871 total views
His Eminence Manila Archbishop Luis Antonio
Sacred Heart Parish Mandaluyong
June 10, 2018
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya sa Panginoong Hesus tayo po ay tinipon ng Panginoon bilang isang sambayanan kahit na umuulan, kahit na may mga lugar na nagkakaroon na ng tubig tuloy pa rin ang ating pasasalamat at pagdiriwang dahil sa pagkakaloob ng Diyos Ama sa atin kay Hesus at ngayon po sa ating parokya ay ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Kanyang Kamahal-mahalang Puso.
Ibig ko pong simulan ang pagninilay mula sa ikalawang pagbasa, hangad ni San Pablo na ang mga taga-Efeso ay makaunawa at mapasalamatan ang napakalaking biyaya na tinanggap natin at ano yun?
Hindi bagong bahay, hindi pera, hindi yung kayamanan na nandito ngayon bukas wala na, ano yun?
Ang pag-ibig ng Diyos na hindi malirip ng ating isip, hindi maarok ng ating pag-unawa at ang pag-ibig na yan ng Diyos ay ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Hesukristo.
Ang simbolo ni Hesus at ang kanyang pag-ibig ay ang puso. Hanggang ngayon naman po kapag sinabi puso iyan ay ating ikinukonekta sa pag-ibig, dati nga (show a hand gesture of a heart) ang laki laki, sumunod ganyan na (show a smaller hand gesture for a heart) ngayon ganyan na (show a K-POP gesture for a heart) ano man ang size niyan puso pa rin.
Pero madali yung gumawa ng ganyang (show the hand gestures of a heart again) pero si Hesus hindi lang naggaganyan-ganyan, may kalaliman na dapat nating maarok sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Sa Ebanghelyo nakita po natin na sinibat sa tagiliran si Hesus bagamat siya’y patay na, pinatay hindi lamang nung pinako siya sa Krus, kung titingnan po natin ang buhay ni Hesus parang unti-unti siyang pinapatay. Hindi siya nauwaan ng kanyang pamilya sabi nga nila “nasisiraan na yata ng bait Hesus”, binatikos siya ng mga Pareseyo, mga eskriba, ng mga matatalino na leaders nung panahon na yun hindi nila siya maunawaan ang tingin nila sa kanya sumusuway lang sa batas, ang tingin nila sa kanya hindi banal na tao na sinugo ng Diyos kasi naman ang mga kaibigan niya mga hindi rin ginagalang ng lipunan, mga mangingisda tulad ni Pedro, ni Andres, ni Juan, si Santiago kaibigan pa niya, yung mga ginawang disipulo ang isang kinaiinisan noong panahon na yun si San Matteo kasi taga-kuha ng buwis, nakikain pa siya sa bahay ni Sateo isa ring kinamumuhian ng panahon na yun.
Lahat yan parang unati-unting sinisibat ang puso ni Hesus, hindi siya matanggap mula ng kanyang pamilya, ang kanyang bayan at ang mga leaders at ito na ang pinakahuli na pagsibat sa kanya.
Pero salamat sa pagsibat na yun nakita natin ang laman ng puso at kalooban ni Hesus. Dumaloy mula sa sugat ang tubig at dugo, simbolo ng ating bagong buhay. Tubig – binyag, dugo – Eukaristiya. Ang sinibat at pinatay hindi sapat ang dugo ang taglay ng kanyang puso sa halip pag-aalay para sa ating kabutihan.
Siya na sinaktan, siya pa ang nagmamahal. Ang puso na unti-unting sinusugatan, hindi nagpatalo sa sama ng loob, sa galit, paghihimutok ang puso ni Hesus laging handa na magmahal, magpatawad.
Yung nakasakit sa kanya ang tugon niya hindi pananakit ang tugon niya tubig at dugo pag-aalay pa rin ng kanyang buhay para tayo ay magbagong buhay.
Tayo kaya po kapag binuksan ang puso natin ano kaya ang makikita? Sigurado ako makikita sa ibang puso ang mga taba at kolesterol na namuo na at bumabara sa pagtibok ng puso (tulad ng) lechon naku fiesta pa naman.
Baka ang iba sa atin kapag binuksan ang puso makikita ang daming galit, ang daming pag-iisip ng paghihiganti, sasabihin natin kasi nasaktan naman ako, oo nga pero kapag tiningnan natin ang puso ni Hesus siya na laging sinasaktan hindi nagpadala sa paghihiganti at paggawa ng hindi mabuti sa mga nakasakit sa kanya, ang puso niya laging dumadaloy ang pag-ibig.
Kay Hesus naisakatuparan ang unang pagbasa mula sa Propeta Osea, itong binasa mula kay Propeta Osea ay para bagang pangungusap ng isang magulang lalo na ng isang ina, bata pa ang Israel minahal mo na siya bilang tunay mong anak, pinalaya mo siya mula sa Ehipto, tinuruan mong maglakad, kinalong mo.
