450 total views
8th Sunday of Ordinary Time Cycle C
Sirach 27:5-8 1 Cor 15:54-58 Lk 6:39-45
Ang isang katangian ng panahon natin ngayon ay nadadala tayo ng maraming gawain. Napakabilis ng takbo ng panahon. Napakaraming gagawin. Kaya palaging busy ang tao. We run from one activity to another. Tinatawag ito na activism. Hindi tayo nanahimik. Dahil sa kabisihan na ito, maaaring hindi na tayo marunong tumigil at magsuri. Ito ay totoo hindi lang sa ating mga trabaho kundi pati na rin sa ating paggamit ng social media. Sa napakaraming impormasyon na natatanggap natin, alam ba natin alin dito ang totoo at mahalaga? Kaya ngayong halalan, hinihikayat tayo na magkaroon ng circles of discernment. Magsama-sama tayong magsuri upang alamin ano ba ang totoo at ano ba ang nakabubuti sa bayan.
Ang masama sa activism, maaaring gawa nang gawa tayo na hindi na natin alam ang nangyayari sa atin. Ang ating atensiyon ay nakatuon na lang sa mga deadlines na dapat gawin. Baka nga hindi na natin kilala ang ating sarili mismo. At maaari pa na tayo mismo ay naloloko na ng ating sarili. We can fall into self-deception, na parang ok tayo pero hindi na pala. Kaya hinihikayat tayo ng mga spiritual leaders na magkaroon ng regular na examination of consciousness. Kung gusto nating maging spiritually mature hinihikayat tayo na magkaroon ng madalas na pagsusuri ng ating budhi. Suriin natin hindi lang ang ating ginagawa kundi pati na rin ang ating mga motibo at mga nag-uudyok sa atin na gumawa. Alamin natin ang binubulong ng Diyos sa ating kalooban. Huwag lang tayo magpadala sa trabaho o sa panlabas na gawain. Manahimik at tumingin tayo sa sarili.
Maaaring mangyari na hindi natin namamalayan na lumilihis na tayo ng landas, na tayo pala ay nililinlang na. Paano tayo makakagabay sa iba kung tayo mismo ay hindi nakakakita ng maayos? Iyan ang sinasabi ni Jesus sa bulag na nag-aakay sa bulag. Pareho silang mahuhulog sa butas. Iyan ang sinabi ni Jesus tungkol sa nag-aalok sa iba na tanggalin ang puwing sa kanilang mata, at may nakabalandra palang troso sa kanyang sariling mata. Hindi tayo makakatulong sa iba kung hindi natin kilala ang ating sarili. Magdadagdag lang tayo sa kalituhan ng iba. Kaya tumingin muna tayo sa ating sarili. Suriin natin at kilalanin ang sarili upang makagabay tayo sa iba. Sana nagbibigay tayo ng liwanag at hindi nagdadagdag sa kadiliman ng mga tao.
May mga palatandaan upang makilala natin ang ating sarili. Una, sinabi ni Jesus na malalaman mo ang puno ng kahoy sa kanyang bunga. Ang puno ay avocado kasi nakikita mo na ang bunga ay avocado, at hindi mangga. Maganda ang variety ng puno kasi matamis ang bunga niyang guyabano. Ganoon din sa atin. Malalaman natin ang ating pagkatao sa uri ng ating pamumuhay. Kung palagi tayong sumisigaw at naiinis sa iba, marahil puno ng lason ng galit ang ating budhi. Kung takot ang naghahari sa atin, siguro kulang tayo sa pananalig sa Diyos. Kung tayo ay mapagpasiyensiya marahil mahinahon at mapayapa ang ating budhi. Tingnan po natin ang ating buhay at ang ating ugali at mas lalo nating makikilala ang ating sarili. Kapag nakilala na ang sarili mabibigyan na natin ng direksyon ang ating buhay at makakagabay tayo sa iba.
Pangalawang paraan upang makilala ang ating pagkatao, sabi ni Jesus: “kung ano ang bukam-bibig, siyang laman ng dibdib.” Ito rin ang narinig natin kay Sirach sa ating unang pagbasa: “Ang pagkatao ng sinuma’y makikita sa usapan… Sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya’y nahahalata.” Makikilala ang isang tao sa kanyang pananalita. Ang taong magaspang magsalita, maaaring magaspang ang pagkatao niya. Kaya nga ayaw natin sa taong palamura. Hindi maaari na madumi ang kanyang salita at ang puso niya ay malinis. Ang mahahalay na mura na bukam-bibig niya ay nanggagaling sa pag-iisip na mahalay. Gayon din, sa ang taong maayos at magalang na magsalita, panatag tayo na maganda ang kanyang ugali. Kaya nga narinig natin kanina: “Huwag mo munang purihin ang isang tao hanggang hindi nakapagsalita, sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso’t diwa.”
Kaya nga bago natin tanggapin sa trabaho ang isang aplikante hindi lang sapat na makita natin ang kanyang Curriculum Vitae o CV. Ini-interview siya. Higit na makikilala natin ang tao sa pamamagitan ng interview. Tatanggapin ba natin sa trabaho ang isang aplikante na ayaw magpa-interview? Hindi! Kaya nga nadidismaya tayo sa mga kandidato na ayaw makiisa sa candidates’ fora. Ang mga candidato ay mga aplikante sa taong bayan kung tatanggapin ba natin sila sa posisyon na gusto nilang makuha. At ang candidates’ fora ay parang pag-iinterview sa kanila sa harap ng mga mamamayan kung may kakayahan ba sila at kung ano ang saloobin nila. Sa kanilang pagsasalita natin sila masusukat. Ang ayaw sumali sa candidates’ fora ay may tinatago sa taumbayan.
Noong tinanong ang Greek philosopher na si Socrates kung ano ba ang dapat gawin ng isang tunay na philosopher, ang kanyang sagot ay: Know thyself. Kilalanin mo ang iyong sarili. Ang philosopher ay may mga disciples. Kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, saan niya dadalhin ang kanyang mga disciples? Kaya papaano natin makikilala ang ating sarili? Tingnan natin ang bunga ng ating mga gawain. Kung mabuti ang bunga ng ating gawain, mabuti tayo. Suriin din natin ang ating pananalita. Ang ating salita ay salamin ng ating puso.
Sa Miyerkules ay bubuksan na natin ang apatnapung araw ng Kuaresma. Ito ay mahabang panahon na pakikinig sa Salita ng Diyos, pagninilay at panalangin. Labanan natin ang activism. Huwag nating punuin ng panlabas na gawain ang ating buhay. Kaya maging mapagnilay at madasalin tayo ngayong panahon ng kuwaresma. Ika nga: Hinay hinay lang. Sana makakumpisal din tayo. Sa pangungumpisal, mas nakikilala natin ang ating sarili at natutulungan tayong magbagong buhay. Sama-sama tayong lumapit at kumapit sa Diyos pagdating ng panahon ng kuwaresma.
Bishop Broderick Pabillo