278 total views
Solemnity of the Corpus Christi Cycle C
Gen 14:18-20 1 Cor 11:23-26 Lk 9:11-17
Sa harap ng malalaking pangangailangan, ano ang ating attitude? Ang pangkaraniwang attitude ng mga tao ay kanya-kanyang sikap na lang. Dahil sa malaking pangangailangan hindi na pinapanasin ang maliliit na halaga o maliliit na effort. Hindi naman iyan sasapat. Dahil wala na tayong magawa, na paparalyze na tayo. Wala na tayong gagawin.
Ganyan ang nangyari sa labing-dalawang apostol. Higit na limang libong tao ang sumama kay Jesus ng ilang araw na. Nasa ilang na pook sila. Maggagabi na at walang pagkain ang mga tao. Ano ang gagawin nila? Ang kanilang solusyon ay magkanya-kanya na. Kaya sinabi nila kay Jesus na pauwiin na lang ang mga tao at kanya-kanya na silang maghanap ng makakain. Pero ang gusto ni Jesus ay mag-share sila kung ano ang mayroon sila. Mayroon lang sila na limang tinapay at dalawang isda. Kulang pa nga ito para sa kanila lang. Kaya binalewala nila ito. Ang sagot nila: “Wala nga tayo kundi limang tinapay at dalawang isda.” Ang solusyon nila ay pera. “Kailangan kaming bumili ng pagkain para sa mga taong ito.” Dahil sa wala naman silang pera, wala silang magagawa, kaya pauwiin na ang mga tao.
Iba ang pananaw ni Jesus. Pinakilos niya ang mga alagad. Hindi niya hinayaang magkaroon sila ng paralysis sa pag-aanalyze ng problema. Kilala ito na analysis paralysis. Paupuin nila ang mga tao nang maayos. Hindi pinaalis kundi pinaupo! Inorganize ang mga tao sa grupo ng tig-lilimampu. Anong mayroon sila, kahit na kaunti, huwag nilang balewalain ito. Ibahagi nila ito sa mga tao. Sa pagbabahagi ng limang tinapay at dalawang isda nakakain ang lahat, at may labis pa nga! Ang solusyon ni Jesus sa malaking problema: Care and Share. He cared for the people and he shared whatever he had. At ang Diyos na ang bahalang gumawa ng milagro – at gumawa nga siya ng himala mula sa kaunti na ibinahagi.
Ngayong araw ay dakilang kapistahan ng Katawan at Dugo ni Jesus. Ito nga ang kahulugan ng katawan at Dugo ni Kristo na ibinabahagi sa atin. I-shenare niya ang lahat ng mayroon siya. Wala siyang ibinigay na pera kundi ang kanyang sarili. Ginawa niya ito sapagkat he cares, kinakalinga niya tayo, binibigyan niya tayo ng buhay, na walang iba kundi ang buhay maka-Diyos niya. Kaya ang kakain nito ay hindi mamamatay magpakailanman. Kung tingnan natin, napakaliit ang ostia, maliit na pagkain na hindi nga tayo matitinga, pero ito ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan! Huwag nating balewalain ang maliit. Ang maliit sa mata ng tao ang ginagamit ng Diyos para magbigay ng mahahalagang bagay.
Ang ginawa ni Jesus na pagpapakain sa higit na limang libo ay larawan ng patuloy niyang pagpapakain sa atin sa Banal na Eukaristiya. Marami tayong mga problema sa ating buhay – kawalan ng hanap buhay, walang katiyakan sa kinabukasan, karamdaman, sira-sirang relasyon sa mga mahal natin sa buhay, pagtataas ng presyo ng gasolina, at marami pang iba. Huwag nating isipin na pera lang ang solusyon sa mga ito. Nandiyan din ang Diyos. Ibinibigay niya ang kanyang sarili para sa atin. Ano pa ang hindi niya maibibigay upang tulungan tayo? Ang hanapin natin ay ang makapiling natin siya. Kaya tanggapin natin ang kanyang inaalok sa atin. “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo…. Ito ang aking dugo na binubuhos para sa inyo.” Pinatitibay ang kasunduan natin sa Diyos ng dugo ni Jesus. Ang pag-aalay ni Jesus ang ala-ala ng pag-ibig, commitment at care ni Jesus para sa atin. Huwag tayong mabahala at matakot; tanggapin natin siya.
