242 total views
2nd Sunday of Lent Cycle C
Gen 15:5-12.17-18 Phil 3:17-4:1 Lk 9:28-36
Magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay-pananampalataya. Ito ang paanyaya sa atin ngayong ikalawang linggo ng kuwaresma. Huwag tayong tumigil sa pagsisikap sa panalangin, pagkakawanggawa at pagpepenitensiya. Upang huwag tayong manghina, nagbibigay ang Diyos ng mga assurance sa atin.
Sa ating unang pagbasa nagsalita ang Diyos kay Abram. Iniwan ni Abram ang kanyang mga kamag-anak sa Haran dahil sa salita ng Diyos na bibigyan siya ng isang malaking angkan. Inilabas siya ng Diyos isang gabi at pinakita sa kanya ang maraming mga bituin sa langit. Ganyan karami ang magiging angkan na magmumula sa kanya. Naniwala si Abram at siya’y kinalugdan ng Diyos. Isang araw, itinabi din si Abram ng Diyos at pinakita sa kanya ang lupain na ibibigay niya sa kanyang angkan. Napatanong si Abram: “Panginoon, paano ko malalamang ito’y magiging akin?” Bilang assurance sa kanya na patuloy siyang manalig, ang Diyos ay gumawa ng pagtitipan sa kanya. Noong panahon, ang seremonyas ng pagtitipan ay very dramatic. Pinakatay sa kanya ang isang baka, ang isang kambing at ang isang tupa at biniyak ang mga ito. Ganoon din pinakatay sa kanya ang isang kalapati at isang ibong bato-bato. Pagdating ng gabi dumating ang Diyos sa anyo ng palayok na umuusok at nagniningas na sulo. Ang mga ito ay dumaan sa gitna ng mga pinatay namga hayop.
Ang seremonyas na ito ay nagsasabi na kung hindi tutuparin ng nangangako ang tipan, magiging tulad sila ng mga hayop na kinatay at biniyak. Ang Diyos mismo ang dumaan sa mga pinatay na hayop. Tinali ng Diyos ang kanyang sarili sa kanyang pangako. Kung sa atin pa, sasabihin ng nangako: mamatay man ako kung hindi ko ito gagawin. Nagbigay ang Diyos ng patotoo kay Abram upang siya ay patuloy na manalig. Tinatali ng Diyos ang kanyang sarili sa kanyang salita. Ito ang assurance ng Diyos.
Sa ating ebanghelyo naman nagbigay din ang Diyos ng assurance sa tatlong leaders ng mga apostol, kay Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula na noon na magsalita si Jesus nang hayagan tungkol sa kanyang pagpunta sa Jerusalem kung saan siya ay dadakpin, paparusahan, papatayin at doon din siya muling mabubuhay. Hindi pumasok sa isip at pang-unawa ng mga alagad ang usapin ng muling pagkabuhay kasi wala naman silang karanasan kung ano ito. Ang napapakinggan nila ay papasakitan siya at papatayin. Alam nila paano pinapasakitan ng mga Romano ang mga kaaway nila at paano sila pinapapatay. Kaya maaaring nanghihina na ang loob ng mga alagad.
Ganado sila noon na sumunod kay Jesus kasi magaling siya magsalita at makapangyarihan siya sa pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Sikat si Jesus sa mga gawaing ito at dinudumog siya ng mga tao. Pero ngayon, tila baga nagbago na ang tono ni Jesus. Ang sinasabi niya ay ang kanyang pagpapakasakit at ang pagpatay sa kanya. Ibang usapan na yata ito. Kaya dinala sila ni Jesus sa bundok upang doon ay bigyan ng assurance na hindi sila nagkamali sa pakikinig at sa pagsunod sa kanya.
Pinasilip sila ng kaluwalhatian ni Jesus. Hindi naman iniwan ni Jesus ang kanyang pagka-Diyos noong siya ay naging tao. Tinakpan lang ang kanyang pagka-Diyos ng kanyang pagkatao. Pero ngayon pinalabas niya ang kanyang anyo ng pagka-Diyos. Napakaganda ang ganitong pangitain na biglang nasabi ni Pedro na huwag na silang umalis doon. Gagawa na lang sila ng mga kubol upang manatili sila sa ganyang kaluwalhatian. Isa pang assurance ay ang pagpapakita ni Moses at ni Elias. Si Moises ay kumakatawan sa mga Batas at si Elias sa mga propeta. Ito ang dalawang mahahalagang bahagi ng Lumang Tipan – ang aklat ng mga Batas at ang aklat ng mga propeta.
