6,929 total views
Mga minamahal na kapatid sa ating pananampalataya, nagpapasalamat po tayo sa Panginoon sa pagtitipon na ginawa N’ya sa atin ngayong linggong ito. Tuwing linggo, ang bayan ng Diyos ay nagpapasalamat sa paggunita sa tagumpay ni Kristo laban sa kamatayan at kasalanan, at tuwing linggo, harinawa, tayo rin bilang katawan ni Kristo ay nakikiisa sa pagkamatay ng kasalanan at ang pagkabuhay, buhay para sa Diyos.
At sa linggong ito, dito sa ating National Shrine ay atin din namang pinasasalamatan ang Diyos sa Kan’yang mga sinugong lingkod at tumutulong na tagapangasiwa ng ating mundo, ang mga anghel, ang mga arkanghel.
Sino ba sila na tatlo na pinangalanan sa bagong tipan? Si San Miguel, si San Gabriel at si San Rafael. Ayon sa tradisyon pito sila pero tatlo ang may pangalan sa bibliya, yung apat pang pangalan nakuha yata sa ibang mga writings pero sa labas na ng bibliya. Mag-aalay po ako sa inyo ng dalawang baon para sa pagninilay. Ang una po ay ito, ang pagiging anghel ay pagiging lingkod.
Ang salitang anghel ay hindi pangalan ng karangalan kun’di pangalan ng isang tungkulin na tinanggap mula sa Diyos at kalimitan ang mga anghel ay mga mensahero ng Diyos kung hindi man sa pamamagitan ng salita o balita na kanyang ibig ipaabot, sa pamamagitan ng mga anghel ay mayroong aspeto ng kapangyarihan ng Diyos na mangasiwa sa takbo ng mundo, at takbo ng bayan ng Diyos na ipinahahayag ng mga anghel.
Sa pamamagitan ng mga lingkod na anghel ang pangangasiwa ng Diyos na Siyang nagmamay-ari sa mundo at Siyang naghahari ay naisasakatuparan. Sila’y mga lingkod ng Diyos, lingkod para ang Diyos ang tunay na mamalagi, mamuno, at mangasiwa sa mundo.
Sa ebanghelyong narinig natin, pinaliwanag ni Hesus, ginamit ang isang larawan na makikita ninyo bukas ang langit. Ang langit, yun ang tinuturing na lugar ng Diyos at sabi ni Hesus makikita ninyo bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos manhik-panaog sa kinaroroonan ng anak ng tao. Ganyan ang lingkod na anghel, manhik-panaog, pumapanhik doon sa langit kung saan nakatira ang anak ng Diyos at mula doon sa langit, bababa. Aakyat sa langit, natupad na nila ang kanilang tungkulin, babalik, magpupuri sa nagsugo sa kanila at mananaog muli upang isugo ng Diyos.
Ang mga anghel very dynamic, hindi lang yan nakaupo, hindi lang yan nagpapahinga, hindi yan nagsi-seating pretty, ang anghel manhik-panaog.
Wala kang makikitang anghel na nakapirmi kapag nakapirmi wag mong tatawagin kasi tayo ‘pag may mga batang hindi kumikilos, “Ang batang ito parang anghel,”naku hindi, baka may sakit yan, baka nga patay yan kaya hindi gumagalaw. Ang anghel makislot! Kaya kapag nakakakita ako sa misa lahat kayo tuwid na tuwid, parang walang anghel. Manhik-panaog, at kung ang bahay ninyo walang akyat panaog, labas pasok kung anghel ka.
Pero ang kilos ng mga anghel, kaya parang aktibong-aktibo ay para sa Diyos. Magpuri sa Diyos, katulad ng gagawin natin mamaya sa misa magmamala anghel tayo, “Santo, Santo, Santong Panginoong Diyos!” ang tinig natin ay paakyat sa Kan’ya ang kanilang panhik-panaog dahil sa paglilingkod sa Diyos.
Mga kapatid, kagabi nandoon ako sa San Rafael tinanong ko sila, “Kayo panhik-panaog ba rin kayo? Labas-pumasok din ba kayo?” Kung kayo’y akyat-panaog at labas-pasok, bakit? Dahil ba sa Diyos? Bakit ba tayo nagpapanhik-panaog o labas-pasok? “Ay, naiwan ko ang aking cellphone,” kahit malayo na babalik, aakyat, bababa, dahil sa cellphone. Naiwan ko ang aking credit card! Naku!” Akyat panaog, labas-pasok, bakit? Para mangutang! Nakabalita, may sale! Naku! Parang simbang gabi hindi na makatulog labas-pasok ng mall, akyat panaog, lahat ng floor pinuntahan pag-uwi wala rin namang binili.
