1,005 total views
6th Sunday of Ordinary Time Cycle C
Jer 17:5-8 1 Cor 15:12.16-20 Lk 6:17.20-26
Marami sa atin, o baka lahat tayo, ay naghahanap ng swerte. Ang swerte ay nagbibigay ng kasiyahan, kaya nagiging mapalad tayo. Kaya ang bati natin sa isang aalis, swertihin ka sana. Maging mapalad ka nawa sa trabaho mo o sa pupuntahan mo. Sa kabaliktaran naman, inaayawan natin ang malas. Lumalayo tayo sa mga malas na lugar, o malas na tao.
Kailan ba tayo nagiging maswerte? Maswerte tayo kung yumaman tayo, kung naging masaya tayo, kung naging tanyag tayo. Sa tingin natin ang kamalasan ay nagdadala naman ng kahirapan, ng kawalan, ng lungkot, ng maraming komokontra sa atin. “Ang malas mo naman,” kung naikukwento natin ang pangyayaring ganito.
Pero ngayong Linggo kakaiba ang salita ng Diyos sa atin kaysa ating inaasahan. Iba talaga ang panukat ng Diyos, iba ang pananaw ng Diyos kaysa ating mga tao. Maniniwala ba tayo sa kanya? Magtataya ba tayo sa kanyang values? Handa ba tayong iwanan ang ating pananaw at kunin ang pananaw ng Diyos?
Sino ang mawerte ayon kay Jesus? Hindi iyong mayaman kundi iyong mahirap, hindi ang masaya kundi ang malungkot, hindi ang busog kundi ang gutom, hindi ang pinupuri kundi ang kinukutya. Saan nakabase ang swerte? Hindi sa nararanasan natin ngayon kundi sa gagawin ng Diyos sa atin. Ang nararanasan natin ngayon ay lilipas. Ngunit may gagawin ang Diyos, at ito ay mananatili. Kaya aabang tayo sa gagawin ng Diyos; magtiwala tayo sa kanya. Sa kanya tayo makaaasa ng mabubuting bagay. Kaya sinulat ni propeta Jeremias: “Maligaya ang taong nananalig sa Poon; pagpapalain ang umaasa sa kanya.” Inihahalintulad ang taong ito sa puno na nakatanim sa tabi ng batis. Ito ay palaging mabubuhay at mamumunga, kahit na sa tag-init. Hindi siya mawawalan ng pagkukunan ng lakas. Hindi siya iiwanan ng Diyos. Palagi siyang tutulungan. Pero kawawa ang taong umaasa lamang sa tao o sa mga gawa ng tao. Ang lakas ng tao ay may hangganan, ganoon din ang kanyang katapatan. Hindi ito maaasahan. Anumang kasayahan o suporta na natatanggap niya ngayon ay hindi tatagal.
Bakit mapalad o maswerte ang mga dukha? Ang paghahari ng Diyos ay mapapasakanya at hindi siya iiwanan ng Diyos kung siya ay umaasa sa kanya. Mas madaling umasa sa Diyos ang mga mahihirap kaysa ang mayayaman. Mas umaasa ang mayaman sa kanyang kayamanan, ari-arian o mga koneksyon. Kasama ng mga dukha ay ang mga nagugutom, ang mga umiiyak dahil sa kasalatan sa buhay at dahil madali silang pagsamantalahan, ang mga inaapi at binabalewala. God hears the cry of the poor. Naririnig ng Diyos ang pagtangis ng mga mahihirap. Nakasulat sa aklat ng mga Salmo: “Inililigtas ng Diyos ang mga dukhang tumatawag, lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap. Sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag; sa kanila tumutulong upang sila ay maligtas.”
Sa kabiktaran naman, kawawa naman ang mga taong mayayaman ngayon. Alam naman natin na walang kayamanan ang mananatili, at ito ay hindi nagbibigay ng tunay at matagalang kaligayahan. Akala natin swerte ang kayamanan.
Maraming nananalo sa lotto na nagkagulo-gulo ang buhay. Marami ang nakalikom ng pera na nagbago ang ugali, nawawala na ang kanilang pagkatao at pakikipagkapwa. Hindi na nila naiintindihan ang pangangailangan ng iba. Naging takot na sila sa iba kasi ang tingin nila sa iba ay pagkakwartahan na lang sila.
Ang paksa ng ating Jubilee Year ay Pilgrims of Hope. Pinapaalaala sa atin na tayo ay mga pilgrims sa buhay na ito, hindi mga turista. Ang pilgrim ay naglalakbay. May patutunguhan siya at iyan ay isang banal na lugar. Kaya ang pilgrim ay hindi nawiwili sa daan, hindi siya nalilibang sa mga magagandang nakikita niya kasi alam niya na dumadaan lang siya. Ganyan tayo sa buhay na ito. Dumadaan lang tayo. Hindi tayo nangongolekta ng mga bagay o ng pera o ng ari-arian kasi iiwan din natin ang mga ito. Pumupunta tayo sa banal na lugar, walang iba kundi ang tahanan ng ating Ama na siya ring tahanan nating lahat.
Hindi tayo turista sa ating paglalakbay sa mundong ito – turista na patingin-tingin lang, turista na ang hinahanap lang ay ang good time at kaaliwan o pamamahinga lang. May purpose ang buhay natin. Papunta tayo sa Diyos.
Maaabot ba natin ang ating patutunguhan? Oo, malakas ang ating pag-asa na makakarating tayo doon. Sinabi ni Jesus: Sa pupuntahan ko, sa tahanan ng aking Ama, ay may maraming kwarto. Ipaghahanda ko kayo ng lugar kasi ibig ko na kung saan ako kayo ay duroon din. So we make this pilgrimage on earth with hope.
Sa paglalakbay na ito, huwag tayo maligaw sa daan na naghahabol ng kayamanan, ng kaaliwan, ng good time, o ng karangalan. Hindi ito makakapuno ng ating puso, kahit na dito sa lupa. Hindi tayo makokontento sa mga ito. Ginawa tayo para sa Diyos kaya siya lang ang ating hangarin. Anumang kahirapan na nararanasan natin ngayon – anumang pagkukulang, anumang kalungkutan, anumang paninira – ang mga iyan ay malalampasan natin basta buksan lang natin ang ating puso sa Diyos. Hindi pababayaan ng Diyos ang mga mahihirap. Malapit siya sa kanila. Pinakita ito ni Jesus. Dukha si Jesus noong siya ay nasa lupa. Galing siya sa mga mahihirap, mga mahihirap na mga tao ang kasama niya sa buhay at namatay siyang mahirap at kinukutya.
Ang talagang maswerte, ang talagang mapalad, ay ang Diyos ay makamtan. Para sa kanila ang paghahari ng Diyos. Mararating natin ang ating inaasahan kasi hindi bibiguin ng Diyos ang ating pag-asa. Hindi niya tayo iiwanan.