1,051 total views
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una sa lahat tayo po ay magpasalamat sa Diyos na nagtipon sa atin bilang isang sambayanan sa napaka gandang katedral na ito.
Nagpapasalamat po kami sa bawat isa sa inyo na bagamat Lunes, yung iba siguro ay pagod sa trabaho at ibig nang umuwi at magpahinga ay dumating para sa pagdiriwang ng misa.
Okay lang po, dito na muna tayo, baka ma-traffic naman kayo. At nagpapasalamat din po tayo sa ating mga kapatid una sa lahat si Cardinal Orlando Quevedo, Arsobispo ng Cotabato, Emeritus daw. At ang atin pong mga kapatid na Arsobispo at Obispo na nakikiisa po sa ating pagdiriwang.
Gayun din ang atin pong mga kapatid sa kaparian, ang atin pong mga religious men and women, at kayo po na bumubuo ng mga masisigasig na kapatid na layko ng atin pong simbahan.
Ito po tayo ipinagdiriwang ang ika-60 anibersaryo ng pagtatalaga o dedication ng Manila Cathedral na itinayo muli pagkatapos ng digmaan.
1945 the war of liberation, sirang-sira ang lungsod ng Maynila. Pati po ito, ang katedral halos kalansay ang naiwan at mahigit halos sampung taon ganun nanatili hanggang nagsimula ang pagbangon, ang muling pagtatayo ng Manila Cathedral, at Disyembre 1958, 60 years ago ang bagong tayo muli na katedral ay itinalaga.
Salamat sa napakaraming mabuting tao at inaalaala natin sa isang natatanging paraan si Cardinal Rufino Santos, ang arsobispo ng Maynila noong panahong yaon.
Sa kan’yang pagpupunyagi at sa pagtutulong-tulungan ng napakaraming mabubuting tao, eto, nakatayong muli ang katedral at ngayon po ay ating itatalaga ang altar, ang dambana. Ilang pagninilay lamang po.
Una, sa unang pagbasa, nang liliit si haring Solomon, nasa harapan siya ng dambana, alam n’ya kung gaano kadakila ang Diyos.
Ang Diyos ang lumikha ng lahat papaano ba naman mananahan, titira ang Diyos sa templo? Papaano nga ba yun? Anong tenplo ba ang magiging karapat dapat sa Diyos na may gawa ng langit at lupa?
Parang kahit na ano pang templo ang itayo mo, parang kahit gaano pang kagara, parang hindi karapat dapat sa Diyos.
Subalit sa panalangin ni Solomon, sabi n’ya, “Tapat kayo sa inyong mga pangako walang maliw ang pag-ibig na ipinadadama n’yo sa inyong mga alaipin.”
Ang pag-ibig na walang maliw, yan ang nagbigay lakas kay Solomon at sa bayan na tumugon sa pinaka dakilang pag-ibig kahit na ang kanilang tugon ay maliit at hindi karapat-dapat, hindi makakatumbas sa kadakilaan ng Diyos, subalit hindi nila maitanggi, dakila ang pag-ibig ng Diyos para sa atin at tutugon tayo nang may pag-ibig din.
Itong templo, itong dambana sagisag ito ng aming tugon ng pag-ibig, panalangin, araw gabi para sa Diyos na umibig. Kaya lang parang nagkakaroon tayo ng problema sa ebanghelyo.
Si Hesus pumunta dun sa templo at anong ginawa n’ya? Pinalayas ang mga nagtitinda ng mga baka, ng mga tupa, ng mga kalapati, at yaong namamalit ng pera para makabili ng baka, tupa at kalapati.
Bakit po malaking problema ito? Kasi sa templo at sa dambana sa sa altar papaano nananalangin ang bayang israel? Ang panalangin nila ay sinasabayan ng sakripisyo, handog, kailangan nila ng tupa, kailangan nila ng kalapati, ng baka, syempre kailangan nila ng salapi pambili ng baka, tupa at kapalati.
Kapag pinalayas ni Hesus, ano pa ang kanilang maiaalay sa dambana? Kaya hindi nakapagtataka, nagalit ang mga pinuno, nagalit ang mga tao kay Hesus.
Parang pinipigilan ni Hesus ang pagdarasal ng may pag-ibig sa templo na sagisag ng pag-ibig ng Diyos. E kapag nawala na ang sakripisyo ang handog sa Diyos, babagsak ang baying Israel. Kaya tinanong nila si Hesus, “Ano ang tanda na maibibigay mo? Ano ang karapatan mo para gawin ito?
