335 total views
5th Sunday of Lent Cycle A
Ez 37:12-14 Rom 8:8-11 Jn 11:1-45
Naglalaban ang puwersa ng buhay at ang puwersa ng kamatayan. Nararanasan natin ito sa ating buhay. Noong panahon ng pandemya, iwas ng iwas tayo sa anumang magdadala ng sakit. Marami sa nagkakasakit ay inaagaw natin sa kamatayan at ginagamot natin. Sa pang araw-araw na buhay nagsisikap tayo na maging malusog at malinis para hindi magkasakit at humaba pa ang buhay natin. Nilalayuan natin ang bisyo sapagkat nagdadala ito ng sakit at ng gulo na magdadala ng kamatayan. Ang kamatayan ay dala ng kasalanan. Nilalayuan natin at pinagsisisihan ang kasalanan upang mapalayo tayo sa kamatayan.
Ito ang magandang balita, na ganoon tayo kamahal ng Diyos na pinadala ng Diyos ang kanyang kaisa-isang anak upang hindi tayo mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. At iyan nga ang ginawa ni Jesus. Pinapalaya niya tayo sa kuko ng kasamaan, sa kuko ng karamdaman, at sa kuko ng kamatayan. Kaya nagpapagaling siya ng maysakit, nagpapalayas siya ng demonyo, nagpapatawad ng kasalanan at binubuhay ang patay. Si Jesus mismo ay napailalim sa kahirapan at kamatayan pero hindi siya natalo ng mga ito. Nabuhay siyang muli! Ang kapangyarihan ni Jesus sa kamatayan ay pinakita niya sa atin sa kanyang pagbuhay kay Lazaro.
Ang tagumpay sa kamatayan ay tagumpay sa kawalang pag-asa. Nawalan na ng pag-asa ang magkapatid na Marta at Maria ngayong patay na ang kanilang kapatid na si Lazaro. Ang kanilang pagbati at pagsumbat kay Jesus noong makita nila siya ay: “Panginoon, kung kayo ay narito, hindi sana mamamatay ang aking kapatid.” Parang pinaparamdam kay Jesus na ngayong patay na siya, wala na tayong magagawa. Iyan din ang sumbat ng mga tao na kasama ni Maria. “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro.” Wala na siyang magagawa, patay na si Lazaro. Kaya kapag patay na, wala ng pag-asa. Tapos na ang kuwento.
Iyan din ang naging sitwasyon ng mga Israelita noong panahon ni Ezekiel. Bagsak na ang templo nila sa Jerusalem. Nawasak na ang kanilang lunsod. Sila ay mga bihag na sa Babilonia. Wala nang pag-asa na makabalik pa sila muli sa kanilang lupain. Ang turing nila sa kanilang sarili ay mga kalansay na. Patay na, nabubulok na sila sa kanilang libingan. Pero pinasabi ng Diyos kay Ezekiel: “Magpahayag ka. Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay.”
Ganoon nga ang nangyari. Pagkaraan ng pitumpung taon, nakabalik ang mga Israelita sa Judea at pagkaraan pa ng ilang taon, naitayo muli nila ang kanilang lunsod at templo sa Jerusalem. Ganoon din ang ginawa ni Jesus kay Lazaro. Kahit na apat na araw na siya sa loob ng libingan at maaaring nangangamoy na sa kabulukan, pinabuksan ni Jesus ang kanyang libingan at tinawag siya: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga siya. Buhay uli si Lazaro! Sa labanan ng buhay at kamatayan, nagwawagi ang buhay.
Pinadala ng Diyos ang kanyang anak upang bigyan tayo ng buhay. Hindi niya tinanggal ang kamatayan. Niligtas na tayo ni Jesus at namamatay pa rin tayo, pero may bagong buhay sa kabila ng kamatayan. Ang huling salita ay ang buhay at hindi ang kamatayan.
Manalig tayo sa buhay. Kumampi tayo sa buhay. Sa ating panahon ngayon, patuloy pa rin ang labanan ng buhay at ng kamatayan. Ang nakakalungkot ay maraming tao ay nasa panig ng kamatayan. Sumusunod sila sa kultura ng kamatayan. Naniniwala sila na ang kamatayan ay ang solusyon sa mga problema natin. Iyan ang paniniwala ng mga tao na para sa kanila digmaan at ang mga armas ang solusyon. Kaya mayroong digmaan sa Ukraine, kaya mayroong digmaan sa Myanmar, kaya mayroong digmaan sa Central African Republic at sa marami pang parte ng mundo. Kaya nagpaparami ng armas ang China. Nagtatangka silang kunin ang Taiwan at ang West Philippine Sea sa pamamagitan ng dahas, sa pamamagitan ng armas.
Pero huwag na tayong tumingin lang sa ibang bansa sa paglaganap ng kultura ng kamatayan. Dito rin sa atin ay may mga tao na ang solusyon nila sa problema ay kamatayan: nandiyan iyong naniniwala na mawawala na ang problema kung sila ay magbigti – kaya dumadami ang suicide. May mga naniniwala na abortion ang solusyon sa problema, kaya nagpapalaglag, pinapatay ang bata na wala namang kalaban-laban para makaiwas sa problema. Nandiyan iyong nilulunod ang kahirapan sa pamamagitan ng pag-iinom o ng droga, mga solusyon na nakakasira ng buhay. May mga naniniwala na kailangang iligpit ang masasamang tao para huwag nang kumalat ang kasamaan. Kaya pinapatay ang drug addicts, pinapapatay ang pinaghihinalaan na masamang tao o karibal sa posisyon, kaya nandiyan ang political killings, ang red-tagging ng mga naninindigan para sa katarungan. Ang mga ito ay mga iba’t-ibang mukha ng kultura ng kamatayan.
Hindi sila magwawagi, kasi ang kamatayan ay hindi solusyon. Ang solusyon ay buhay. Sinabi ng Diyos: Ayaw ko ang kamatayan ng masasama. Ang kasamaan ay mawawala, hindi sa pagpapatay ng masasamang tao, kundi sa pagpapatawad at pagbabago sa kanila. Ito ang ginawa ni Jesus. Siya na ang tumanggap ng parusa na para sa ating kasamaan. Siya na ang nag-alay ng sarili niya para tayo ay mapatawad, magbago at magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sa pagtutunggali ng buhay at ng kamatayan, kanino tayo panig? Tayo ba ay nagbibigay buhay o nagdadala ng kamatayan? Sa pakikitungo natin sa iba, nagbibigay ba tayo ng sigla sa buhay o kalungkutan at takot? Manindigan tayo sa buhay! Mas makapangyarihan ito kaysa kamatayan!