7,735 total views
5th Sunday of Ordinary time
Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking
Job 7:1-4.6-7 1 Cor 9:16-19.22-23 Mk 1:29-39
Hindi madali ang buhay. Alam ito ng Diyos kaya ito’y nakasulat sa Bibliya. Narinig natin ang daing ni Job: “Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap. Batbat ng tiisin at lungkot ang dinaranas.” Sa araw nahihirapan tayo sa ating mga gawain. Naghahangad na lang tayo na matapos na ang araw upang tayo ay makapahinga na. Pagdating naman ng gabi, hindi tayo nakakatulog, namomoblema din sa ating buhay na puno ng abalahin. Parang ang haba ng gabi na paikot-ikot na lang tayo sa higaan. Alam ng Diyos ang kahirapan natin sa buhay. Hindi lang niya alam. Naranasan din ito ng Diyos sapagkat kay Jesus naging tao siya. Hindi naman ito ang plano ng Diyos, na mahirapan tayo sa buhay. Gusto niya na maging kaaya-aya ang buhay natin, kaya nilagay niya tayo sa paraiso. Dahil sa ating kasalanan kaya tayo nagkaganito. Wala na tayo sa paraiso ngayon. Mas pinili natin ang boses ng ahas kaysa ang salita ng Diyos. Mas naniwala tayo sa kasamaan kaysa sa Diyos. Iyan ang lahat ng kasalanan. Mas naniwala tayo sa tawag ng laman, sa paanyaya ng barkada, sa mga pangako ng advertisements kaysa sinasabi ng ating budhi at ng magagandang aral na binibigay ng ating mga magulang, ng mga katekista, ng mga pari at mga lay ministers natin. Dahil dito hirap tayo sa buhay.
Kaya pinadala ng Diyos ang kanyang anak upang tayo ay tulungan at iligtas, hindi parusahan o ipahamak man. Pinakita ang pagliligtas na ito ni Jesus sa ating ebanghelyo. Tumutulong siya kung saan may pangangailangan. Noong ipinaalam sa kanya na may mataas na lagnat ang biyenan ni Pedro, pinuntahan niya ito, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noong dinala ng mga tao sa kanya ang mga may sakit paglubog ng araw, ang ibig sabihin, pagkatapos ng Araw na Pamamahinga kaya maaari na silang mabuhat, pinagaling niya sila kahit na malalim na ang gabi. Pinalayas niya ang mga inaalihan ng mga demonyo. Gumagawa siya ng kabutihan sa mga tao.
Siguro napagod din si Jesus sa buong araw ng kanyang pangangaral at pagpapagaling pero kinaumagahan maaga pa siyang nagising at pumunta sa tahimik na lugar para magdasal. Hindi lang nagdarasal si Jesus kasi libre siya. Hinahanapan at binibigyan niya ito ng panahon. Dahil sa siya ay nagdarasal, alam niya ang kanyang misyon. Alam niya kung ano ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos Ama. Hindi lang tayo nagdarasal upang mabigyan ng hinihingi natin. Higit sa lahat, nagdarasal tayo upang malaman ang kagustuhan ng Diyos na dapat nating gawin. Kaya noong hinanap siya ni Pedro noong maliwanag na at hinihikayat na bumalik na sa Capernaum kasi hinahanap siya ng mga tao doon, hindi siya nagpadala sa kagustuhan ng mga tao. Kung sa bagay, mas madali na bumalik sa Capernaum. Kilala na siya ng mga tao at sila’y hangang-hanga sa kanila. Pero hindi! Hindi iyan ang plano ng Ama. Sinabi niya: “Kailangan na pumunta rin tayo sa kalapit-bayan upang doon ay mangaral at tumulong sa mga tao.”