Nilalapastangan mo ang pinaka banal na lugar at ang pinaka banal na gawain naming bilang tugon sa banal na pag-ibig ng Diyos.”
At ang sagot ni Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at muli kong itatayo sa tatlong araw.” Ang pinag-uusapan ni Hesys ay ang kan’yang katawan. S’ya ang bagong templo, S’ya ang bagong altar, S’ya ang bagong dambana at sa kan’ya hindi na kailangan ng kalapati, tupa, baka, ano ang kan’yang handog sa ama?
“Ito ang aking katawan, ito ang aking dugo.” Ang bagong dambana ay ang buhay na paghahandog ng sarili ng buong pag-ibig sa Diyos na umiibig sa atin.
Naranasan ni Hesus ang walang maliw na pag-ibig ng Ama, ibinigay ng Ama ang lahat sa kan’ya. Kung papa’nong ang templo ni Solomon ay bunga ng pag-ibig ng Diyos at tugon ng bayan, si Hesus sa kan’yang katawan sa kan’yang pagkatao naranasan n’ya ang pag-ibig ng Diyos Ama.
Ibinigay lahat ng Ama sa kan’ya kaya naman ibibigay n’ya rin lahat sa Ama. ‘Yan ang bagong templo, ‘yan ang bagong sakripisyo, ‘yan ang bagong dambana, ang katawan ni Kristo.
At tayong lahat ay inaanyayahan pumasok sa katawan na ‘yan maging bahagi ni Kristo, maging bahagi ng katawan ni Kristo, maging buhay na templo dahil minahal tayo at tumutugon tayo ng pagmamahal din.
Uulitin ko po ‘yun, ang templo lalo na si Hesus, s’ya ay buhay na templo, buhay na sakripisyo. Bakit, dahil naranasan n’ya ang pag-ibig ng Diyos at bilang tugon, iaalay mo hindi ang kalapati, hindi ang baka, hindi ang tupa, iaalay mo ikaw! Ang templo ay ikaw, ang alay ay ikaw, pero mangyayari yun kung bahagi tayo ng malaking IKAW, tayo katawan ni Kristo.
Naikuwento ko po sa isang misa na sa una ko pong parokya, agricultural kaya ang alay ng mga tao, gulay, itlog, petchay, sayote, naku pagkarami-raming sayote.
Minsan may nag-alay kahon, edi tinanggap ko, binigay ko sa sakristan, nilagay ng sakristan yung kahon sa may altar, nung nagtutuloy na yung misa nakita ko yung kahon gumagalaw. Sabi ko doon sa sakristan, tingnan mo yung kahon gumagalaw.”
Kinuha niya ho yung kahon, bumalik sa akin sabi n’ya, “Ang laman po ng kahon, manok. Manok na buhay at meron pong luya, at maliit na papaya.”
O ano yung alay? (crowd answers: Tinola) Tinola. (Laughter) Parang sinabi nung nag-alay, “O ayan father lahat ng sangkap nasa iyo na, iluto mo yan.
Bahala ka na pag-sama-samahin mo yan, meron ka nang tinola.” Ang sarap po, native, kaya lang napaisip ako, ito ang aking katawan, ito ang aking dugo.
Hindi naman masama mag-alay ng manok, di naman masama mag-alay ng gulay, tinapay, yan naman po’y binabahagi sa mga dukha.
Pero sa araw na ito pinapaalalahanan tayo ni Kristo, ang templo na buhay ay kayo. Sa ngalan ko, ang templo ay sagisag ng templo ng Espiritu Santo at ang bawat isa sa atin ay buhay na bato.
Pero magiging buhay na bato kung tulad ni Hesus mulat tayo, mahal tayo ng Diyos at dahil minahal tayo, hindi tayo napipilitan, hindi tayo pupwersahin dahil minahal tayo, tayo’y magbibigay ng sarili, dala rin ng pagmamahal.
Iyan si Hesus na templo, ‘yan si Hesus na dambana at tayo’y inaanyayahan bilang katawan ni Kristo maging ganyang dambana at templo.
Ang ganda-ganda po ng Manila Cathedral ‘no po? Sige po tumingin kayo, hindi bawal. Tingnan n’yo pati sa screen, ang ganda. Huwag po nating sayangin yung ganda. Huwag nating sayangin ang ganda nitong katedral, sana higit na maganda ang buhay na templo.
Minahal tayo, magmahal, magmalasakit nang hindi napipilitan. At yan po’y uuwi sa ikalawa kong punto. Kasi sa mundo natin ngayon ang dami-daming templo kung saan nag-aalay ng handog at sakripisyo ang maraming tao.
