403 total views
6th Sunday of Ordinary Time Cycle C
Jer 17:5-8 1 Cor 15:12.16-20 Lk 6:17.20-26
Ang bawat tao ay nilikha ng Diyos upang lumigaya. Ang hangarin na ito ay nakatanim sa puso ng bawat isa. Kaya ang kaligayahan ay hinahanap-hanap natin. Gusto nating lumigaya. Pero ano ba ang kaligayahan? Saan ba natin ito matatagpuan? Ang lahat ng relihiyon ay tinatag upang matugunan ang mga tanong na ito.
Ang kaligayahan ay kaligayahan ng buong pagkatao natin. Hindi lang ito kaligayahan ng katawan na panandalian at pahapyaw lang. Dahil sa tayong tao ay nabubuhay na kasama ng iba – we are social beings, ang kaligayahan ay hindi lang pansarili. Ang tunay na kaligayahan ay kasama ang iba. Hindi man tayo maligaya na nag-iisa. Dahil ang tao ay nanggaling sa Diyos, hindi tayo magiging maligaya na hiwalay sa Diyos. Sa totoo lang, ang Diyos na manlilikha sa atin ang may alam kung ano ba ang tunay na kaligayahan natin bilang tao at kung paano natin ito maaabot.
Gusto ng Diyos na maging maligaya tayo. Hindi niya itinanim sa puso natin ang hangarin na maging maligaya upang masaktan lang tayo kasi hindi natin ito maaabot. Hindi niya tayo binigyan ng pagkauhaw na hindi naman mapapawi. Para sa ating mga Kristiyano, naniniwala tayo na pinadala ng Diyos ang kanyang anak upang ipakita niya sa atin ang landas patungo sa kaligayahan. Ang landas na magdadala sa kaligayahan ay ang landas patungo sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kaligayahan natin. Tulad ng sinulat na San Agustin, ang puso ng tao ay hindi mapapatahimik hanggang ito ay manahimik sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Humingi kayo, at kayo’y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.” Ibig niya na makibahagi tayo at mapuspos tayo sa kagalakan mismo ni Jesus. He shares with us his joy.
Ang ating gospel ay tungkol sa kaligayahan. Sino ba ang mapalad, ang masuwerte, ang masaya? Nasanay tayo na maniwala na ang masaya ay ang mayaman, ay ang mga busog, ay ang mga nakatawa, ay ang mga hinahangaan at mga bantog. Kaya ang mga ito ang mga pinagsisikap-sikapan natin na kamtin. Pero sa paghahabol ng mga ito, para tayong naghahabol sa bula. Kapag nahawakan na natin, bigla na lang pumuputok at nawawala. Isa sa mga laro ng mga bata, at nilaro din natin ito, ay ang paggawa ng bula mula sa tubig na may sabon. Hinihipan natin ito at nakabubuo tayo ng mga bula na makukulay. Hinahabol-habol pa natin ang mga ito pero wala tayong nahahawakan kasi kapag dumapo sa ating kamay, bigla silang sumasabog at nawawala. Ganyan ang kayamanan, ang pagkabusog natin sa masasarap na bagay sa mundo, ang halakhakan natin, at pati na ang ating katanyagan. Madaling mawala at hindi naman natin matagal na nae-enjoy. Kaya sabi ni Jesus, sa aba ninyo, kawawa kayo kung iyan ang hinahanap-hanap ninyo. Sabi nga ni propeta Jeremias, para
lang silang mga tanim na nasa lupang tigang o lupa sa ilang. Sila ay madaling malanta. Nakikita natin ito ngayon sa mga artista o sa mga politiko na may hawak ng kapangyarihan. Kay dali mawala ang kanilang ganda, ang kanilang yaman, ang kanilang kapangyarihan, ang kanilang masasayang araw. Noon, si President Trump ay makapangyarihan at ang larawan niya ay palaging nasa TV. Ngayon sino ang pumapansin sa kanya? Hirap nga siyang panatilihin ang kayamanan niya at umiiwas-iwas na lang sa ikakaso sa kanya. Ganyan ang mga taong umaasa lang sa kanilang sariling kakayahan. Iyan din ang mangyayari sa mga politiko at mga show biz celebrities natin.
