311 total views
3rd Sunday of Lent Cycle C
Ex 3:1-8.13-15 1 Cor 10:1-6.10-12 Lk 13:1-9
Hindi lang tayo nilikha ng Diyos at saka pinabayaan na. Nilikha tayo ng Diyos at patuloy siyang nakikipag-relate sa atin. Patuloy siyang nakikipag-communicate sa atin. Ginagawa niya ito kasi mahal niya tayo. Tinatawag ng Diyos ang ating pansin upang magkaroon tayo ng kaugnayan sa kanya.
Sa unang pagbasa natin, tinawag ng Diyos ang pansin ni Moises sa pamamagitan ng puno na nag-liliyab ngunit hindi nauupos. Nagtaka si Moises at na-curious siya. Pinuntahan niya ang puno na umaapoy at doon nagsalita ang Diyos sa kanya. Sa ating ikalawang pagbasa, sinulat ni San Pablo na tinatawag ng Diyos ang ating pansin sa pamamagitan ng mga pangyayari noon sa kasaysayan ng bayan ng Israel. Ang mga pangyayari sa Bibliya ay para sa atin, upang magbigay ng lessons sa atin. Sa ating ebanghelyo naman, sinabi ni Jesus na ang mga pangyayari sa buhay natin ay may mensahe na galing sa Diyos. Kaya, mga kapatid, ang Diyos ay gumagamit ng maraming paraan upang tawagin ang ating pansin at makipag-communicate sa atin.
Noong lumapit na siya sa punong nagliliyab, pinahayag ng Diyos kay Moises na alam niya ang nangyayari sa mga Israelita sa Egipto. Napakinggan niya ang kanilang mga daing sa pang-aalipin sa kanila at nakikita niya ang kanilang paghihirap. Kaya pinapadala niya si Moises sa kanila upang iligtas sila. Upang paniwalaan si Moises ng mga Israelita, binigay ng Diyos sa kanya ang kanyang pangalan. Siya ay si Yahweh, si AKO NGA, ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob. Hindi nilihim ng Diyos ang kanyang sarili sa atin. Sinabi niya ang kanyang pangalan. Hindi natin sinasabi ang ating pangalan sa basta kani-kanino lang, lalo na ang ating balak. Minsan kapag ako ang tinatanong, “Bishop, saan kayo pupunta?” Naiisip ko sa loob ko, ano ang pakialam mo! Pero alam naman natin na hindi talaga nag-oosyoso sa atin ang nagtatanong. Ito ay isang uri ng pagbati lang. Kaya kontento na sila sa sagot na “diyan lang” o “doon!” Pero ang Diyos ay nagpapaabot sa atin ng kanyang pangalan at ng kanyang balak. Balak niya
ay iligtas ang kanyang bayan at dalhin sa lupa na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno.
At ang balak nga ng Diyos ay kaligtasan. Kaya dapat nating tingnan ang mga pangyayari na nakasulat sa Bible bilang mga aral sa atin upang tayo ay maligtas sa kasamaan. Kahit na matagal na ang mga pangyayari na nasulat sa Bible, at ito ay pangyayari sa mga tao na matagal nang nabuhay, ito ay may kahulugan pa rin para sa atin. Ang mga pangyayaring ito ay mga halimbawa sa atin. Huwag nating tularan ang masasamang ginagawa nila tulad ng pagrereklamo nila at hindi pagpapahalaga sa mga kababalaghan na ginagawa ng Diyos sa kanila. Kahit na napakain sila ng tinapay na galing sa langit at napainom ng tubig na galing sa bato, ang mga bangkay nila ay kumalat sa disyerto kasi mareklamo sila sa Diyos.
