404 total views
3rd Sunday of Lent Cycle C
Ex 17:3-7 Rom 5:1-2.5-8 Jn 4:5-42
Kung tayo ay may kailangan, paano ba tayo humingi? Kailangan ng mga Israelita ng tubig. Uhaw na uhaw na sila sa disyerto. Humingi sila ng tubig kay Moises na may panunumbat. “Inialis mo kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga hayop!” Maaari naman silang nakiusap na bigyan sila ng tubig pero may bintang pa ang kanilang paghingi – gusto mo lang kami patayin sa disyerto kaya mo kami inilabas sa Egipto! Si Jesus ay nauhaw din sa tanghaling tapat pero siya ay nakiusap sa Samaritana: “Maaari bang makiinom?” Hindi siya demanding. Nakiusap siya tulad ng isang taong nangangailangan.
Paano ba tayo humingi, lalo na paano ba tayo humingi sa Diyos? Sana humingi tayo ng may kababaang loob at ng may malaking pag-asa. Sa harap ng Diyos hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sinabi ito ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Hindi tayo bibiguin ng Diyos sa dalawang dahilan. Una, ibinigay na niya sa atin ang Espiritu Santo na siyang sangla na mahal niya tayo. Hindi niya tayo iiwanan at pababayaan kasi nasa atin na ang kanyang Espiritu. Pangalawa, talagang pinatunayan niya na mahal niya tayo dahil namatay siya para sa atin. Mahirap mamatay para sa isang tao, pero kung sakaling talagang mabait ang taong iyon at malaki ang ating utang loob sa kanya, tulad ng ating magulang o matalik na kaibigan, maaaring magbuwis pa tayo ng buhay para sa kanya. Pero pinatunayan ni Jesus na talagang mahal niya tayo nang tayo ay makasalanan pa, tinatanggihan pa natin siya, namatay na siya sa krus para sa atin. Kaya kung ibinuhos na niya ang kanyang dugo noong kaaway pa natin siya, ano kaya ngayon na natubos na tayo, na anak na tayo ng kanyang Ama, babalewalain pa ba niya ang ating kahilingan? Umasa at manalig tayo sa kanya. Kaya humingi tayo sa Diyos nang may malaking tiwala at hindi pagalit o nagbabanta pa sa kanya, tulad nang kung hindi mo ibigay hindi na ako maniniwala sa iyo o hindi na ako magsisimba. Hindi ganyan.
Humingi si Jesus ng maiinom. Pero sa totoo lang balak siyang magbigay ng mas mahalaga. Mahalaga ang tubig. Kung may tubig mayroong buhay. Kaya ang mga scientists na naghahanap kung may buhay sa ibang planeta o sa ibang bituin, sila ay nagsasaliksik kung may tubig ba doon. Kung makakita ng tubig, malaki ang posibilidad na may buhay doon. Pero hanggang ngayon wala pa silang nakikita na planeta na may tubig kaya hindi pa sila nakakatagpo ng isang maybuhay. Humingi si Jesus ng tubig pero handa siyang magbigay ng tubig na kung iinumin natin hindi na tayo mauuhaw at ito ay magiging bukal pa sa loob natin na magbibigay ng buhay na walang hanggan. Hindi napick-up ng babae na nasa ibang lebel na ng pag-uusap ang tinutukoy ni Jesus. Patuloy pa rin ang babae sa lebel ng material na usapin. Kaya sinabi niya na bigyan mo ako ng ganitong tubig para hindi na ako babalik sa balong ito para sumalok kahit sa tanghaling tapat.
