398 total views
14th Sunday Year C
Is 66:10-14 Gal 6:14-18 Lk 10:1-12.17-20
May magulang ba na gusto niya na ang mga anak ay malungkot? Wala! May nagmamahal ba ang natutuwa na ang mahal niya ay malungkot? Wala! Lalo na ang Diyos! Ayaw niya na tayo na kanyang mga nilalang, na mga minamahal niyang anak, ay malungkot. Ang Diyos ang pinanggalingan ng kabutihan at kasiyahan, at gusto niya na makibahagi tayo rito. Kaya narinig natin sa ating unang pagbasa ang panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Magalak ang lahat… kayo’y makigalak at makipagsaya.” Ganoon din ang narinig natin sa salmong tungunan: “Sumigaw sa galak ang mga nilalang! At purihin ang Diyos na may kagalakan!”
Totoo, ang krus ay bahagi ng ating pagkakristiyano. Pero hindi totoo na ang krus ay tanda ng kalungkutan. Oo, may kahirapan na dinadala ang krus, ngunit nagkakaroon tayo ng galak dahil sa krus ni Jesus. Binuhat ni Jesus ang krus at namatay siya sa krus upang tayo ay mapalaya sa kasamaan. Siya na ang nanagot sa kasalanan natin. Kaya kapag tinitingnan natin si Jesus na nasa krus, masaya tayo at nagpapasalamat sa kabutihan niya sa atin. Pero hindi lang tayo nakinabang sa krus si Jesus. Nakikibahagi din tayo sa pagbuhat ng krus niya. Pero hindi dahil sa may krus sa buhay natin tayo ay maging malungkot. Si Pablo sa ating pagbasa ay nagpahayag: “Ang krus lamang ng ating Panginoong Hesukristo ang siya kong ipinagmamapuri.” Dahil sa krus na ito natalo na ang kasamaan at dumating na sa atin ang pagpapala ng Diyos. Ang iba, para maging masaya, tinatanggihan at iniiwasan ang kanilang responsibilidad. Hindi! Sa pagtutupad ng ating responsibilidad, at iyan ang krus natin sa buhay, doon natin makakamtan ang kagalakan na galing sa Panginoon. Nararamdaman ito ng mga estudiante na nagtapos ngayong taon. Ginawa nila ang dapat nilang gawin kaya masaya sila ngayon sa graduation!
Magalak tayo kasi tayo ay tagapagtanggap ng magandang balita. Ang magandang balita ay: Nalalapit na, hindi lang, nandito na nga ang paghahari ng Diyos! Ang ibig sabihin nito, na nandito na ang Diyos. Kumikilos na siya sa ating piling. Hindi na siya malayo sa atin. Hindi ba magandang balita ito? Kaya natutuwa ang tumatanggap ng ganitong balita. Hindi na tayo nag-iisa. Ano man ang nangyayari sa atin, hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Nandiyan ang kanyang pagpapala sa atin, kaya ALL THINGS WILL BE WELL. ALL THINGS WILL BE WELL. Ito ang sinabi ng isang English mystic na si Julian of Norwich.
Ang magandang balita ay, hindi lang ang tagatanggap ng magandang balita ang magiging masaya. Pati na ang tagapagdala ng magandang balita ay magiging masaya, at mas masaya pa nga sila kaysa mga tumanggap nito. Napakinggan natin sa ating ebanghelyo ang pagpapadala ni Jesus sa pitumpu’t dalawa. Hindi lang ang labing dalawang apostol ang pinadala ni Jesus. Mas marami pang iba ang pinapadala niya na makibahagi sa kanyang misyon. Ang bilang na pitumpu’t dalawa ay ang bilang ng lahat ng mga bansa na kilala noon. Kaya ang bilang ng pitumpu’t dalawa ay bilang na sumasagisag ng lahat. Ang lahat ay pinapadala at sila ay pinapadala sa lahat ng tao. Pareho ang instruction ni Jesus sa kanyang pinapadala – sa labing dalawa man o sa pitumpu’t dalawa. Humayo sila nang dala-dalawa, huwag silang magdala ng anumang baon, huwag silang titigil sa kanilang paglalakbay para lang makipag-tsikahan, tumira sila sa bahay na nagpapatuloy sa kanila, kainin at inumin nila ang anumang ihahain sa kanila; mangaral sila, magpalayas ng demonyo, at magpagaling ng maysakit. Huwag silang mamilit sa mga hindi tumatanggap sa kanila. Bigyan lang sila ng babala na sa pagtanggi nila ng mabuting balita mapapahamak sila sa Araw ng Paghuhukom. Lahat po tayo ay pinapadala, hindi lang ang mga pari o mga madre. Lahat ng binyagan ay misyonero. Makibahagi tayo sa pagpapalaganap ng magandang balita. Ikuwento na si Jesus at ang mga narinig natin tungkol sa kanya sa mga kasama natin.
