31,286 total views
Homily July 14, 2024
15th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Amos 7:12-15 Eph 1:3-14 Mk 6:7-13
Ang Diyos ay palaging nagpapadala. Noon, nagpapadala siya ng mga propeta. Pinadala niya ang kanyang Anak. Pinadala niya ang kanyang mga alagad kaya sila ay tinawag na mga apostol, na ang kahulugan ay ang mga pinadala. Pinadala niya ang Espiritu Santo. At pinapadala din niya tayo noong tayo ay binyagan.
Bakit siya nagpapadala? Kasi may magandang balita siyang ipinaaabot sa atin. Noon sa Lumang Tipan, ang magandang balita ay ang kanyang pagtitipan sa kanyang bayan. Ang mga Israelita ay kanyang bayan at siya ang kanilang Diyos. Maging masunurin sila sa kanya at hindi niya sila pababayaan. Ngayon sa Bagong Tipan ang pagtitipan na ito ay para na sa lahat ng tao na nananalig sa kanyang pag-ibig. Hindi na lang ito para sa isang lahi kundi para sa lahat na may pananampalataya sa kanyang anak. Si Jesukristo ay ang pahayag ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Sa pamamagitan niya maaari tayong makiisa sa Diyos at maging banal. Dito tayo tinatawag mula pa noong likhain tayo upang maging banal at walang kasalanan. Iyan ang layunin ng ating buhay. Kaya nga siya namatay upang mapawi ang anumang pagkakasala natin. Wala ng hawak ang kasalanan sa atin. Dahil kay Jesus at alang-alang sa kanya, pag-iisahin ng Diyos ang lahat sa langit at sa lupa.
Hindi lang nga tayo may kasunduan sa Diyos. Inampon pa niya tayo na maging kanyang mga anak dahil sa pagmamahal niya sa atin. Hindi ba Magandang Balita ito? Ito ang mensahe ng Diyos kaya palagi siyang nagpapadala ng mga tao hanggang ngayon.
Ganoon kahalaga ng kanyang mensahe na ayaw niya na ito ay maantala ng anumang abalahin. Kaya nga sinabi niya sa mga apostol na huwag sila magdala ng anuman. Huwag alalahanin kung may pera ba sila, kung may pagkain ba, kung may maisusuot ba. God will provide for the mission. Hindi naman pababayaan ng Diyos ay kanyang pinapadala. Huwag din dapat sila mapigilan ng pagtanggap o ng hindi pagtanggap ng mga tao. Tumuloy sila sa anumang bahay na magpatuloy sa kanila. Kung hindi sila tanggapin sa isang bahay o sa isang lugar, tumuloy sila sa susunod.
At naranasan nga ng mga apostol ang success ng kanilang pagmimisyon. Maraming mga demonyo ang kanilang napalalayas. Napagaling nila ang maraming may sakit. Ipinangaral nila ang pagsisisi upang matanggap ang Magandang Balita, at marami ang naniwala. Talagang hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang pinapadala.
Pero hindi lahat ay handang tumanggap sa mga pinapadala ng Diyos. Sa unang pagbasa narinig natin ang hindi pagtanggap kay propeta Amos ng punong pari na si Amasias. Punong pari pa naman siya ngunit hindi niya tinanggap ang mensahero ng Diyos! Si Amos ay nananawagan sa mga tao sa harap ng dambana ng Diyos sa Betel. Isinumbong siya sa hari at pinapaalis doon kasi ayaw pakinggan ng pari at ng hari ang mensahe niya na magbalik loob. Sabi ni Amasias kay Amos na umalis na siya. Hindi naman siya taga-Samaria. Siya ay taga-Juda. Doon na siya magpahayag sa bayan niya. Sumunod ba si Propeta Amos? Nanahimik ba siya? Hindi! Kasi siya ay pinadala ng Diyos. Hindi naman siyang kusang gumagawa ng gawain ng propeta. May trabaho siya doon sa kanila. Tagapag-alaga siya ng puno ng igos at pastol siya ng kawan pero tinawag siya ng Diyos at pinadala sa Samaria upang maging propeta doon. Tapat si Amos sa nagpadala sa kanya. Kahit na hindi siya tinanggap, hindi siya tumigil.
Tayo ba ay tapat din sa Diyos na nagpapadala sa atin? Tayong nakatanggap ng kaligtasan ay pinapadala din upang ibahagi ang ating pagkakilala sa Diyos sa iba. Kung talagang mabuting balita ang ating tinanggap, hindi dapat itong manatili na atin lang. Ang bawat bininyagan ay hindi lang nakatanggap ng kaligtasan. Ibahagi din natin ang kaligtasang ito sa iba at magtulungan tayong isabuhay ang kaligtasang natanggap natin.
Alam po natin na marami pang tao ang hindi nagpapahalaga sa kanilang pananampalataya. Nabinyagan nga sila pero hindi nila ito napapahalagahan at naisasabuhay. Tayong biniyayaan na makilala si Kristo ay may tungkulin na ilapit ang iba sa kanya. Sa ating pagsasagawa ng misyong ito mas gaganda ang ating buhay mismo. Hindi ba mas magiging maganda ang ating pamilya at maging ang ating sambayanan sambayanan kung ang mga tao ay sumusunod sa batas ng Diyos? Kaya mayroong gulo sa atin dahil nandiyan iyong galit, iyong mga bisyo, iyong pagsasamantala sa iba, iyong pagsisinungaling, iyong paninirang puri – ang mga ito na labag sa kalooban ng Diyos at nagbibigay ng kaguluhan sa ating pamilya at komunidad. Kaya kailangan na palawakin ang pagkakilala kay Kristo upang mas maging mapayapa at kaaya-aya ang ating kalagayan.