Ganyan ang ating mga akyat-panaog, labas-pasok parang hindi yata tungkol sa Diyos, parang mga tungkol lahat sa sarili natin, sa mga luho natin, sa mga gusto natin, sa mga plano natin. Kaya kailangang magpadala ang Diyos ng tunay na anghel para ipakita sa atin, ano nga ba? Bakit ang mga anghel laging gumagalaw? Dahil may misyon. Ilan po sa inyo ang aakyat panaog, nakaalis na ng bahay, babalik dahil nakalimutang magpaalam sa asawa? Wala! Mabuti pa ang cellphone, binabalikan. Ang asawa hindi ka dahilan para mag akyat panaog at mag labas pasok. Baka magalit ang mga anghel, baka sabihin nila, “Ano bang ginagawa nitong si Kardinal na homily?”
Pero maganda paalaala, kailangan natin ng mga katulad ng anghel, aktibo, pero malinaw, galing sila, pumupunta sila sa Anak ng Diyos at kung meron man silang lakad ito ay dahil isinugo ng Anak ng Diyos. Kung kayo rin naman ay gustong maglabas-pasok, akyat-panaog nang hindi naman para sa Diyos, huwag na lang kayong umalis ng bahay, nakakadagdag pa sa sikip ng traffic, wala naman palang kinalaman sa pagiging anghel.
Siguro kung ang maglalabas-pasok ay tungkol sa paghahari ng Diyos baka iilan lang yang sasakyan d’yan. Nagtatraffic yata hindi naman sa mga alalahaning mala-anghel. Okay ho ba? Naintindihan ba ho ito? Pwede ko nang simulant ang homily? (laughter and applause) Ano na kayo, pinatitigil na ko, kasi baka puwede ko nang simulan baka may lalabas na, aalis na. Di ho, mahaba-haba na rin yun.
Ikalawang punto na at dito ako magtatapos. Ang mga arkanghel sa pangalan nila kita natin ang kanilang natanggap na alalahanin o misyon mula sa Diyos. Si San Rafael, ang Diyos ang naghihilom. San Gabriel ang Diyos ang nagliligtas kaya s’ya yung tagadala ng balita ng kaligtasan. Si San Miguel, sino ang kaparis ng Diyos? Si San Miguel ay nagpapaala-ala sa mga nagpapanggap na sila ay Diyos.
Si San Miguel nagpapamukha sa mga nagdidiyos-diyosan, nahuhumaling sa sarili, nahuhumaling sa sariling dangal, nahuhumaling sa sariling karangalan at kapangyarihan, at akala nila sila na ang diyos. Kapag dumating si San Miguel, taglay-taglay ang lakas at pangalan ng tunay na Diyos, tinatanong n’ya sa mga nagpapanggap na Diyos, “sino ang katumbas ng Diyos? Wala… wala.”
Ang mga nagdidiyos-diyosan, hindi magtatagal kasi nagsimula sa huwad, huwad na lakas. Kaya malinaw din sa mga pagbasa, lalo na sa ikalawang pagbasa na kung mayroon mang lakas o kapangyarihan ang arkanghel Miguel, ito ay hindi kan’ya, ito ay sa Diyos na ipinamamalas n’ya sa iba.
Kapag nagpanggap si San Miguel na s’ya ang may taglay ng lakas, hindi na s’ya anghel, isa na rin s’ya sa magiging huwad na diyos-diyosan. Kailangan po natin sa panahon natin ngayon ng maraming Miguel na ipamumukha sa ating lahat, kasama na tayo. Hindi natin hinihiwalay ang sarili natin, dahil laging may tukso na magpanggap na diyos. Pati minsan yung tumutuligsa sa mga nagdidiyos-diyosan tunog din sila na parang diyos-diyosan. Mahirap yun. Kaya tayong lahat magpapakumbaba at kikilalanin iisa lang ang Diyos, at tayong lahat naging mga katuwang ng Diyso at ni San Miguel.
Simulan natin sa sarili nating buhay, ano ba ang mga itinuturing nating diyos? Pinaghuhugutan natin ng lakas at kapangyarihan, huwag tayong mag-alala isusugo ng Panginoon si San Miguel para tayo ay paalalahanan, at ipakita, walang ibang lakas, walang ibang kapangyarihan kun’di ang galing sa tunay na Diyos.
Tayo po’y tumahimik sandali at hilingin sa Panginoon na mapasa atin ang buhay na paglilingkod na pinakita ng mga anghel na akyat-panaog, labas pasok, dahil sa misyon at tulad ni San Miguel, huwag nating ipagpalit ang tunay na Diyos at ang Kan’yang kapangyarihan.