301 total views
4th Sunday of Lent Cycle C
Joshua 5:9-12 2 Cor 5:17-21 Lk 15:1-3.11-32
Noong March 25 itinalaga natin ang Ukraine at Russia sa Kalinislinisang Puso ni Maria sa pag-asa na magkaroon na ng kapayapaan sa digmaan sa Ukraine. Nababalitaan natin ang malaking pinsala ng digmaang ito at malakas ang panganib na maaaring kumalat ang apoy ng labanan sa ibang bansa sa Europa at magkaroon pa nga ng World War III.
Hindi magkakaroon ng kapayapaan kung walang pakikipagkasundo. Ang pagkikipagkasundo lang ang makapagpapatigil ng pagdanak ng dugo. Nakikita natin dito ang kahalagahan ng pakikipagkasundo.
Ipinadala ng Diyos ang kanyang anak upang magkaroon ng pakikipagkasundo dito sa mundo,pakikipagkasundo ng mga tao sa isa’t-isa at pakikipagkasundo ng mga tao sa Diyos. Magkakaroon ng pakikipagkasundo kung may kapatawaran. Malaki na ang damage na ginawa ng guera at mas lalong malalaki ang damage na dala ng kasalanan. Pero handa na ang Diyos na magpatawad, kaya nga pinadala na niya ang kanyang Anak sa atin at namatay na si Jesus para sa atin. Sinulat ni Pablo na tayong mga Kristiyano ay mga tagapagdala ng mensahe ng pakikipagkasundo. Magbalik loob na tayo at makipagkasundo. Ito ang mensahe natin sa buong mundo at sa bawa’t tao
Ang mensaheng ito ay para sa lahat – sa mga mabubuti at sa masasama. Lahat ay tinatawag na magbalik loob sa Diyos at sa kapwa, kaya nga noong Miyerkules ng Abo lahat tayo ay tumanggap ng abo sa ating noo.
Sa ating ebanghelyo ang dalawang anak ng tatay ay kailangang magsisi, magbalik-loob, at makipagkasundo. May masayang party na nag-aantay sa dalawa sa bahay ng tatay. Maliwanag na kailangan ng bunsong anak ang pagsisisi. Talagang masama siya. Kinuha ang kanyang mana na buhay pa ang tatay, umalis siya ng bahay, nilustay ang kayamanang minana na pinaghirapan ng tatay, at bumalik lang siya sa bahay ng tatay kasi desperado na siya. Naubos na niya ang lahat ng kayamanan na minana niya. Wala na siyang makain. Doon na lang siya natauhan. Kahit na may self-interest ang kanyang pagbalik sa tatay, tinanggap siya ng kanyang ama nang walang pasubali. Nilagyan ng singsing ang kanyang kamay at ng sandalyas ang kanyang paa. Binigyan siya ng bagong damit at nagpaparty pa. Ganyan ang ating Ama sa langit. Kaunting pahiwatig lang ng pagsisisi, kahit na imperfect pa, ay wini-welcome na niya with open arms. Talagang buo ang pagtanggap sa atin. Kaya huwag na tayong magduda o mag-alinlangan na magsisi, na baka i-snob tayo ng Diyos
, na baka pagalitan tayo, o hiyain tayo. Hindi ganyan ang ating Ama. Palagi siyang nakaabang at tumitingin-tingin kung may kaunting kahandaan na tayo na bumalik sa kanya. Siya pa ang sasalubong sa atin.
Kailangan din na magsisi at bumalik loob ang panganay na anak na hindi umalis ng bahay at hindi tumigil na magtrabaho para sa pamilya. Maaaring ang kanyang pagbabalik-loob ay hindi sa tatay – hindi naman siya umalis, pero sa kanyang kapatid. Habang wala pala ang kanyang bunsong kapatid, nagngingitngit ang kanyang loob laban sa kanya, na naggo-goodtime lang siya habang siya ay nagpapakaalipin sa pagtatrabaho sa bahay. Kaya noong bumalik ito, hindi niya siya matanggap. Ayaw niyang pumasok sa party at makipagsaya. Hindi siya masaya. Galit pa nga siya. Hindi naging buo ang kanyang pagiging anak sa bahay ng kanyang tatay kasi hindi niya matanggap ang kapatid niya. Hindi natin alam kung siya ay nadala ng pakiusap ng tatay, na lumabas pa ng bahay para lang kaunin siya.