Sa halip na humanap ng kaligayahan, umasa tayo sa Diyos. Siya ang bukal ng kasiyahan. Kapag tayo ay nanalig sa kanya, tulad tayo ng isang puno na nakatanim sa tabi ng batis. Anumang tag-init na dumating, ang ugat natin ay hindi matutuyo. Kaya nga tinawag ni Jesus na mapalad o masuwerte ang mga umaasa sa Diyos. Kahit na sila ay tumatangis, kahit na sila ay nakararanas ng pagkagutom, o minamaliit at sinisiraan pa ng mga tao, nandiyan ang Diyos na magbibigay ng tunay na kaligayahan sa kanila. Kaya sa halip na maghanap tayo ng kayamanan, ng ikabubusog natin o ng kadakilaan at kapangyarihan, hanapin natin na tayo ay bukas sa Diyos at nananalig sa kanya. Siya ang magbibigay sa atin ng kaligayahan. Siya ang magpupuno sa ating likas na pagkauhaw sa kasiyahan – hindi lang sa langit, pati na rin dito sa lupa.
Totoong gusto ng Diyos na maging maligaya tayo sa langit kasama niya magpakailanman. Kaya sinulat si San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.” Hindi tayo nagpapagal at tumatanggi ng mga kaaya-ayang mga makamundong bagay para lang sa mundong ito. May isang mundo pa tayong inaasahan, isang mundo na permanente kung saan ang kaligayahan natin ay mananatili. Kaya dalas-dalasan nating ituon ang ating paningin sa langit kung saan nakaluklok si Jesus at kung saan din tayo pupunta.
Although makalangit tayo, dito pa man sa lupa gusto na ng Diyos na maging maligaya tayo. Dito man sa lupa nagsisimula nang magkaroon tayo ng mahigpit na kaugnayan sa Diyos. Kaya dito ay nakatanim na tayo sa tabi ng batis ng Diyos. Sumasalok na tayo sa grasya ng Diyos. Nasaan iyong grasya ng Diyos – ang bukal ng ating kaligayahan? Nasa Salita ng Diyos, nasa mga sakramento ng kumpisal at ng Banal na Komunyon, nasa pakikiisa natin sa paglalakbay sa simbahan, nasa pagtulong natin sa mga nangangailangan. Ang mga ito ay magsusupply sa atin ng liwanag at sigla na maging masaya. Ang Salita ng Diyos sa Banal na Bibliya ang mapa natin para sa kaligayahan. Basahin natin at sundin ang mapang ito. Ang mga sakramento ay ang ating pakikipagtagpo kay Kristo ngayon. Ang dalawang madalas na mga sakramento na natatanggap natin ay ang kumpisal at Banal na Komunyon. Tanggapin natin ang mga ito. Ang simbahan ay ang bayan ng Diyos na naglalakbay patungo sa paghahari ng Diyos. Makisabay tayo sa paglalakbay na ito. Ito iyong synodal
Church – sama-sama sa daan. Ang mga mahihirap ang nag-aakay sa atin sa Diyos. Sa pagtanggap natin sa kanila, si Jesus ang tinatanggap natin. Tingnan natin sila na si Jesus na lumalapit sa atin at umaalok sa atin na maging mapagmahal.
Kung hahanapin natin ang kaligayahan, hindi natin ito matatagpuan. Tulad ito ng anino. Hindi mo ito mahahawakan. Pero kung lalakad tayo tungo sa liwanag, susunod-sunod sa atin ang ating anino at hindi aalis sa atin. Gusto nating lumigaya? Manalig tayo sa Diyos. Itanim natin ang ating sarili sa batis ng kanyang Salita, ng mga sakramento, ng simbahan at ng mahihirap, at dito pa lang sa lupa matatagpuan at sasamahan na tayo ng kaligayahang patungong langit.