373 total views
7th Sunday in Ordinary Time Cycle C
1 Sam 26:2.2-7.12-12.22-23 1 Cor 15:45-49 Lk 6:27-38
Bilang mga Kristiyano, iba ang pamantayan natin kaysa mundo, kasi hindi tayo tulad ng mga taong makamundo. Ika nga ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, hindi lang tayo galing sa lupa tulad ng unang Adan. Mula din tayo sa langit tulad ng ikalawang Adan na walang iba kundi si Jesus. Kaya ang point of reference natin, ang ating standard ay hindi lang makalupa.
Sa unang pagbasa, sa pananaw panlupa, nandiyan na ang pagkakataon na maipagtanggol ni David ang kanyang sarili, at makabawi pa siya sa kanyang kaaway. Galit na galit si haring Saul kay David dahil sa kanyang inggit at insecurity. Kina-iinggitan niya si David dahil sa siya ay mas pinaparangalan ng mga tao kaysa kanilang hari. Sumasayaw ang mga babae na umaawit na si Saul ay pumapatay daw ng isang libong mga kaaway at si David ng sampung libo. Nagiging insecure din si Saul na baka agawin na sa kanya ang kaharian kasi bantog na si David. Kaya sa halip na harapin ang mga kaaway nilang mga Filisteo, dinala niya ang tatlong libong mandirigma niya upang hanapin at patayin si David.
Nagkaroon ng pagkakataon si David na patayin si Saul. Isang gabi, napasok niya ang campo ni Saul at natagpuan niya at ng kanyang kasama si Saul na natutulog. Pinapaikutan nga siya ng kanyang mga kawal pero lahat naman sila ay tulog na tulog. Nakatayo sa ulunan ni Saul ang sibat na kanyang sandata. Madali na noon na patayin si Saul. Ano ang pumigil kay David? Ang paniniwala na si Saul ay hinirang ng Diyos. Ayaw niyang magbuhat ng kamay laban sa itinalaga ng Diyos, kung hindi, ang Diyos na ang makakalaban niya. May takot siya sa Diyos kaya hindi siya naghiganti.
Sa ating ebanghelyo narinig natin ang katangi-tanging turo ni Jesus sa ating mga Kristiyano: ito ay ang pagmamahal sa mga kaaway. Lahat naman ng relihiyon ay nagtuturo ng pagmamahal, pero sa atin lang na mga Kristiyano ang katuruan na mahalin mo ang iyong kaaway. Ano ang ibig sabihin nito? Huwag natin bawian ng masama ang gumagawa ng masama sa atin; sa halip pagbigyan natin siya, ipagdasal pa nga natin sila. At bakit natin gagawin ito? Kasi tayo ay mga anak ng Diyos Ama na nagbibigay ng sinag ng araw at ng ulan sa mabubuti at masasama. Siya ay mahabagin sa lahat at hindi lang sa mga naniniwala sa kanya. Kaya huwag nating husgahan ang iba, tulad ng hindi naman tayo hinuhusgahan ng Diyos. Ang Diyos nga ang ating standard. Kung ano ang Ama ganyan din dapat ang mga anak.
Kung hindi dahil sa Diyos, walang dahilan na gagawin natin ito. At hindi natin makakayang patawarin ang nagkakasala sa atin, pahiramin ang mga makunat na magbayad, tulungan ang mga hindi naman natin kaanu-ano. Kaya napakahalaga na kilala natin ang Diyos kasi hindi lang natin siya paniniwalaan. Dapat din natin siyang tularan. Dahil sa ibinigay na niya ang kanyang buhay maka-Diyos sa atin, mamuhay din tayo tulad ng Diyos. Siya ang ating standard.
Ngayong election may mga kandidato na nananawagan na mag-move-on na tayo. Huwag na natin kalkalin ang nakaraan. Magka-isa na lang tayo. Hindi ito ang ibig ituro sa atin ng Diyos na hayaan na lang ang mga kasamaan na nangyari na. Oo, handa tayong magpatawad, ngunit hindi po tayo makaka-move on kung hindi natin hinaharap at inaamin ang nakaraan. Totoo na ang Diyos ay mapagpatawad at tayo rin ay maging mapagpatawad. Pero mapapasa atin ang pagpapatad ng Diyos kung nagsisisi tayo at inaamin ang ating kasalanan. Kaya nga ang panawagan ni Jesus ay MAGSISISI NA KAYO UPANG SA EBANGHELYO MAKAPANIWALA. Kaya nga kahit na si Jesus ay namatay na para sa kapatawaran ng kasalanan, magiging mabisa at makabuluhan ang kanyang pagpapatawad sa atin kung umaamin tayo at humihingi ng kapatawaran. Iyan nga ang ginagawa natin kapag tayo ay nangungumpisal. Inaamin at pinagsisihan natin ang kasalanan at tayo ay nakakatanggap ng pagtawad ng Diyos at makaka-move on na tayo sa panibagong buhay.
Ganyan din po sa ating kalagayan. Huwag tayo maging mapaghiganti. Gayahin natin ang habag ng Diyos. Maging mapagpatawad tayo sa iba. Pero magagawa lamang natin ito kung inaamin naman ng iba ang kasamaan na ginawa nila. Kung walang pag-aamin hinahayaan na lang natin na manatili ang masama at maaari pang ulitin at ipagpatuloy ang mga ito.
Kaya sa mga nagsasabi na magkaisa na lang tayo at huwag nang pansinin ang nakaraan, sinasabi natin na ang Diyos natin ay mahabagin at makatarungan. Mapapatawad natin ang nakaraan kung inaamin nila na mali ang kanilang ginawa noong martial law, na mali ang pagpapapatay sa tao sa ngalan ng war on drugs, na mali ang pagbibintang sa mga tao na sila ay rebelde at pagpapakulong sa kanila sa gawa-gawang mga kaso. At hanggang ngayon marami pa ang nakakulong dahil lang sa pagbibintang na wala namang katotohanan. Ang resulta ng mga kasamaan noon ay patuloy pa rin ngayon at marami pa ang nagdurusa dahil dito. Marami pa ang mga ninakaw noon na ngayon ay hindi pa naibabalik sa taumbayan at binabayaran pa ng buwis ng mga tao. Marami pa ang mga nabalo at naulila sa ngalan ng war on drugs na pinababayaan lang. Ang mga pulis at militar na mamamatay tao ay malaya pa at marahil handa pang magpabayad upang pumatay. Ang polisia ng red-tagging at pagpatay sa mga drug addicts kuno ay nandiyan pa rin. How can you say that we move on? Managot muna sila. Aminin muna nila ang kamalian nila.
Ang ating Amang nasa langit ay mapagpatawad. Pinadala nga niya ang kanyang anak upang patawarin tayo. Hinihikayat tayo na kung tunay din tayong anak ng Diyos na mahabagin ay maging mahabagin din tayo. At ang lahat ay handa nating patawarin, pati na ang ating mga kaaway at ang gumawa ng masama sa atin. Pero ang pagpapatawad ay may bisa kung inaamin ng pinatatawad ang kanyang kasalanan. Hindi mapapasakanya ang patawad kung hindi naman niya inaamin na may kasalanan siya. Kaya kasama sa ating panawan na maging mapagpatawad ay ang atin ring panawagan sa lahat na nagkasala – magsisisi na kayo at magbagong buhay. Huwag mag-alinlangan na aminin na ang kasalanan; maunawain ang Diyos at ang kanyang bayan. Hindi tayo makaka-move on kung walang pag-amin at pagsisisi.
Bp Broderick Pabillo