281 total views
4th Sunday of Ordinary time Cycle C
Jer 1:4-5.17-19 1 Cor 12:31-13:13 Lk 4:21-30
Maraming mga issues na naging dahilan sa hindi pagkakasundo sa simbahan sa Corinto noong nawala si San Pablo sa kanila. Isa na rito ay pinagtatalunan, pinaghahambing-hambing nila at pinagkakainggitan ang iba’t-ibang kakayahan at tungkulin ng mga miembro ng simbahan. Hindi ba nangyayari din ito sa atin ngayon? Ang posisyon, ang kagalingan at kakayahan ng mga tao ay pinag-aawayan. Kitang kita iyan sa politika. Ano ba ang kanyang kwalipikasyon? Ano ba ang kanyang kakayahan? Nararapat lamang na ihambing,
sila kasi pipili tayo kung sino ang nararapat na mamuno sa atin. Sa election sila ang mga job applicants sa bayan. Ang taong bayan ang uupa sa kanila upang magserve sa atin. Tayo ang magpapasuweldo sa kanila kaya nararapat na kilatisin natin sila. Pero hindi tayo dapat mag-away-away dahil sa kanila. Hindi mahalaga na ang manok natin ang mananalo. Ang mahalaga ay ang nararapat na tao ang mapagkakatiwalaan natin ng posisyon. Ang masama ay pinag-aaway-away tayo ng mga politiko kasi hawak nila tayo at nag-aaway-away nga naman tayo! So they say that politics is divisive. Politics need not be divisive if we do not allow ourselves to be divided.
Balik tayo sa mga Corinto at kay San Pablo. Sumulat si San Pablo na hindi natin pagtatalunan ang mga posisyon at kakayahan sa simbahan kasi lahat ng iyan ay galing sa Espiritu Santo. Iba iba ang kakayahan kasi iba’t-iba ang biyaya. Ang simbahan ay tulad ng isang katawan na may iba’t-ibang bahagi pero ang lahat ay kailangan at nagtutulungan. Sa simbahan ay mayroon ding iba’t-ibang biyaya. Iisang Espiritu lang ang pinanggalingan ng mga iyan at ang mga iyan ay naglilingkod sa iisang Panginoon lamang.
Ngayon, kung gusto ninyong humingi sa Diyos ng kanyang biyaya, hingin na ninyo ang pinakamahalaga, na walang iba kundi ang biyayang umibig. Humingi na ba tayo sa Diyos na matuto tayong magmahal nang tunay? Ang biyaya ng pagsasalita ng iba’t-ibang lenguaje ay nakakatawag ng pansin at hinahangaan. Pero kung walang pag-ibig, kahit na nakakasalita tayo ng maraming lenguaje hindi pa rin tayo magkakaintindihan. Tulad lang tayo ng mga batingaw na umaalingawngaw. Sa UN ang mga diplomats doon ay nakakasalita ng 3 o 4 na languages pero hindi sila nagkakaintindihan. Wala naman kasing pag-ibig. Kahit na may spiritual gifts pa tayo tulad ng kaalaman o pananampalataya, kahit na malakas ang ating pananampalataya na masasabihan natin ang bundok na lumipat at susunod sa atin, pero kung walang pag-ibig wala namang kabuluhan ang spiritual gifts na iyan. Kahit na tayo ay mapagbigay na ibibigay natin ang lahat sa mahihirap at pati na ang ating buhay sa iba, pero kung wala namang pag-ibig, walang kabutihan na maidudulot iyan sa atin. Nakakaranas tayo ng mga taong masipag at matulungin, pero sa pagtulong nila sa iba nasisigawan na ang iba at mayabang pang magsalita. Tumutulong nga pero walang pag-ibig.
Ano ba ang pag-ibig na tinutukoy ni San Pablo na hangarin natin? Ito ay hindi pag-ibig na sentimental o emotional na paiyak-iyak pa o patibok-tibok pa ang puso. Ito ay pag-ibig na praktikal. Ang taong tunay na umiibig ay matiyaga at maganda ang loob. Hindi siya mapagmataas, hindi magaspang ang ugali, hindi magalitin, hindi makasarili, at hindi mapagtanim ng galit. Hindi siya natutuwa sa masama at hindi natatakot sa katotohanan. Ang tunay na pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala at matiyaga hanggang sa wakas.