At ano ang resulta ng pagmimisyon? Tuwang-tuwa ang mga pinadala ni Jesus. Matagumpay sila! Pati ang mga demonyo ay sumusunod sa utos nila sa pangalan ng Panginoon. Inaffirm sila ni Jesus. Nahulog si Satanas mula sa langit. Walang laban si Satanas sa mga nagdadala ng pangalan ni Jesus. Pero sinabi ni Jesus sa pitumpu’t dalawa na huwag sila gaanong matuwa na matagumpay sila sa kanilang misyon. Mas matuwa sila na nakatala sa langit ang pangalan nila. Ang basehan ng ating kagalakan ay hindi gaano ang ating tagumpay kundi ang gantimpala na nag-aantay sa atin dahil sa tapat tayo sa ating misyon. Sinabi ni Santa Teresa ng Calcutta: We are called not to be successful but to be faithful. Iba ang Diyos kaysa pamantayan ng mundo. Sa business, matagumpay ka kasi tumaas ang benta mo. Sinusukat ang tao sa kanyang dinadala sa kumpanya. Ang panukat ng Diyos ay hindi ang ating tagumpay kundi ang ating katapatan. Kapag tayo ay tapat sa ating tungkulin at sa ating misyon, iyan ay ang basehan ng ating kasiyahan kasi diyan tayo ginagantimpalaan ng Diyos.
Kaya mga kapatid, huwag tayo mag-alangan na maglingkod sa Diyos at magtrabaho para sa kanyang kaharian. Hindi tayo lugi dahil sa tayo ay nagpapagal. Isang malaking pribilehiyo na tayo ay pinagkatiwalaan ng Diyos na ipagpatuloy ang kanyang misyon. Misyon ng Diyos ang ating linalahukan. Mas magiging masaya tayo dahil sa ating pagmimisyon. Huwag natin tingnan ito bilang pabigat sa buhay. Ang pagmimisyon natin at ang ating paggagawa ng gawain ng Diyos ang bukal ng tunay na kagalakan natin. Ang kagalakang ito ay hindi lang natin matatamo sa langit. Dito pa lang sa lupa mapapasaatin na ang kaligayahan ng Diyos. Kaya sa totoo lang, walang santo na malungkot. Kung tayo ay kasama ng Diyos, kung ginagawa natin ang gawain ng Diyos, bakit tayo malulungkot? Ang Diyos ang bukal ng lahat ng kabutihan at ng tunay na kagalakan.
Si San Juan Bosco ay nagmamalasakit sa mga kabataan na mahihirap. Palagi siyang kapiling nila at nakikilaro pa siya sa kanila. Sa kanyang obserbasyon, kapag ang isang bata ay malungkot, may dalawa lamang na dahilan. Baka siya ay may sakit o baka siya ay nasa kasalanan. Totoo, ang kasalanan lamang ang dahilan ng kalungkutan ng tao. Kung malayo siya sa Diyos, hindi siya masaya.
Kaya pakinggan natin ang panawagan ng Diyos. Magsaya kayong lagi. Ang Diyos ay sumasainyo. Tagapagdala tayo ng magandang balita hindi lang dahil sa ang ating sinasabi ay mabuting balita kundi dahil din sa kasiyahan at sigla ng ating buhay. Our message is joy – the joy of good news!