magti-text uli) anong sagot mo?’ Aba’y maghintay ka, magninilay muna ako. Wala nang makapaghintay, ito may mga media dito lahat gusto ambush (interview), ambush (interview), ambush (interview), kaya kapag ako inaambush (interview) [Cardinal Tagle close his mouth] sulatan niyo ako bukas, bukas ko sasagutin yan ‘kailangan ho ngayon’ nagninilay ako, ang Mahal na Ina nga eh ako pa. Kapag inambush (interview) ka kung anu-ano ang sinasabi mo, kontrobersya di masaya na naman kasi hindi pinagnilayan kaya may kontrobersya kasi kung kulang sa pagninilay, gusto natin ng kapayapaan isara ang bibig, pakinggan ang salita ng Diyos ipasok sa puso at magnilay.
Sayang naman ang dalawang tenga, ang puso at utak kung ang ginagamit lang bibig, gamitin naman paminsan minsan ang tenga, ang isip at puso tulad ni Maria at papayapa ang mundo. Kalinga, pagninilay dalawa lang ho yan marami pa pero titigil na po ako baka abutan tayo ng 2018.
Manalangin po tayo kasama ang Mahal na Ina, Reyna ng Kapayapaan dahil Ina ng Prinsipe ng Kapayapaan ang dala-dala niya ay pagliligtas at ang ina nagpakita caring, concern, capacity to listen to meditate, to pray, to reflect at kung hindi naiintindihan lahat do not rush, hindi mo naiintindihan take time to mature in your decision that’s humility and that’s respecting God’s will and God’s action.