Kaya talagang binago ni Jesus ang usapan. Pinatawag sa kanya ang kanyang asawa. Noong sabihin niya na wala siyang asawa, kinumperma ni Jesus na wala nga siyang asawa ngayon kasi may lima na siyang lalaki at ang kinakasama niya ngayon ay hindi niya asawa. Nagulat ang babae na nalaman ang kanyang kalagayan kaya natanto na niya na hindi na ito usapin ng material at pangkaraniwang bagay. Mataas na lebel na usapan na ito. Propeta itong kausap niya hindi lang isang Hudyo na nauuhaw. Nagtanong na siya tungkol sa pagsamba, kung saan ba dapat magsamba sa Diyos, sa Jerusalem ba ayon sa paniniwala ng mga Hudyo, o sa bundok ng Gerizim sa Samaria, ayon sa paniniwala nilang mga Samaritano.
Naniniwala ang mga Samaritano na sa pagdating ng Mesias, ng Kristo, sasabihin niya kung saan ba talaga dapat sasambahin ang Diyos. Ang sagot ni Jesus ay: siya na nga ang Mesias na tinutukoy niya at dumating na ang panahon na ang tunay na sumamba sa Diyos Ama ay hindi sasamba sa anumang lugar. Ang mahalaga ay hindi ang lugar kundi ang diwa ng pagsamba, sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan.
Sa maikling pagsasalubong na ito nag-iba ang pananaw ng Samaritana kay Jesus. Una, ang tingin niya sa kanya ay isang dayuhang kaaway – isang Hudyo na nagbabalewala sa kanilang mga Samaritano. Hindi nakikiisa ang mga Hudyo sa mga Samaritano. Kaya bakit siya hihingi ng maiinom sa kanya na hindi gumagamit ang mga Hudyo ng gamit ng mga Samaritano? Pagkatapos, nagbago ang kanyang paanaw sa lalaking ito. Maaari siyang makatulong sa kanya – maging benefactor niya. Bigyan mo ako ng ganitong tubig para hindi na ako paparito at sasalok. Noong binisto siya ni Jesus na mayroon siyang limang lalaki, kinilala niya na ito ay isang propeta, kaya nagtanong na siya tungkol sa pagsamba, isang tanong na ang Mesias, ang Kristo lang ang makasasagot.
Hindi lang na nagbago ang pananaw niya kay Jesus. Nagbago din siya. Nagsimula siyang masungit, nag-aalangan na tulungan si Jesus, naging tagapaghingi na siya – bigyan mo nga ako ng ganitong tubig. Naging tagapaghanap na siya ng katotohanan tungkol sa pagsamba sa Diyos, saan dapat sambahin ang Diyos, at sa huli, naging tagapagbalita na siya sa lunsod. Iniwan niya ang kanyang pakay – iniwan ang kanyang banga – at bumalik sa lunsod na excited na excited na nagbabalita sa lahat. Hindi na siya nahihiya sa kanyang sariling kalagayan: “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Kristo?”
Makapangyarihan ang kanyang patotoo na ang buong lunsod ay pumunta sa balon, nakinig kay Jesus, at inanyayahan pa siyang tumuloy sa kanila. Nagtapos ang salaysay sa pahayag ng mga tao: “Naniniwala na kami ngayon dahil sa narinig namin siya. Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan!”
Lumalim ang pagkakilala kay Jesus, mula sa isang dayuhang kaaway, tungo sa isang posibleng benefactor, tungo sa isang propeta, tungo sa siya na ang Kristo, at nagtapos na siya ay Tagapagligtas ng Sanlibutan. Paano nangyari ang pagbabagong ito? Dahil sa unang paghingi ni Jesus ng tubig, tungo sa pakikipag-usap sa kanya, tungo sa pakikinig sa kanya, at nagtapos sa pagtigil ni Jesus sa kanila ng ilang araw.
Sana ngayong Kuwaresma umaabante din tayo sa pagkilala at commitment kay Jesus. Humingi tayo sa kanya ng may pag-asa at tiwala. Pagbibigyan niya tayo. Ano ang hihingin natin? Ang mas palalimin na pagkakilala at pananampalataya sa kanya. Ang pananampalatayang ito ay ang tubig sa loob natin na bubukal tungo sa buhay na walang hanggan. Si Jesus nga talaga ay ang Kristo, ang tagapagligtas ng Sanlibutan.