Kaya iyan ang naging buhay niya, pumupunta sa ibang mga lugar upang makatagpo ang mga tao na kailangan ding makarinig ng Magandang Balita. Ang buhay na ito ni Jesus at ang pagmamalasakit na maabot ang mga tao ay siya rin ang naging buhay ni Pablo. Siya rin ay pumupunta sa iba’t-ibang mga lunsod ng empero ng Roma, lalo na ang mga hindi pa naaabot ng iba, upang doon ipahayag ang kaligtasan. Nakikita niya na ito’y isang tungkulin na ibinigay sa kanya. Ito ay misyon na ipinagkatiwala sa kanya. Kaya nasabi niya: “Sa aba ko, kawawa ako, kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita.” Kaya nangangaral siyang walang bayad. Mabuting katiwala siya ng Magandang Balita. Ngunit hindi lang siya nangangaral. Binabagay niya ang kanyang pamumuhay ayon sa mga kausap niya upang maintindihan siya at madali nilang matanggap ang kanyang mensahe. Naging mahirap siya kung ang kausap niya ay mahihirap. Naging mahina siya sa mga mahihina, at gumagamit naman siya ng karunungan sa mga marurunong. Ang lahat ng ito ay ginagawa niya alang-alang sa Magandang Balita.
Dahil sa ginawa ni Jesus na palaging nangangaral at nagsasabuhay ng mga aral ng Diyos, sinundan naman siya ni Pablo at ng mga apostol. Ginawa din ito ng mga misyonero sa kasaysayan ng simbahan kaya nakarating sa atin ang pananampalataya. Ang pananalig sa Diyos ang nagbibigay sa atin ng lakas ngayon upang harapin at malampasan ang mga kahirapan sa buhay.
Ano ba ang naibibigay ng pananampalataya sa Diyos? Hindi naman ito nagbibigay ng pera o mga material na bagay. Ang pananalig sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng katatagan sa harap ng mga kahirapan sa buhay. Ang katatagan na ito ay galing sa ating pananalig na hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos. Ang katatagan na ito ay galing sa ating pananalig na mahal tayo ng Diyos at ginagabayan niya tayo tungo sa kanya. Ang katatagan na ito ay galing sa kasiguraduhan na may patutunguhan at kabuluhan ang buhay natin. Ang direksyon na ito ay tungo sa buhay na walang hanggan.
Nalalaman natin ito dahil sa mga tao na nagpahayag sa atin ng Magandang Balitang ito. Pumunta sila sa misyon. Lumapit sila sa atin. Tanggapin natin ang balitang dala nila at ipagpatuloy natin ibalita din ito sa iba. Tayong nakinabang sa Magandang Balita ay ibahagi din natin ito sa iba. Iyan ang pagiging mabuting katiwala ng Magandang Balita. Ibahagi natin ang mayroon tayo. Ito ang tunay na pagpapahalaga sa Magandang Balita. Tanggapin natin ito, isabuhay natin ito at ibahagi din natin ito sa iba.
Ngayong Linggo hinihikayat tayo ng simbahan na mamulat sa isang napakasama na nangyayari ngayon, ang tinatawag na white slavery o ang pangangalakal sa mga tao. Hanggang ngayon pinagbibili ang mga tao, ang karamihan sa kanila ay mga bata at mga babae. Kinukuha sila, nililinlang, dinudukot at halos kinukulong para magtrabaho sa mababang sweldo o para gamitin sa sex. Pinagkakakitaan ang kapwa tao. Mag-ingat po tayo sa ganitong gawain pati dito sa Palawan. Huwag ipagbili ang katawan. Huwag magpaalipin sa iba. Napakalaki na business ang human trafficking na ito ay sumusunod lang sa arms trade at sa drug business sa laki ng halaga na nakukuha dito. Ipagdasal natin na hindi tayo mabiktima dito at maging mapagmasid tayo sa gumagawa nito. Madalas daw ang umaalok sa ganitong gawain ay mga kakilala o kamag-anak din natin, umaalok na magtrabaho sa ibang lugar o sa abroad sa mga tao na inocente at madaling maloko.