Ngayong panahon, dahil sa social communication at sa mass media, mabilis kumalat ang balita sa atin. Ano ang attitude natin sa mga balitang ito? Ito ba ay pinapakinggan lang natin at binabale wala na? Naaawa lang ba tayo sa mga tao na namamatay o nasusugatan? Sinisisi ba natin ang iba dahil sa mga pangyayari at sumasama ang loob natin? Sinasabi ni Jesus na ang mga balita ay mga paraan din ng Diyos upang mag-communicate sa atin. Ang mga ito ay hindi lang tungkol sa iba. Ito ay tungkol din sa atin. Noong panahon niya mayroong dalawang balita na kumalat sa mga tao. May mga taga-Galilea na pinapatay ni Pilato habang sila ay nagdadala ng kanilang handog sa templo. May labing-walong mga tao na nabagsakan ng tore sa Siloam sa Jerusalem. Bakit ba nangyari ang mga ito sa kanila? Dahil ba sa masasamang tao sila? Ayon kay Jesus ang mga pangyayaring tulad nito ay isang panawagan ng Diyos sa mga nakabalita nito na magsisi. Bigla-bigla ang mga pangyayari. Maaari ring mangyari ang mga ito sa atin. Kaya magsisi na tayo.
Wala tayong panahon na magpabaya. Ang kalagayan natin ay tulad ng isang puno na hindi namumunga sa talinhaga ni Jesus. Naghahanap ang may-ari sa atin ng bunga. Hindi lang sapat na nabubuhay tayo. May kabuluhan ba ang buhay natin? Ito ba ay namumunga ng kabutihan? Kung nandito pa tayo at hindi pa pinutol ang buhay natin, ito ay dahil nakikiusap lang si Jesus sa Ama na bigyan pa tayo ng pagkakataon at inaalagaan pa tayo ni Jesus. Pero dapat tayo ay mamunga na. We are just living on borrowed time. Nakiusap lang si Jesus para sa atin.
Ngayong mga tatlong linggo na ang nakaraan, ang laman ng mga balita ay tungkol sa Ukraine. Basta na lang sila ginera ng Russia. Dambuhalang bansa ang Russia na may maraming armas at mga soldado, at may mga nuclear bombs pa. Ang katabing bansa na Ukraine ay hindi kasing yaman at kasing armado ng Russia. Basta na lang itong sinalakay. Kawawa naman ang Ukraine. Aabot na sa tatlong milyon na mga Ukrainians ang lumilikas sa ibang bansa sa Europa. Kaya ang Santo Papa ay nanawagan na tulungan natin ang mga refugees. Kaya may second collection tayo sa misang ito para sa Ukraine. Nananawagan din ng panalangin si Papa Francisco. Ang buong simbahang katoliko ay magdadasal ng consecration ng Russia at ng Ukraine sa Kamahal-mahalang puso ni Maria sa March 25, ang Kapistahan ng Pagbati ng Arkanghel Gabriel kay Maria. Makiisa tayo sa ganitong dasal ng pagtatalaga.
Ang pangyayari sa Ukraine ay nananawagan sa atin na makiisa at makiramay sa mga biktima. Pero ito ay may mensahe rin sa atin sa Pilipinas ngayong naghahanda tayong pumili ng mga leaders natin. Maging maingat tayo sa dambuhalang kalapit na bansa natin. Maging maingat tayo sa Tsina. Huwag tayo basta-bastang magpapadala sa kanila. Hindi natin alam ang balak nila. Kaya, keep distance amigo! Kailangan natin ng leader ng ating bansa na may lakas ng loob na maninindigan para sa ating karapatan sa harap ng Tsina. May salita din ang Diyos sa atin sa pangyayari sa ating panahon ngayon.
Ang kuwaresma ay panahon ng paglapit sa Diyos. Siya ay nagmamahal sa atin. Palagi siyang nagpaparamdam sa atin at inaabot niya tayo. Suriin natin ang banal na kasulatan. Suriin natin ang mga pangyayari sa ating panahon. Sa mga ito nagsasalita ang Diyos sa atin. Basahin natin ang diaryo at basahin natin ang Bible. Pakinggan natin ang balita at pakinggan natin ang Bibliya. Huwag ipasabukas ang ating tugon sa Diyos. Baka wala nang bukas na darating. Mabilis ang mga pangyayari. Ngayon na ang panahon ng kaligtasan. Ngayon na tayo tumugon sa Diyos. If today you hear the voice of the Lord, harden not your hearts.