418 total views
Solemnity of the Epiphany of the Lord
Pro Nigritis (African Mission)
Is 60:1-6 Eph 3:2-3.5-6 Mt 2:1-12
Isang katangi-tanging tanda ng pasko ay ang parol, lalo na ang parol na may liwanag. Ito ang decoration na inilalagay natin para sa pasko. Bakit parol? Bakit parol na maliwanag? Ang kapistahan natin ngayon ang sasagot sa mga tanong na iyan.
Ngayon ay ang kapistahan ng Epipania, o kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon. Ito ang traditional na Feast of the Three Kings. Mas angkop ang ginagamit nating kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon kasi ito ang dahilan ng kapistahang ito. Nagpakita ang Panginoon sa mga pantas na galing sa Silangan. Hindi sila mga Hudyo pero sila ay naghahanap ng Hari ng mga Hudyo at ginamit nila ang kanilang kaalaman, ang kanilang expertise, sa kanilang paghahanap. Mag-aaral sila ng mga bituin at sa kanilang pagmamasid sa mga bituin nakita nila ang isang katangi-tanging bituin na sa kanilang pagsasaliksik ay nagpapahiwatig ng pagdating ng isang dakilang tao na magdadala ng malaking pagbabago sa sangkatauhan. Kinilala nila na ang taong ito ay isang hari – kaya niregaluhan nila siya ng ginto noong matagpuan siya, na ang batang ito ay Diyos na dapat sambahin, kaya nagbigay sila sa kanya ng kamanyang, pero siya ay magdurusa, kaya binigyan siya ng mira na ginagamit noon sa mga may sugat.
Sa atin ngayon, ang maliwanag na parol ay sagisag ng bituin na nagdala sa mga pantas sa sanggol. Kahit na galing sila sa malalayong lugar at medyo matagal-tagal ang kanilang paghahanap – mga dalawang taon – natagpuan nila ang bata kasi ang Diyos ay hindi naman nagtatago sa atin. Ginagamit niya ang ating kakayahan at kaalaman upang makatagpo siya. Nagpapakilala siya sa mga taong naghahanap sa kanya. Ito ay nangyari din kay Simeon at kay Anna sa templo. Sila ay dalawang matatanda na nag-aantay sa pagdating ng ipinangako ng Diyos. Hindi sila binigo. Natagpuan nila ang bata na dala-dala ni Jose at ni Maria pagpunta nila sa templo sa Jerusalem.
Sa pagtatagpo ng mga pantas sa bata natupad ang pangako sa pamamagitan ni propeta Isaias na ating narinig sa unang pagbasa. Ang mga nababalot sa dilim ay nakatagpo ng liwanag. Gagabayan ang mga tao na galing sa malalayong lugar ng liwanag na ito at mag-aalay sila ng kanilang mga regalo na nakalulan sa kanilang kamelyo.
Ang mga pantas na galing sa Silangan ay kumakatawan sa mga dayuhan na hindi mga Hudyo pero matatagpuan nila ang pangako sa mga Hudyo. Matatagpuan si Jesus ng lahat, kahit na ng mga dayuhan, sapagkat siya ay dumating para sa lahat. Oo, si Jesus ay isang Hudyo pero hindi lang siya para sa mga Hudyo. May isang lihim na ipinagkatiwala kay San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Ito ang himala: ang mga pangako ng Diyos na kaligtasan na ibinigay kay Abraham at pinahayag ng mga propeta ay hindi lang para sa mga Hudyo. Ito ay para sa lahat. Si Jesus, ang Liwanag ng mundo, ay para sa lahat. Ang liwanag ay nakikita ng lahat – ng lahat na tumitingin sa liwanag at handa itong tanggapin.
Pero kahit na may ilaw na, ang mga ayaw tumingin doon ay hindi maliliwanagan. Ganyan ang nangyari kay Herodes at sa mga Hudyo sa Jerusalem. Ang Bethlehem ay hindi malayo sa Jerusalem, mga sampung kilometro lamang. Alam ng mga Hudyo kung saan ipanganganak ang sanggol na siyang hari ng mga Hudyo. Nakalagay ito sa Banal na Kasulatan. Kaya noong tinanong ni Herodes ang mga mag-aaral ng Kasulatan ang sabi nila ay sa Bethlehem kasi nakalagay sa Bibliya: “Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda; sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.” Alam nila kung saan, at hind naman malayo sa kanila pero hindi natagpuan ng mga tao sa Jerusalem ang sanggol kasi hindi naman sila interesado na hanapin siya. Hindi sila gumalaw upang hanapin siya. Nakakalungkot. Dumating si Jesus sa kanyang bayan at hindi siya nakilala ng kanyang mga kababayan.
Ang kapistahan ngayon ay nagpapahiwatig sa atin na si Jesus ay dumating para sa lahat. Gumagamit ang Diyos ng iba’t-ibang paraan upang matagpuan siya, maging iyan ay tala o Banal na Kasulatan. Pero ang makakatagpo sa kanya ay iyong handang magtaya na kumilos upang hanapin siya. Dapat sila umalis sa kanilang comfort zone at umalis upang tagpuin siya. Lumalapit ang Diyos sa atin pero kailangan din tayong kumilos upang makita siya. Tagpuin po natin si Jesus na dumadating para sa atin.
Ngayong Linggo, inaalaala natin ang simbahan sa Africa. Masigla ang mga Kristiyano doon at mabilis ang paglago ng simbahan. Marami ang mga nagiging Kristiyano sa Africa at marami din ang mga nagpapari at nagmamadre. Pero maraming mga problema ang nararanasan ng mga tao doon, kasama na ang mabigat na kahirapan na dala din ng mga digmaan doon at pagkakamkam sa mga likas yaman ng kanilang mga lupain. Sa ilang bahagi ng Africa madalas ang pagki-kidnap at pagpapatay ng mga pari at mga seminarista. Sinusunog din ang mga simbahan nila. Magkakaroon tayo ng second collection upang tulungan ang mga simbahan sa Africa.