44,812 total views
2nd Sunday of Lent Cycle B
Gen 22:1-2.9.10-13,15-18 Rom 8:31-34 Mk 9:2-10
Hindi madali ang panawagan sa atin ng kuwaresma kung talagang seseryosohin natin itong gawin. Kailangan nating kalabanin ang tukso na palaging lumalapit sa atin. Kailangan nating tanggihan ang ating sariling hilig lalo na iyong nakakasama naman sa atin. Kailangan tayong maglaan ng panahon para sa panalangin; kailangan tayong tumulong sa ating kapwa. Sa maikling salita kailangan tayong mamatay sa ating sarili upang maging bukas sa Diyos at sa ating kapwa.
Hindi ito madali. At bakit natin ito ginagawa? Kasi gusto nating makiisa sa bagong buhay na binigay sa atin ni Kristo, ang bagong buhay ng Muling Pagkabuhay. Ngayong Linggo pinapasilip tayo sa makabagong buhay na ito. Pinapatikim sa atin ang kaluwalhatian na magiging atin kung sumusunod tayo kay Jesus. Nagbagong anyo si Jesus sa harap nina Pedro, Juan at Santiago. Kasama ni Jesus si Moises na kumakatawan sa Batas ng Diyos, at si Elias na kumakatawan sa mga propeta na nananawagan na sumunod ang mga tao sa Batas ng Diyos. Maningning at maluwalhati ang kanilang anyo. Napakaganda ng pangitaing ito na napasabi ni Pedro: “Panginoon, manatili na lang tayo dito. Gagawa kami ng tatlong kubol para sa inyo.”
Ang pagbabagong anyong ito ay pampalakas ng loob sa mga apostol na nadi-discourage na dahil nagsasalita na si Jesus tungkol sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan habang sila ay papunta sa Jerusalem. Hindi naman sumunod ang mga alagad ni Jesus sa kanya para lang sila mabigo, para lang maglaho ang kanilang pag-asa sa tagumpay na dadalhin ng pinaniniwalaan nilang sinugo ng Diyos. Upang bigyan sila ng pag-asa, pinasilip sila ni Jesus sa kaluwalhatian na mapapasakanya. Pinakita ni Jesus na ang mangyayari sa kanya sa Jerusalem ay naaayon sa plano ng Diyos na nakasaad sa mga Batas at sa mga pahayag ng mga propeta. Kaya ang boses na nanggaling sa langit na siya ang boses ng Diyos Ama ay humikayat sa kanila: “Pakinggan ninyo siya.” Anuman ang sasabihin niya, sundin ninyo kasi siya ang aking anak. Hindi niya kayo pababayaan. Magdadala ng tagumpay ang kanyang daraanan. Sundin ninyo siya!
Magkakaroon tayo ng ganitong pag-asa kahit na anong hirap man ang ating nararanasan sa ating pagsunod kay Jesus kung tayo ay may malakas na pananalig. Ang pag-asa ay nakaugat sa pananalig. Ang pananalig na hinihingi sa atin ay ang pananalig ni Abraham na narinig natin sa unang pagbasa. Itinaya ni Abraham ang lahat sa kanyang pagsunod sa salita ng Diyos. Handa niyang ialay si Isaac, ang kaisa-isa niyang anak, ang kanyang anak na minamahal, para sa Diyos. Sinubok ng Diyos ang kanyang pananampalataya at pumasa siya sa pagsubok. Buo ang kanyang pananalig sa Diyos kaya pinangakuan siya ng malaking lahi na kasing dami ng mga bituin sa langit at ng mga buhangin sa dalampasigan. Binigyan siya ng pag-asa na hindi mawawala ang kanyang lahi.
At talagang makakaasa tayo sa Diyos kasi buo naman ang pagmamahal niya sa atin. Hindi hinayaan ng Diyos na iaalay ni Abraham ang kaisa-isang anak niya, pero siya, inalay niya ang kanya mismong anak, ang kanyang pinakamamahal na anak. Kaya nga sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, kung ibinigay na ng Diyos ang kanyang anak para sa atin, ano pa ba ang hindi niya ibibigay sa atin? Pababayaan ba niya tayo? Hindi ba niya tayo ililigtas sa anumang hinaharap natin ngayon? Huwag tayong mag-alinlangan. Buo ang commitment ng Diyos sa atin. Pinakita ni Jesus ang commitment na iyan sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay para sa atin. At ngayon ay patuloy na niya tayong inaalalayan sa kanyang pagiging tagapamagitan sa atin doon sa kanan ng Diyos Ama. May dakila tayong tagapamagitan sa Diyos.
Kaya, mga kapatid, huwag manghina ang loob natin sa pagtahak ng landas ng kuwaresma. Ang mga kahirapan na nararanasan natin sa ating pagsunod kay Jesus ay balewala sa harap ng kaluwalhatian at ng tagumpay na mapapasaatin. Ang pagbabagong anyo ni Jesus ay isang assurance sa atin.
Ngayong araw ay February 25. Inaalaala natin ang nangyari sa Edsa noong 1986, 38 years ago. Ito ay isang araw ng tagumpay ng mga Pilipino. Sa wakas, naiwaksi natin ang labing apat na taon ng diktadura ni Marcos Sr, at ito ay nagawa natin ng mapayapa. Nagawa natin ito kasi nagkasama-sama tayo. Hindi natakot ang mga tao kung ano ang mangyayari sa kanila. Hinarap nila ang mga sundalo at ang mga tangke na ang sandata ay ang Santo Rosaryo. Sa halip na pagmumura, hinarap nila ang mga sundalo na may mga bulaklak. At pinakita naman ang kagitingan ng mga sundalo at pati na ang mga piloto ng mga pandigmang eroplano na hindi sila sumunod sa utos ng kanilang nakakataas na barilin at bombahin ang mga tao. Hindi nila maaaring patayin ang kapwa Pilipino na walang kalaban-laban, ang kapwa Pilipino na walang naman ginagawa kundi magdasal at umawit. Ang Edsa ay isang sulyap sa atin, isang patikim kung ano ang magagawa ng mga Pilipino na nagkakaisa, na nagdarasal, na handang magtaya ng sarili para sa bayan. Nagawa natin ito kasi nagkaroon tayo ng pag-asa na may panibagong liwanag sa buhay sa gitna ng kadiliman ng diktadura. Malakas ang pag-asa natin kasi malalim ang ating pananampalataya na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Kaya dasal ang ating sandata noon. Hindi man lahat ng mga Pilipino ay nasa Edsa noong 1986, pero lahat ng mga Pilipino ay nagdarasal sa kanila-kanilang bahay at sa mga simbahan noong nangyayari ang Edsa.
Hindi naman tayo binigo ng Diyos. Nagbago ang loob ng mga leaders natin. Nagbago ang loob ng mga generals. Nagbago ang loob ng mga Marcoses at ng kanilang mga cronies. Umalis na lang sila.
Natikman na natin ang tagumpay ng pagiging mulat, ng pagkakaisa, ng panalangin noon 1986. Nasa atin na ngayon kung ipagpatuloy pa natin ang pagiging mulat sa mga ginagawa ng mga kasalukuyang pulitiko sa atin, kung ipagpatuloy natin ang pagkakaisa sa pagtaya ng sarili para sa bayan, kung ipagpatuloy pa natin ang pananalig sa Diyos na hindi nagpapabaya sa mga umaasa sa kanya.