266 total views
18th Sunday Week 18 Year C
Ecl 1:2; 2:21 23 Col 3:1-5.9-11 Lk 12:13-21
Dalawang kataga ang nilalaman ng mensahe sa atin ng Diyos sa Linggong ito: Unang kataga: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At ang pangalawang kataga: “Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Si Jesus ay isang taong mapagbigay. Pinagbibigyan niya ang mga may kahilingan sa kanya. Sinabi ng tatay na ang kanyang anak ay malapit nang mamatay; sumama si Jesus sa kanya. Noong sumigaw si Bartimeus na siya ay kaawaan, tumigil si Jesus at binigay sa kanya ang kanyang paningin. Noong dinala ng apat na lalaki ang paralitiko, pinatawad niya ang kasalanan nito at pinatayo siya. Maraming pang mga milagro si Jesus na ginawa para makatulong sa mga tao. Pero noong hiniling ng isang lalaki na pagsabihan lang ang kanyang kapatid na ibigay sa kanya ang bahagi ng kanyang mana, hindi siya pinagbigyan ni Jesus, at parang pinaringgan pa na hindi naman siya ang tagapaghati ng mana nila. At ang warning niya ay mag-ingat sa lahat ng uri ng kasakiman. Hindi pinagbigyan ni Jesus ang kahilingang ito kasi nakita niya na ang ugat ng ganitong problema ng magkapatid sa pinag-aawayang mamanahin ay ang kasakiman. Napakalalim ng ugat ng kasakiman na pati ang pagsasamahan ng magkakapatid ay sinisira nito. Sinisira din ng kasakiman ang samahan ng mag-asawa, ng magbest friends at pati na ng mga tao sa simbahan, kasama na ng mga pari.
At bakit nagiging sakim ang mga tao? Dahil sa paniwalang ang kayamanan ang magbibigay sa kanila ng security at ng kasiyahan, na magiging maayos ang buhay nila kung may malaking kayamanan sila. Kaya nagbigay si Jesus ng talinhaga tungkol sa isang taong yumaman dahil sa may sagana siyang ani. Noong panahon, ang kayamanan ay hindi sinusukat sa pera kasi wala naman silang mga bangko. Wala naman silang mga stocks. Hindi nga tinitingnan ang laki ng lupain. Ang kayamanan ay sinusukat sa dami ng kanilang mga hayop o sa laki ng kanilang kamalig. Kaya noong dumami ang kanyang ani, ang naisip ng mayaman ay palakihin ang kanyang kamalig. Kapag may malaking kamalig sa siya, magiging ok na ang buhay at kinabukasan niya. Hindi man niya naiisip na magbahagi sa mahihirap o mag-alay sa Diyos. Pansarili ang iniisip niya. Mayaman siya para sa sarili. Pero mamamatay siya sa gabing iyon. Ano ang pakinabang niya sa kanyang kayamanan? Dahil sa dukha siya sa mata ng Diyos kasi wala siyang ibinahagi sa iba, sayang ang lahat.
Iyan ang sinabi ng Mangangaral sa ating unang pagbasa: Walang kabuluhan, parang bula lang ang ari-arian ng tao. Everything is vanity. Everything is like the wind, parang humahabol ng hangin na walang mapanghahawakan. Iyan ang kayamanan sa mundong ito. Hindi naman tayo mapapasaya ng kayamanan ng mundong ito.
Nakikita natin iyan ngayon sa digmaan sa Ukraine. Sa isang idlap lang nawala na ang mga yate, ang mga eroplano, ang mga businesses ng mga Russian at Ukrainian oligarchs. Nakumpiska ng sanctions ang kanilang kayamanan. Ganyan ang nangyari sa mga Marcoses at kanilang mga cronies noong Edsa revolution. Ang mga baul- baul na mga pera, mga jewelries at mga titulo nila ay biglang nawala. Ganyan din ang biglang yaman ng mga cronies ni Duterte. Ngayon hindi na nila kayang patakbuhin ang mga business ventures nila, business ventures na napasakanila kasi malapit sila kay Duterte. Ganyan din ang mangyayari sa mga kayamanan ng mga taipans at mayayaman ngayon. Hindi nila ito madadala sa hukay.