Nag-uusap sila kasama ni Jesus at ang pinag-uusapan nila ay ang tungkol sa nalalapit na pagpanaw ni Jesus sa Jerusalem. Ang mangyayari pala kay Jesus ay naaayon sa sinasabi ng mga Batas at ng mga propeta. Ito ay naaayon sa plano ng kaligtasan. At ang pangatlong assurance ay ang tinig na galing sa alapaap na bumalot sa kanila. Ito ay ang tinig ng Diyos Ama na madalas magsalita mula sa ulap. Sabi ng tinig: “Ito ang aking anak, ang hinirang. Siya ang inyong pakinggan.” Hinihikayat ng Ama na sumunod sila kay Jesus. Tama ang kanyang sinasabi. Minamahal siya ng Diyos Ama. Ang karanasang ito ay nagbigay ng lakas sa mga alagad na samahan si Jesus sa Jerusalem kahit na mahirap intindihin o ayaw nilang intindihin ang kanyang mga pangungusap tungkol sa kahirapan, tungkol sa krus at tungkol sa kamatayan. At noong Siya ay muling nabuhay, naalaala nila na nagsalita na pala siya tungkol dito.
Ang pagbabagong anyo ni Jesus ay nagpapalakas din ng loob natin at tinuturo sa atin kung saan tutungo itong pagpepenitensiya, pagdarasal at pagkakawanggawa na ginagawa natin. Ito ay patutungo din sa ating pagbabago. Sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa na sa pagdating ng araw, babaguhin ni Kristo ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati tulad ng kanyang katawan. Kung tayo nga ay nakikiisa sa kanyang pagdadalamhati, makikiisa din tayo sa kanyang kaluwalhatian. Hindi lang natin pagmamasdan ang kanyang kaluwalhatian tulad ng balak ni Pedro. Magiging maluwalahati din tayo tulad niya! Diyan tutungo ang ating mga gawain ngayong kuwaresma!
Kaya sana ngayon huwag tayong mamuhay bilang mga kaaway ng krus ni Kristo. Huwag nating itakwil ang krus. Huwag nating talikdan ang mga kahirapan na dumadating sa ating pagsisikap na maging katulad ni Kristo. Huwag nating gawing diyos ang mga hilig ng katawan. Hindi ito ang nahapin natin. Huwag natin ipagmalaki ang mga bagay na panlupa lamang na lilipas din. Hindi naman tayo panlupa. Dumadaan lang tayo sa lupa pero hindi tayo para rito. Ang tunay na tahanan natin ay makasama ang Diyos. Magpakatatag tayo sa paglalakbay patungo doon.
Pero habang hinahangad natin ang pagpunta sa langit, sikapin din natin na ayusin ang mundong tinitirhan natin dito. Isabuhay na natin sa mundong ito ang kalagayang gusto nating maranasan sa langit. Kapayapaan ang matatamasa natin sa langit. Inaasam ba natin na magkaroon ng kapayapaan sa mundo natin? Nababahala ba tayo na may sumiklab na digmaan sa Ukraine, na ito ay inaapi ng dambuhalang Russia? Mabahala tayo; ipagdasal natin na mapigil na ang digmaan doon at sa iba pang bansa tulad ng sa Yemen at sa Central African Republic. Sa langit panatag ang ating loob kasi doon ay walang kasinungalingan at panlilinlang. Kaya sikapin din natin dito pa lang sa lupa na huwag tayo magpadala sa panlilinlang at ikalat natin ang katotohanan, hindi ang kasinungalingan sa social media, lalo na ngayong panahon ng eleksyon.
Masaya ang langit kasi doon ay may pagmamahalan. Ginagawa ba natin iyan ngayon? Tumutulong ba tayo sa nangangailangan? Nagpapatawad ba tayo sa nagkasala sa atin? Kaya mga kapatid, ang pagbabagong anyo ay hindi lang biglang mangyayari sa atin. Dahan-dahan, sa abot ng ating makakaya, magbago na tayo at sa gayon makikita ng Diyos na handa na tayong baguhin na maging maluwalhati na kasama niya. Kaya magpakatatag tayo sa ating pamumuhay na kaugnay sa Panginoon.