180 total views
PASAY CITY JAIL JUNE 10, 2017
Muli po, pagbati sa inyong lahat at pasensiya doon sa di makaupo. Parang nagmisa na rin ako ditto, mga 2014.
Sino sa inyo ang nandito na nung 2014? Ah meron pang iba na nandito. Ibig sabihin iyong iba bangko.
Ngayon po ay pagdiriwang natin sa pinaka- pundasyon ng ating pananampalataya. Sino ba ang Diyos? Sino ang Diyos? At tayong lahat kumikilala, iisa lang ang Diyos.
Subalit sabi ni San Juan sa kanyang sulat, ang Diyos ay pag-ibig at nagpakilala ang Diyos sa kasaysayan ng bayang Israel hanggang sa ating panahon kung ano iyang pag-ibig. Papanong ang Diyos ay pag-ibig? Ang pag-ibig hindi pansarili iyan. Ang pag-ibig lagi meron kang iniibig na iba. Kapag ang iniibig ko lang sarili ko baka mamaya hindi
na iyan maging tunay na pag- ibig, maging ano iyan, pagkamakasarili.
Ang pag-ibig lagi may iba at binibigay ko ang aking sarili sa iba. Doon dumaloy ang panahon lalo na noong dumating si Hesukristo, nakilala natin na ang iisang Diyos meron palang ama at mayroong anak, si Hesukristo.
At sabi ni Hesus, ang ama magsusugo ng espirito santo sa ngalan ni Hesus. Itong iisang Diyos, community pala
sila- ama, anak, espirito santo. Papaanong magiging Diyos ay pag-ibig kung iisa lang siya na persona? Ang ama, iniibig niya ang anak. Ang anak, iniibig niya ang ama. Ang pag- ibig ng ama at anak, ang espirito santo.
Iyan ang pag- ibig.
Ilan sa inyo may asawa? Mahal niyo ba asawa niyo? (OO) Tunay ‘iyan? Ang pag- iibigan ng mag asawa, ano ang tawag? Anak. Buo kayo, iisang pamilya pero iisang pamilya merong husband, may wife, may anak kaya lalong nakikita na ang pamilya niyo, pag- ibig.
Ang Diyos ay pag-ibig at iyan ay naipakita sa kasaysayan sa pamamagitan ebanghelyo. Ipinadala ng ama ang kanyang anak dahil mahal tayo. At sa takdang panahon, isinugo ng ama sa pamamagitan ng anak na si Hesus ang espirito santo. Hindi sila nagkukumpitensya. Taltong persona pero nananatiling iisang Diyos dahil sa pag-ibig.
Maganda po ‘yung sinabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Ginagamit natin ito sa misa. ‘Yung sa simula ng misa sinasabi natin, ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag- ibig ng Diyos Ama at ang pakikipagkaisa ng espirito santo ay sumainyong lahat.
Kita natin ‘yung tatlo? Pag- ibig ng ama. Ang ama ang pinagmumulan ng lahat ng pag- ibig kase siya ang nagbigay
ng anak. Siya ang nagsugo sa espirito santo. Pag- ibig ng ama, pagpapala ni Hesukristo. Ano ba ang ibig sabihin ng pagpapala? Ang pagpapala ay ang pagbibigay ng biyaya, pagbibigay ng sarili kahit na di karapat-dapat ‘yung pinagbibigyan. Ang sarap bigyan ng regalo ‘yung mabait sa atin pero kapag ang binigyan mo ng regalo yung nakasakit sayo, yun ang biyaya. Kase ‘yung binigyan mo hindi karapat-dapat . Iyan ang ginawa ni Hesus,
inalay niya ang buhay para sa ating makasalanan. Biyaya niya ‘yan. Kung tutuusin hindi naman tayo dapat pag-alayan ng buhay. Pero pagpapala, ganyan tayo kamahal ng ama. Isinugo ang anak para ialay ang kanyang buhay para sa atin kahit hindi tayo karapat- dapat. Tingnan niyo ‘yang katabi niyo? Mukha bang karapat-dapat mahalin? Bakit ayaw niyong tingnan ‘yung katabi niyo? Kahit ganyan ang mukha niyan, mahal yan ni Hesus. Pinagpala ‘yan, ‘yan ang pag- ibig. Kaya kapag kayo, sinabihan kayo ng misis niyo, “Kaya kita pinakasalan kase guwapo ka, magduda ka, kaya ka pala pinakasalan ay dahil may pigura ka. Paano kung wala ka ng pigura? Hindi ka na kamahal- mahal? Pero kapag sinabi sayo ng misis mo, “Hindi ko nga maintindihan kung bakit pinakasalan kita panget ka naman, barumbado ka naman, di ko naman maintindihan ‘yung ugali mo pero ewan ko ba bakit binibigay ko pa rin ang sarili ko sayo. Wow, pagpapala ‘yan, iyan ang ginawa ni Hesus. At kung tutuusin wala naman sa atin ang karapat- dapat, lahat po tayo, di lang kayo, pati ho kami pero ‘yan po ang pagpapala ni Hesus. Sino nagpadala kay Hesus?
Ang ama, na bukal ng pag-ibig at ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama at
ang pakikipagkaisa ng espirito santo.
Iyan naman ang ginagawa ng espirito santo dahil ang ginagawa ng pag- ibig ay pagkakaisa. Bagamat iba- iba,
kapag dumating ang espirito santo ang magkakaiba nagkakaunawaan. Nawawala ang pride at sa halip na ang pride ang mamayani, pag- uunawaan, pasensya, kahinahunan, pagkontrol sa sarili at pag- ibig. ‘Yan ang gawa ng Diyos sa atin na pag ibig. Pero ‘yung pag- ibig, ang Diyos na pag- ibig tatlong persona. Iba iba pero iisa. Sana ganun din po tayo. Iba- iba naman, iba-iba tayo pero kung may pag- ibig, magkakaisa. Kahit iba iba, kahit may mga nagawang pagkukulang, kasalanan, umasa sa pag- ibig at pagpapala ng Diyos. Maaaring tayo ay talikuran ng mundo. Maaaring tayo ay kutyain, minsan masakit sa sarili pang pamilya pero ang paala- ala ng kapistahan ngayon, ang Diyos ay pag- ibig. Ang Diyos Ama hindi magmamaliw sa pag- ibig. Ganyan tayo kamahal. Ipapadala niya ang kanyang anak at pinadala na nga. Kahit hindi tayo karapat- dapat, pinagpala tayo kay Hesus. At isinugo ni Hesus ang espirito santo para magkaisa tayo.
Kapag kayo medyo nagkakainitan ng ulo, siyempre minsan sa dorm nagkakainitan naman ng ulo, hilik ka naman ng hilik, ‘yang kilay mo di ko gusto. Lagi tayo nakakahanap ng dahilan para mag-away away at maghati- hati.
Pagka ganyan manalangin tayo sa Diyos. Ibuhos sa ating puso ang pagkakaisa na dulot ng espirito santo at maging pagpapala tayo ni Hesus sa isa’t isa. Isasabuhay po natin ‘yan. Lagi pa naman tayong nagdadasal, sa ngalan ng ama, ng anak, ng espirito santo- ‘yan lagi na lang Diyos ang pag- ibig. Ama, anak, espirito santo.