Ang Diyos parang magulang, parang ina subalit noong lumaki na ang Israel kinalimutan na ang Diyos, galit na galit ang Diyos sabi niya “sisirain kita Israel” pero pagkasabi niyan bigla nalang ang Diyos sabi “papaano kita pababayaan hindi ako tao, ako ay Diyos at hindi ko hangad na sirain kayo, hindi ko hangad upang kayo ay wasakin” kahit na nasasaktan ang puso ng Diyos ang tugon pa rin niya “isasalba ko kayo”.
Ganyan sa lumang tipan, ganyan din ang ginawa ni Hesus kaya tayo naligtas pag-ibig na mas malakas pa kaysa sa mga sakit at sugat natin. Pag-ibig na mas malalim kaysa sag alit, pagkamuhi at paghihiganti.
Puwede bang malaman sino dito ang mga nanay? (asking the mass goers) ang dami, wala namang dalaga dito? Buti nalang maraming nanay, diba mga nanay sabi nga nila hindi magandang pakinggan yung expression “a face that only a mother could love” parang yang mukha mo pipintasan yan ng iba pero para sa nanay maganda yang mukha mo dahil hindi napuputol ang ugnayan ng ina sa anak kahit pa may ginawang hindi mabuti yung anak iwawasto. “Hindi dapat yun ang ginawa mo” pero sa puso niya “anak ko pa rin yan”.
Mamamayani ang pag-ibig kaysa sa sakit, yan yung pinakita sa unang pagbasa at yan ang ipinamalas sa atin ni Hesus. Ang ipinalangin ni San Pedro sa ikalawang pagbasa, sana tanggapin natin sa ating puso si Hesus upang tulad ni Hesus tayo rin magpalaganap ng uri ng pag-ibig na kailangang kailangan ng mundo ngayon.
Sa ating panahon parang tanggap na natural na yung maggantihan at nagiging marahas ang paghihiganti. Yung mga bata gantihan lang naman nila (gesturing like a kid) tapos gaganti yung isa (gesturing like a kid again) saan kaya natututo ang mga bata ng gantihan? Baka sa mga magulang? Kapag galit sa isa’t isa, wala hindi magluluto si misis, si mister naman lalong iinisin si misis, wala na gantihan na ng gantihan.
Sana raw si Hesus tanggapin sa ating puso upang ang kanyang uri ng pag-ibig ay maipalaganap natin. Hindi gusto ng Diyos na wasakin ang sinuman kahit ikaw ay nagkamali, mamahalin ka upang sa pagmamahal na yan ikaw ay magkaroon ng bagong buhay, hindi yung nagkamali ka “wawasakin kita” sa halip na to save ang mangyayari to destroy, hindi yan ang puso ni Hesus at hindi yan sana ang puso natin.
Mga kapatid hindi natin kaya yan, makakita lang tayo ng nakasakit sa atin gusto natin tirisin, patirin, ingudngod “ipadadama ko sayo ang sakit na ipinadama mo sa akin” kung ganyan ang prinsipyo ng Diyos at ni Hesus wala sa atin na maaring mailigtas, salamat na lang ang Diyos natin may ganyang puso “hindi ako magwawasak, hindi ako maghihiganti kahit ako ay saktan at igupo” Salvation buhay para sa atin.
Sana po pag-uwi natin ituloy natin hindi lamang sa pagninilay kundi maging sa paggawa ang espirituwalidad ng Banal na Puso ni Hesus. Kapag uwi po ninyo kung meron kayong kasamaan ng loob magdesisyon kayo ngayon alang-alang sa Banal na Puso ni Hesus makikipagkasundo kayo.
Yung may utang sa inyo na hanggang ngayon hindi nakakabayad puntahan ninyo at kapag nagtago sabihin niyo “huwag, hindi ako maniningil kaya ako nandito ay para sabihin sa iyo na hirap na hirap ako sa hindi mo pagbabayad pero mahal kita” bukas mababayaran ka na niya, lalo mong galitin lalong hindi yan magbabayad pero kapag tinunaw mo ang puso niya sa iyong pag-ibig ay bayad, at kung hindi kayang magbayad ikaw naman sasabihin mo “dinadasal ko na yan, patawarin mo ako sa aking mga utang tulad ng pagpapatawad ko sa nagkakautang sa akin” magpatawad ka muna sa nagkautang sa iyo at ang mga utang natin sa Diyos mapapatawad.
Habang nasa misa pa tayo mangutang na kayo sa katabi niyo at kapag siningil kayo (sabihin niyo) “hindi ba at sinabi yan kanina bakit hindi mo isinasabuhay?” o baka naman mamaya magsamantala tayo, utang dito utang diyan, hindi na rin yun bahagi ng puso ni Hesus.
Merong mga tao na ating pinag-iisipan ng hindi mabuti, papayanigin ang pag-ibig ni Hesus.
Tayo po ay tumahimik sandali at katulad ng lagi nating sinasambit sa dasal sa Sacred Heart, sana ang puso natin ay maayon sa puso ni Hesus.