Praktikal ang mga katangian ng pag-ibig. Ito ang tunay na pag-ibig. Ito ang hangarin natin at ipagdasal natin. Ito ay mananatili hanggang sa wakas. Ang kaalaman ay maglalaho – magiging ulyanin din tayo. Ang mga lenguaje na alam natin ay makakalimutan din. Oo, mananatili ang pananampalataya at pag-asa, pero pagdating natin sa langit mawawala na rin ang mga ito. Hindi na tayo mananampalataya sa langit kasi nakikita na natin ang Diyos. Hindi na tayo aasa sa Diyos kasi nasa piling na natin siya. Ano ang gagawin natin sa langit – makiisa sa pag-ibig ng Diyos. We will love for eternity. So it is only love that will last. Simulan na natin ngayon na magmahal, gustuhin na nating magmahal. Kaya ang biyaya ng pag-ibig ang hingin natin sa Diyos. Let us pray: Lord, teach me how to love.
Sa ating gospel ngayong araw gustong ipaabot ni Jesus sa kanyang mga kababayan na ang tunay na pag-ibig ay hindi makasarili. Natuwa ang mga taga-Nazareth na bumalik si Jesus sa kanila. Hanga sila sa kanyang pangaral. Inaasahan nila na dahil si Jesus ay lumaki sa kanila at kilala nila siya at kilala naman niya sila, mabibiyayaan sila ng mga himala na ginawa niya sa ibang lugar: “Gawin mo naman sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.” Pero pinaliwanag ni Jesus sa kanila na iba ang pagkilos ng Diyos. Binigay niyang halimbawa ang dalawang pangyayari sa Lumang Tipan. Alam ni Jesus ang Bible kaya ngayong National Bible Sunday pahalagahan natin ang kaalaman sa Bible. Noong panahon ni Propeta Elias ang tinulungan ay ang balo sa Sarepta, isang dayuhan at hindi isang balo sa Israel. Noong panahon ni propeta Eliseo ang napagaling sa ketong ay si Naaman, isang general na taga Siria, at hindi isang ketongin sa Israel. Kumikilos ang Diyos hindi lang sa sariling lugar. Nagalit ang mga taga- Nazareth. “Wala pala kaming mapapakinabangan sa iyo! Umalis ka na!” Muntik pa nilang ibulid siya sa bangin. How selfish people can be! Itinataboy natin ang wala tayong makukuha sa kanila.
Balik uli tayo sa politika dito sa atin. Kapag tinanong natin, bakit iboboto mo si ganitong kandito? May madalas tayong naririnig, “kasi nakatulong siya sa amin.” Oo nakatulong siya sa inyo pero siya ay mamumuno hindi lang sa inyo kundi sa buong bansa o sa buong probinsiya. Tingnan natin ang magagawa niya for the common good, hindi lang para sa inyo. “Iboboto namin siya kasi taga-amin siya, galing siya sa region namin o sa probinsiya namin.” Ang tingnan natin ay ang ikabubuti ng lahat hindi lang ng inyong region.
Minsan sinabi ni Jesus: “Kung ang mamahalin lamang ninyo ay ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala na maaasahan ninyo? Hindi ba ginagawa din iyan ng masasamang tao? Kung ang babatiin ninyo ay ang bumabati lang sa inyo, ano ang ginawa ninyo ng higit sa iba? Hindi ba ginagawa din iyan kahit ng mga pagano? Huwag kayo maging mapili kung sino ang mamahalin ninyo; tularan ninyo ang inyong Amang nasa langit na nagpapaulan at nagbibigay ng sinag ng araw sa lahat, masasama man o mabubuti.” Hindi sana mapili ang ating pagmamahal. Kung may pipiliin man, mas unahin natin iyong mga hindi kaibig-ibig, iyong mga hindi pinapansin, iyong mga nasa laylayan ng lipunan. Mas sila ang papahalagahan kasi sila ang naiiwanan.
Hingin natin sa Diyos na bigyan tayo ng tunay na pag-ibig kasi ito ang katangian na mas mahalaga kaysa ibang biyaya at hindi madali ang tunay na pag-ibig. Lord, teach me how to love.