Ang daming diyos na pinag-aalayan ng kanilang mga handog. Alam naman natin yan. Ang diyus-diyosan na tinatawag na pera, kayamanan. Naku ang daming naghahandog d’yan. Yung diyus-diyosan na tinatawag nating kapangyarian kayabangan, naku po! ang templo n’yan punong-puno ng ibig maghandog.
Yung diyus-diyosan ng ambisyon, makalamang sa kapwa ang dami ring nakapila d’yan mag haahandog ng kaaya-ayang alay. Kaya lang po may kaibahan, ang pera, ang kapangyarihan ang ambisyon hindi kayang magmahal.
Ang tunay na Diyos mamahalin ka at dahil mahal ka tutugon ka. Ang pera, ba mamahalin ka ba ng pera? Hindi! Gagawin kang kurap ng pera, hindi ka mamahalin ng pera. Ang pera hindi ka mamahalin, sa bandang huli gagawin kang bankrupt ng pera, kaya huwag kang maghandog ng maghandog sa diyus-diyosan na pera, hindi ka mahal n’yan bakit mo ba yan minamahal? Kaya para sa pera kung ano ano ang ating sinasakripisyo.
Integridad, mga manggagawa, mga magsasaka, parang mga alay na susunugin para mapaligaya ang pera, ang tubo.
Ang kapangyarihan, mahal ka ba n’yan? Ang kayabangan mahal ka ba n’yan? Hindi! binubulag ka hindi ka mahal n’yan, ginagawa kang manhid hindi kamahal n’yan. Bakit naman mahal na mahal mo ‘yang kapangyarihan? Kaya tingnan mo ang inaalay natin sa diyus-diyosan ng kapangyarihan, katotohanan, sinusunog ang katotohanan.
Ang kapwa na nagiging sagabal sa akin. “Wala ka para lang may maihandog ako sa ating diyus-diyosan na kapangyarihan.” Hindi tayo mahal ng kapangyarihan bakit ba mahal na mahal natin yan?
Mahal ba tayo ng ambisyon? Nilalason tayo ng ambisyon hindi tayo mahal n’yan, hindi n’yan hinahanap ang kabutihan natin.
Kaya para sa ambisyon anong inaalay natin? Pati ang magandang kalikasan nalalapastangan, ang dangal ng kapwa nayuyurakan, ang mga maliliit na tao binabaon sa limot.
Kaya mga kapatid sa araw na ito bebendisyunan natin ang altar. Kaming mga pari humahalik pa d’yan sa simula at pagtatapos ng misa, hinahalikan naming si Hesus, hinahalikan namin ang bagong dambana at sa dambanang yan ang tinapay at alak nagiging katawan at dugo ni Kristo.
Tayo ba, magiging katawan ni Kristo? ‘Pag tinanggap ang tinapay at alak na naging si Kristo, sana tayo rin maging tulad ni Kristo sa mundo. Kilalanin ang tunay na Diyos na nagmamahal sa atin, at S’ya, S’ya ang mahalin, S’ya ang paghandugan ng buhay.
Totoo marupok tayo, sabi ni San Pablo tayo’y mga marurupok na sisidlan, pero okay yun para ipakita raw na ang kapagyarihan ng pag-ibig ay hindi sa atin, kun’di galing sa Diyos.
At sa pag-ibig ng Diyos pati ang mga marurupok na sisidlan magigng kaaya-ayang handog sa Diyos basta may pag-ibig. Ang ganda ‘no ho? Tingnan n’yo naman ang katabi n’yo maganda ba rin?
Sana sasabihin natin, mas maganda kasi puspos ng pag-ibig at tumutugon ng pag-ibig. Ito po ang ikawalo na building ng Manila Cathedral.
Yung nakaraang pito, nasira gumugho, dahil sa sunog, sa lindol, sa bagyo, sa giyera. Pero kahit na ang sisidlan ay marupok, ang pag-ibig ng Diyos ay dakila at hanggat mayroong mga tao na nananalig sap ag-ibig ng Diyos, tutugon tayo at tutugon, at babangon at babangon ang simbahan.
Kailan man hindi mananailing nakadapa ang katawan ni Kristo. Sirain ninyo ng templong ito at sa ika’tlong araw, itatayo ko ito. Salita ng pag-ibig ng malasakit, tiwala at pag-asa. Tayo po’y tumahimik sandal, at tanungin ang ating sarili, ako ba’y buhay na templo, ano ba’y buhay na handog ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.