Sa ating panahon ngayon pahalagahan uli natin ang Banal na Communion na dahil sa pandemic ay medyo nakaligtaan na natin. Marami ang nagsimba noon sa online lang o sa radio o sa TV. Oo nakapagdasal tayo, nakinig tayo sa salita ng Diyos at gumawa pa nga tayo ng spiritual communion. But we have not received the Real Presence of Jesus. Huwag tayong makontento sa virtual presence lang. Gusto ni Jesus na ang kanyang presensiya sa atin ay Real, na ang ibig sabihin ay material – na malalasahan natin, na mahihipo natin siya. Hindi lang siya pumapasok sa ating isip. Gusto niyang pumasok din sa ating katawan. Kaya tanggapin na natin siya sa Banal na Komunyon. Sa labas ng misa, bisitahin natin siya sa simbahan sa Banal na Tabernakulo. Sambahin natin siya. Manahimik tayo sa harap niya. Talagang nandiyan siya sa Blessed Sacrament at gusto niyang makiisa sa atin.
Itong pag-aalay ni Jesus sa anyo ng tinapay at anak ay hindi lang basta-bastang nangyari. Ito ay talagang bahagi na ng plano ng Diyos. Ang planong ito ay pinahayag na sa atin ni Melquisedec sa ating unang pagbasa. Nabuhay siya ng mga dalawang libong taon bago dumating si Jesus. Siya ay isang pari na sumalubong kay Abraham noong matalo niya ang mga kaaway na kumuha ng kanyang mga ari-arian at mga tauhan. Sa pagsalubong sa kanya ni Melquisedec, nag-alay ito ng tinapay at alak para sa kanya. At kinilala ni Abraham ang pagpapari ni Melquisedec kaya nagbigay siya ng ikapo, ng kanyang tithe, ng spoils of war, ng kanyang nasamsam sa labanan. Itong pagpapari ni Melquisedec ang siyang pagpapari ni Jesus na siya namang binabahagi niya sa mga pari ngayon na patuloy na nag-aalay ng tinapay at alak na nagiging katawan at dugo ni Jesus mismo. Kaya talagang pinaghandaan ng Diyos ang pag-aalay na ito. Hindi lang ito basta-basta.
Kung ang Banal na Eukaristiya ang care and share ni Jesus, tayong tumatanggap sa kanya ay dapat ding makuha ang kanyang attitude. Mag care and share din tayo. Kahit na anong problema ang nararanasan ng ating mga kapatid, ng ating bansa at ng ating mundo, ang solusyon ay hindi magkanya- kanya na lang tayo. Each one striving to survive on his or her own. Pinakita sa atin ng pandemic na ito na hindi tayo maliligtas kung hindi tayo sama-samang maliligtas. Ganoon din ang pinapakita ng climate emergency natin. Kaya magtulungan tayo. Magtutulungan tayo kung mayroon tayong malasakit sa isa’t-isa. At kung may malasakit tayo, kung anong mayroon tayo, i-share natin. Basta mayroong sharing, sasapat ang lahat. Kahit maliit ang maiaambag natin, ito ay mahalaga sa Diyos, kasi magagamit ng Diyos ang kahit anumang maliit na binibigay natin sa kanyang kamay. Ito rin ang mensahe ng ating programa ng Pondo ng Pinoy. Kahit maliit, basta’t malimit ay patungong langit! Anumang maliit na kusang binibigay sa kamay ni Jesus ay umaambag sa kaligtasan.