480 total views
1st Sunday of Lent Cycle A
Gen 2:7-9. 3:1-7 Rom 12:12-19 Mt 4:1-11
Ang panahon ng Kuwaresma ay apatnapung araw na pagninilay at pagdarasal ng buong simbahan. Para itong isang espiritual na retreat na tinatalakay ang mahahalagang paksa ng ating buhay kristiyano. Ngayong unang Linggo ng Kuwaresma, ating pagninilayan ang isang karanasan nating lahat: ang tukso o ang pagsubok. Lahat tayo ay tinutukso. Hindi masama ang tukso. Dito sinusubok tayo kung susunod tayo sa Diyos o susuway sa kanya. Pumapasok ang kasalanan kung sumang-ayon tayo sa alok ng kasamaan at ginawa ito.
Sinulat ni Santiago: “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsubok.” (Santiago 1:1-2) Sinulat din ni San Pablo: “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipahihintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.” (1 Cor. 10:13)
Maliwanag ang katuruan sa atin ng Banal na Kasulatan: lahat ay sinusubok, alam ng Diyos ang nangyayari sa atin at hindi niya pinahihintulutan na magkasala tayo dahil sa pagsubok, binibigyan niya tayo ng paraan at ng lakas upang mapagtagumpayan ang pagsubok. Dahil sa pagsubok lumalakas ang ating pananampalataya.
Sa unang pagbasa tinukso ang mga unang tao, si Adan at si Eba at sila ay nahulog sa pagsubok. Dahil dito pumasok na ang kasalanan sa mundo. Sa ating ebanghelyo si Jesus ay tinukso din, at tatlong beses pa nga, pero hindi siya nahulog sa pagsubok. Ano ang ginawa ni Jesus na napagtagumpayan niya ang pagsubok?
Una, hindi niya kinausap ang manunukso, ang diyablo. Ang salita niya sa Diyablo ay Salita ng Diyos na galing sa Bibliya at pinalayas niya siya. Samantalang si Eba ay nakipagchikahan pa sa ahas, kaya nahulog siya sa pagsubok. Pangalawa, si Jesus ay nasa disyerto. Ito ay isang lugar ng penitensiya at panalangin. Nagpenitensiya si Jesus. Nag-ayuno siya sa disyerto kaya ang unang tukso sa kanya ay tungkol sa pagkain. Siya ay nagdasal ng apatnapung araw. Sa halip, si Adan at si Eba ay nag-go-goodtime sa Paraiso. Ineenjoy nila ang magandang Paraiso na kinalalagyan nila. Hindi sila handa sa pagsubok. Pangatlo, ang palaging sagot ni Jesus sa pagsubok ay ang Salita ng Diyos. Alam ni Jesus ang Bibliya at alam niya ang tamang pag-unawa dito. Ang Diyablo ay gumamit din ng Bibliya pero hindi tama ang kanyang application dito. Ginamit niya ang Bibliya para sa sariling kapakanan. Totoong hindi siya pababayaan ng Diyos. Iingatan siya ng anghel ng Diyos kaya magpabaya na siya, magpatihulog na lang mula sa taluktok ng Templo upang maranasan ang tulong ng Diyos. Hindi lahat na gumagamit ng Bibliya ay tama. Ngayong panahon ng kuwaresma hinihikayat tayo na palakasin ang ating buhay espiritual tulad ng ginawa ni Jesus: Magdasal, mag-asyuno o magpenitensiya at magbasa ng Bibliya. Sa pagbabasa ng Salita ng Diyos nabibigyan tayo ng wastong pang-unawa sa mga pamamaraan ng Diyos at nabibigyan din tayo ng lakas na labanan ang tukso.
Ang mga tukso kay Jesus ay iyan din ang mga tukso sa atin. Naranasan ni Jesus na dinadaanan natin bilang tao. Tinutukso tayo sa laman, na pagbigyan ang hilig ng laman. Kaya nandiyan ang tukso sa katakawan sa pagkain, ang bisyo sa pag-iinom o sa paninigarilyo. Nandiyan ang tukso sa sex at sa droga. Iyan din ang tukso kay Jesus na gamitin ang kanyang pagka-Diyos na punan ang pangangailangan at tawag ng laman.
Tinutukso tayo sa kayabangan. Gusto natin na tayo ay maging sikat at hahangaan ng mga tao. Hinahanap-hanap natin na magkaroon tayo ng maraming Likes sa facebook, gumagastos tayo ng labis para magpaganda, ayaw natin na tumanda kasi magiging laos na tayo. Iyan ang tukso kay Jesus – magpasikat – tumalon siya mula sa taluktok ng Templo. Makikita ng lahat na siya ay pinapatnubayan ng mga anghel ng Diyos. Madali na siyang magkaroon ng mga taga-hanga sa kanyang misyon. Madali siyang makilala ng lahat.
Tinutukso tayo ng kayamanan at kapangyarihan. Gusto natin na yumaman kasi ma-sosolve ang mga problema natin kung mayaman na tayo. Magiging masaya tayo kung mayaman tayo. Kung mayaman tayo magiging makapangyarihan tayo. Makukuha natin ang gusto natin. Matatakot ang mga tao sa atin at susunod sa atin. Kaya ang mga politiko ay gumagastos ng malaki para lang manatili sa poder at ginagamit naman nila ang kanilang poder upang lalo pang magpayaman. Talagang marami ay sumasamba sa Diyablo para maging mayaman at makapangyarihan. Handa silang manloko, mandaya, magsinungaling at pumatay pa para sa kapangyarihan at sa pera. Iyan din ang tukso kay Jesus – na mapasakanya ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan. Maliwanag kay Jesus na ang Diyos lang ang paglilingkuran, siya lang ang masusunod at hindi ang tugtog ng pera. Kaya sinabi din niya na hindi tayo makapaglilingkod sa dalawang Panginoon, sa Diyos at sa pera.
Tinukso si Adan at si Eba at sila ay nagkasala. Tinukso si Jesus at hindi siya nagkasala. Napatunayan niya sa atin na siya ay tapat. Noong tinukso si Adan at si Eba ang kanilang iniisip ay ang kanilang sarili: maganda ang punong kahoy, masarap ang bunga nito, at gusto nilang magkaroon ng karunungan ng Diyos upang mapantayan ang Diyos. Nabigo sila kasi ang lahat ng tukso ay kasinungalingan. Hindi nangyayari ang kanyang ipinapangako. Hindi sila sumunod sa Salita ng Diyos. Ang sinunod nila ay ang kasinungalingan ng tukso. Si Jesus ay naging tapat sa Diyos kasi naging tapat siya sa Salita ng Diyos. Alam ni Jesus ang Salita ng Diyos at ito ay kanyang sinusunod. Kaya nauuwi ang kasalanan sa pagsunod o sa pagsuway. Sumusunod ba tayo sa Salita ng Diyos o sumusuway dito? Sana ngayong kuwaresma dahil sa ating pagdarasal, pag-pepenitensiya, pagbabasa ng Bible at pagkawanggawa mas maging maliwang sa atin ang kalooban ng Diyos at ito’y sundin natin. Magiging malakas tayo dahil sa mga tukso at pagsubok na dumadating sa ating buhay.