440 total views
14th Sunday of Ordinary Time Cycle A
Zech 9:9-10 Rom 8:9.11-13 Mt 11:25-30
“Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos.” Nananahan na nga sa atin ang Espiritu ng Diyos. Ibinigay siya sa atin sa binyag kaya ang ating katawan ay naging Templo ng Espiritu Santo. Mas lalong pinalakas ang kapangyarihan ng Espiritu Santo noong tayo ay kinumpilan.
Pero ano ang ibig sabihin ng mamuhay ayon sa Espiritu ng Diyos at hindi ayon sa laman? Ano ba ang batayan ng ating pininiwala – ang kalakaran ng mundo o ang kalakaran ng Diyos? Kumikilos ba tayo ayon sa anong ginagawa ng mga tao o ayon sa ginawa at sinasabi ni Jesukristo? Ngayong Linggo may panawagan at sinasabi si Kristo na kakaiban sa ginagawa sa mundo.
Gusto natin na maging panatag ang buhay natin. Ayaw naman natin na mamuhay ng walang kasiguraduhan, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa atin bukas. Ano ba ang nagbibigay sa atin ng kapanatagan? Para sa marami sa mundo natin, nagiging panatag sila kung may hawak silang kaalaman. Kaya sila ay nag-aaral, sila nag re-research. Gusto nilang maging wise sa mga bagay ng mundo, maging iyan ay sa business, o sa politika o sa kanilang trabaho. Ang iba ay nagiging panatag kung sila ay may kapangyarihan. Masusunod ang gusto nila, kaya galit sila kapag may gumagawa ng ayaw nila. Sila ang dapat masusunod. Ang iba ay panatag kung sila ay may pera. Nandito ang kasiguraduhan nila. Mabibili nila ang gusto nila. May mahuhugot sila kapag may kailangan sila. Panatag sila kapag sila ang may hawak – may hawak na kaalaman, may hawak na kapangyarihan, may hawak na yaman. Ito ay ang namumuhay ayon sa laman.
Iba ang namumuhay ayon sa Espiritu ng Diyos. Ang nagbibigay ng kapanatagan sa atin ay ang Diyos. Kumakapit tayo sa kanya. Ang hawak natin ay walang iba kundi ang tiwala na mahal tayo ng Diyos kaya hindi niya tayo pababayaan. Isang mapagmahal na Ama siya. Ibinigay na niya sa atin ang kanyang kaisa-isang anak. Ano pa kaya ang hindi niya maibibigay sa atin? Bakit abalang-abala tayo? Hindi nga niya napapabayaan ang mga ibon at ang mga isda, tayo pa kaya na ginawang kawangis niya, na tinubos na ng kanyang Anak? Kaya sa halip na maniwala sa ating kakayahan, maniwala tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Sa halip na maging mayabang dahil sa may hawak tayong kaalaman, may hawak tayong technology, may hawak tayong pera at kapangyarihan, tayo ay mapagkumbabang umaasa kasi hindi tayo pababayaan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa may kababaang loob dahil sa believe siya sa Diyos. Ang espiritu ng mundo ay believe sa sarili at ito ay mayabang. Sinabi ni Propeta Zacarias sa ating unang pagbasa na dumadating ang Diyos bilang matagumpay na hari pero sa paraan ng kababaang loob. Ang mga hari at ang mga generals na matagumpay ay dumadating na nakasakay sa kabayong pandigma, o sa ating panahon pa, sa tangke de giyera o sa bullet proof na sasakyan. Pero dumating ang matagumpay na Diyos na nakasakay sa isang bisirong asno, o sa ating panahon, sa isang traktora o sa isang topdown na motorsiklo. Ang tagumpay sa mundo ay napapakita sa pagsupil sa kaaway. Natalo ang kaaway. Ang tagumpay ng Diyos ay napapakita sa tagumpay ng katarungan. Nagkaroon ng kapayapaan hindi dahil sa natalo ang kaaway, kundi dahil sa nagkaroon ng pakikipagsundo. May kapayapaan dahil sa magkaibigan na, nagkakasundo na, ang dalawang magkaaway na panig.
Talagang kakaiba ang paraan ng mundo at ang paraan ng Diyos. Dito sa Pilipinas ilang taon nang kinakalaban ng military ang mga rebelde. Ang daming armas na nabili upang tapusin ang rebelyon pero nandiyan pa rin ang mga encounters. Kung ang pera na ginamit sa pagbili ng armas, ang perang ginamit sa pagpapadala ng maraming sundalo ay ginamit na tumulong sa mga walang lupa at walang trabaho, ginamit ang pera sa pagtulong sa mga magsasaka, mga manggagawa, mga mangingisda, nawala na ang rebelyon noon pa. Hindi dahas at armas ang magbibigay ng kapayapaan, kundi ang katarungan at pagkikipagkasundo. Hindi barilan kundi pag-uusap. Hindi pagbibintang tulad ng red-tagging kundi tiwala sa kapwa tao.
Sa ating ebanghelyo nagpapasalamat si Jesus sa kanyang Ama sa langit sapagkat ang pinapahalagahan niya ay ang mga maliliit na tao, ang mga may pusong bata, at hindi ang mayayabang at marurunong sa mundo. Ang mga maliliit na tao ang mas nakakaintindi at sumusunod sa mga paraan ng Diyos at hindi ang matatalino at mayayabang. Ang mga matalino kuno ay siya ang mga pilosopo na maraming dahilan upang hindi magsimba, upang hindi makiisa sa simbahan. Ang mga may mababang loob ang nakikiisa, ang nakikipagtulungan, ang nananalig na hindi sila pababayaan ng Diyos na nagmamahal sa kanila.
Kaya kapag tayo ay nahihirapan sa buhay, tugunan natin ang paanyaya ni Jesus na lumapit sa kanya at bibigyan niya tayo na kapahingahan. Dito rin nagkakaiba ang paraan ng laman at ng Espiritu ng Diyos. Para sa mga taong makamundo, nakakapagpahinga sila kapag wala silang ginagawa. Iba si Jesus. Sabi niya: “Kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at tularan ninyo ako.” Nagkakaroon tayo ng kapahingahan kung sumusunod tayo sa kanya at nagse-serve tayo. Hindi ba nararamdaman natin ito? Sa ating pakikiisa sa pagse-serve, tulad ng sa pagdalaw sa may sakit, sa paglinis ng simbahan, o anumang gampanin sa nangangailangan, mas gumagaan ang ating loob, mas nagiging masigla tayo. Sa ating pagpapakumbaba na magkumpisal, nagiginhawahan tayo. Sa ating pagdarasal, mas lalong nabubuhayan ang ating loob.
Lumapit tayo kay Jesus. Hindi siya nanlilinlang sa atin. Mamuhay tayo ayon sa kanyang Espiritu, ayon sa kanyang paraan. Papalakasin tayo at bibigyan niya tayo ng kapanatagan sa ating buhay. Pagiginhawahin niya ang ating buhay. Sinabi niya sa atin: Ako ay naparito upang bigyan kayo ng buhay, ng isang buhay na kaaya-aya, buhay na masaya at magsigla.