415 total views
11th Sunday of Ordinary time Cycle A
Ex 19:2-6 Rom 5:6-11 Mt 9:36-10:8
Nababahala ang Diyos sa atin. Hindi niya tayo nilikha, nilagay sa mundo at pinabayaan na lamang, na bahala na tayo sa ating buhay. Hindi! May plano siya sa atin! Nagmamalasakit siya sa atin. Alam niya ang ating situasyon at naghahanap siya ng mga paraan upang maging maayos ang ating kalagayan.
Ang isang katangian ng ating panahon ngayon ay ang sekularismo – makamundo. Makamundo ang pananaw at pag-uugali ng mga tao. Ang pinapansin lang ng mga tao ngayon ay ang realidad ng mundo, ang mga pangyayari sa mundo. Marami ay walang pakialam at binabale wala ang spiritual na mga bagay. Hindi na iniisip ang kabilang buhay. Ang mahalaga lang ay ang buhay sa mundong ito. Hindi naman tinatanggihan ng mga tao ang Diyos at mga maka-espiritual na bagay tulad ng kaluluwa, gantimpala o parusa sa kabilang buhay. Hindi naman tinatanggihan ang mga ito; binabale wala lang nila. Nabubuhay sila na parang walang Diyos. Nabubuhay sila na parang walang pakialam ang Diyos sa kanila at hindi na rin nila pinapansin ang Diyos. Kaya hindi sila nagdarasal. Hindi nila sinasamba ang Diyos. Wala silang panahon para sa Diyos.
Pero hindi ganyan ang Diyos. Sa ating unang pagbasa sinabi ng Diyos na ipaalam ni Moises na mga tao na alalahanin nila ang ginawa niya sa kanila sa Egipto. Kung paano niya sila inilikas sa pagkaalipin at inalagaan tulad ng pagkupkop ng agila sa kanyang mga inaakay. Pinotektahan sila sa mga kaaway at mga panganib kasi may mabuting balak siya sa kanila. Ibig niyang gawin silang espesyal. Gagawin silang isang bayan ng nakatalaga sa kanya. Sila ay magiging bayan ng mga pari na maglilingkod sa kanya. Ang buhay nila ay magiging pagsamba na kalugod-lugod sa kanya.
Ang plano ng Diyos na maging espesyal tayo sa kanya ay pinakita din ni Jesus. Nalungkot at nabahala si Jesus na ang mga tao ay lito at lupaypay. Walang direksyon at walang kabuluhan ang kanilang buhay. Para silang mga tupa na nakakalat at kung saan-saan na lang pumupunta kasi walang nangangalaga at gumagabay sa kanila. Ganito nga ang kalagayan ng mga tao ngayon. Kanya-kanyang pagsisikap – pero para sa ano? Basta lang ba makapagtrabaho at kumita ng pera? Pag may pera naman good time na lang ang gagawin. Sasabong, makipag-inuman, bibili ng gadgets, sumama sa barkada. Iyan lang ba ang buhay? Iyan ba ang kasayahan? Ano nga ang tunay na saysay ng buhay?
Kailangan ng mga tao na may gagabay sa kanila tungo sa tunay na kahulugan ng buhay. Kaya si Jesus ay nangaral. At ang mga taong nakarinig sa kanya ay namangha sa kanya. Iba siya sa kanilang mga guro. Malalim ang kanyang mga aral at nagbibigay ng kabuluhan sa kanilang buhay. Kaya si Jesus ay pumili ng mga tao at pinadala niya sila. Binigyan niya sila ng kapangyarihan na mangaral at magbigay ng kagalingan sa mga may karamdaman at palayain ang mga nasa kapangyarihan ng kasamaan. Nababahala ang Diyos sa ating kalagayan. Ibig niyang makita natin ang tunay na patutunguhan ng buhay at tanggalin ang mga sagabal sa buhay na kaaya-aya.
Ganoon na lang ang kanyang pagkabahala sa atin na hindi lang niya tayo tinuruan ng wastong daan. Namatay siya upang ilagay tayo sa wastong landas. Tinubos niya tayo. Binayaran na niya ang ating pagkakamali. Pinunan na niya ang ating pagkukulang. Sinabi ni San Pablo na mahirap na ang isang tao ay mamatay para sa kanyang kapwa, pero kung talagang mabait ang isang tao baka may mangahas pang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanya. Dito pinakita ni Jesus na talagang espesyal tayo sa kanya. Kahit na tayo ay masama pa noon, kaaway pa natin ang Diyos o hindi pa natin siya kinikilala, namatay na si Jesus para sa atin. Papabayaan pa ba niya tayo ngayon na naituwid na niya tayo sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay para sa atin? Makasalanan pa nga tayo namatay na siya para atin, ano pa kaya ngayon na tinubos na niya tayo? Malaki na ang itinaya niya para sa atin – basta na lang bang pababayaan niya tayo? Bakit natin iisipin na walang siyang pakialam sa atin, na hindi siya nababahala sa atin?
Mga kapatid, espesyal tayo para sa Diyos. Ibig niya na maging banal tayo. Gusto niya na maging kalugod-lugod tayo sa kanya kasi iyan ang ikabubuti natin. Diyan tayo talagang magiging maligaya. Sinulat ni San Agustin: “Ginawa mo kami O Panginoon para sa iyo, at hindi kami mapapakali, hindi kami mananahimik kung wala kami sa iyon.”
Kaya ang hinahangad ng tao ay hindi mapupuno ng anuman o ng sinuman kundi ng Diyos lamang. Hindi tayo makokontento sa anumang kaaliwan, ng anumang halaga ng kayamanan, ng anumang mga bagay-bagay, ng sinumang tao kundi ng Diyos lamang. Siya lamang ang ating hanapin. Kaya nga ang una at pinakadakilang utos ay mahalin mo ang Diyos ng higit sa lahat, ng buong puso, ng buong kaluluwa at ng buong lakas mo. Siya ang unahin natin sapagkat siya ang pinakamahalaga, at ginawa niya tayo para lamang sa kanya.
Napakalaki na ng kanyang itinaya sa atin. Nilikha niya tayo, minahal niya tayo, namatay siya para sa atin. Basta na lang ba niya tayong iiwanan? Hindi! Nababahala siya sa atin! Kaya manalig tayo sa kanyang pag-ibig. Huwag tayong mabuhay na parang walang pakialam ang Diyos sa atin, na parang wala siya. Nandiyan siya. Sunusubaybayan niya tayo hindi upang makita ang pagkakamali natin at parusahan tayo. Nandiyan siya upang tulungan tayo at ilagay tayo sa landas na magdadala ng tunay na kaligayahan.