Si Alexander the Great ay talagang Great. Talagang Dakila siya. Hindi lang sa siya ay magaling na military leader na sa murang edad, at the age of 23, at sa mabilis na paraan, sa loob lamang ng sampung taon, na-conquer niya ang kilalang mundo noon. Ang Greek Empire ay isa sa pinakamalawak na empero sa buong mundo – mula sa Greece, hanggang sa Egypt, hanggang sa Persia at umabot pa sa kasalukuyang Afghanistan. Si Alexander ay dakila rin dahil malalim din ang kanyang kaalaman sa buhay. Namatay siya noong siya ay 33 years old, namatay na walang asawa at walang anak. Ang kanyang empire ay pinaghatian ng apat niyang generals. Noong mamamatay na siya, ang kanyang instruction sa mga generals niya ay ganito siya ililibing : Sa dadaan ng kanyang kabaong ay isasabog ang mga pera, mga ginto at mga mamahaling bato na kanyang nasamsam. Sa paglibing sa kanya ang kanyang kamay ay nakalaylay sa labas ng kabaong. At noong siya ay tinanong ng dahilan, sabi niya, upang ipaalam sa lahat na sa panahon ng kamatayan ang mga mahahalagang bato at pera ay aapakan lang. Wala iyan pakinabang sa iyo. Na sa bandang huli dadalhin tayo sa hukay na walang laman ang ating mga kamay. We will all be empty-handed.
Kaya ang mahalaga ay hindi na tayo ay mayaman sa mundo. Ang mahalaga ay tayo ay mayaman sa mata ng Diyos. At magiging mayaman tayo sa harap ng Diyos dahil sa mga ibinibigay natin sa mga nangangailangan. Anumang ibinigay natin sa iba ay sa totoo lang hindi nawala sa atin. Dineposito lang natin ito sa langit. Atin pa rin iyon, pero may halaga na na makalangit.
Sabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, yamang binuhay na tayo muli kasama ni Kristo, pagsikapan natin ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan niya. Kaya isaisip natin ang mga bagay na panlangit, at hindi ang mga bagay na panlupa sapagkat namatay na tayo sa mga concerns ng mundong ito. Ang buhay natin ay natatago na sa Diyos kasama ni Kristo. Doon tayo mag-impok ng kayamanan. Kaya nga itanim natin sa ating puso na ang panahon sa mundong ito ay maiksi lamang upang tayo ay dumunong. Hindi tayo tatagal dito. Iiwanan natin ang lahat dito sa mundo. Ang madadala lang natin ay ang inilagay na natin sa langit, ang mga ibinahagi natin. Iyan lang ang mapapakinabangan natin. Dito sa ating bikaryato may tawag tayo dito – ang balik-handog natin, ang panahon, talento at yaman na ibinibigay natin sa Diyos bilang pagkilala na tayo ay kanya at tayo ay mga abang katiwala lamang.
Alalahanin palagi natin ito: ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan natin sa mundong ito. Kaya iwasan natin na tayo ay maging mayaman para sa sarili lamang at dukha naman sa paningin ng Diyos. Sa langit natin ilagay ang ating kayamanan. Mamuhunan tayo para sa buhay na walang hanggan.
Simulan na natin mamuhunan para sa kaharian ng Diyos. Ngayong Linggo ay Fil-Mission Sunday. Inaalaala natin ang mga misyonerong Pilipino natin. After 500 years of Christianity tayo ay nagbabahagi na ng Magandang Balita sa iba. Suportahan natin ang mga Filipino Missionaries natin. Ipagdasal natin sila at magbigay tayo sa second collection para sa kanila. Kung dito sa Bikaryato ay hirap tayo sa mga material needs of simbahan, lalu na sa mga bansang hindi Katoliko. Mas hirap ang simbahan doon. Kaya makiisa tayo sa gawain ng mga misyonero natin.