Mayroon din sa atin na akala natin maayos ang ating relasyon sa Diyos kasi ginagawa natin ang lahat ng tungkulin sa ating relihiyon – ang pagdarasal, ang pagsisimba, ang mga nobena at mga prusisyon. Pero maayos ba ang ating pagtanggap sa ating mga kapatid, lalo sa mga kapatid natin na hindi kasing relihiyoso kaysa atin? Nagsasaya ba tayo na maayos ang kanilang buhay o nagngingitngit tayo na mas maganda ang buhay nila kaysa atin na tapat naman sa Diyos? Nagsasaya ba tayo na may mga bagong miyembro sa ating simbahan at sa ating samahan sa simbahan, o ayaw natin na ibahagi sa kanila ang ating mga gawain o mga posisyon? Kaya ang pakikipagkasundo ay kailangan ng lahat. Kailangan natin na mas maging anak ng Ama at mas maging kapatid sa isa’t-isa. Hindi tayo tunay na anak at maging masasayang anak kung hindi natin matanggap ang lahat na ating kapatid, lalo na ang nawawala!
Gusto ng Diyos na i-restore tayo sa ating katayuan sa harap niya. Sa ating unang pagbasa narinig natin ang pagpasok ng mga Israelita sa lupang ipinangako sa kanila. Nawala sila sa lupain ng Canaan nang 430 years. Dumaan sila sa diyerto ng apatpung taon bago sila nakapasok sa lupang hinirang. Sa wakas nakatawid na sila sa ilog Jordan, ang boundary nito. Nakakain na sila ng mga bunga ng mga tanim ng lupain. Tumigil na ang pagdating ng manna, ang tinapay na galing sa langit. Nawala na ang kahihiyan ng kanilang pagkaalipin sa Egipto. Hindi na sila alipin o dayuhan. Malaya na sila. Nasa lupain na sila na pinangako sa kanila.
Ganito ang ating layunin, na maging tunay na malayang mga anak sa tahanan ng Ama. Wala nang alitan, wala nang digmaan, wala nang kamatayan, papahiran na ang mga luha ng pagdurusa sa ating mga mata. Masaya ang ating patutunguhan. Papunta tayo sa party ang mga anak ng Diyos. Nasa kalagitnaan na tayo ng kuwaresma, nasa 21st day ng 40 days ng kuwaresma. Tingnan natin na ang ating pagsisikap ay tutungo sa masayang pagtatapos. Huwag tayong manghina sa ating mga efforts. Kaya ngayong Linggo ay tinatawag na Laetare Sunday, Linggo ng kasiyahan. Ang kulay sa simbahan ngayong Sunday ay hindi violet kundi pink, kulay rosas, isang kulay na mas masaya kaysa violet. Itong pagsisikap na magpakabuti, na bumalik sa Ama o makiisa sa ating mga nawawalang kapatid ay patungo sa isang party – ang party na ginagawa ng ating Tatay sa langit. Kinatay na ang pinatabang guya, maraming pagkain doon, maraming masasarap na inumin. Lahat ay inaanyayahan. Bumalik na tayo sa Ama. Kaya ang panawagan ng Diyos sapamamagitan natin ay: makipagkasu
ndo na tayo sa Diyos at sa isa’t isa. No more war! Itigil na ang digmaan at ang sama ng loob. Maging isang pamilya na lang tayong lahat!
Pero ang mga tao ay hindi magiging magkakapatid kung wala tayong Ama na kinikilala. Ito ang malaking pagkakamali ng tao sa mundo ngayon. Gusto natin na magkaroon ng kapatiran ang mga tao pero hindi naman natin kinikilala ang iisang Diyos na ating Ama. A godless society cannot bring about human brotherhood. Sa ating ebanghelyo ang nagsisikap na pag-isahin ang pamilya ay ang tatay. Magkakaisa tayo bilang magkakapatid kung tayo ay lalapit sa tahanan ng Ama.
Bishop Broderick Pabillo