44,665 total views
3rd Sunday of Lent Cycle B
Ex 20:1-17 1 Cor 1:22-25 Jn 2:13-25
Kilala natin si Jesus na isang taong malumanay, mapagpatawad at mapagpasensya. Siya ay matulungin sa nangangailangan at madaling lapitan. Pero kakaibang Jesus ang napakinggan natin ngayon sa ebanghelyo. Pinagtabuyan niya ang mga taong nagtitinda sa templo, hinagupit ang kanilang mga hayop na pinapangalakal at pinagtataob ang mga lamesa ng mga namamalit ng pera. Galit si Jesus. Ang galit niya ay dala ng kanyang pagmamalasakit sa tahanan ng Diyos. Kaya sinabihan niya ang mga tao: “Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” Ang kanyang pagmamalasakit ay parang apoy na lumalagablab sa kanyang dibdib. Totoo, ang mga business na ito ay kailangan sa kanilang pagsamba. Ang mga hayop na pinagbibili ay inaalay sa templo. Ang mga tao ay nagpapalit ng pera para may maialay sa templo. Pero dahil sa pangangalakal na ito nagiging parang palengke na lang ang labas ng templo.
Hindi lang si Jesus ang nagalit. Tayo ay nagagalit din. Nasisigawan natin ang iba at napapalo pa nga o nasasampal. Pero madalas ang ating galit ay dahil sa nasaktan tayo ng sinabi o ginawa ng iba. Nainsulto tayo! Hindi tayo pinansin o pinahalagahan. Ang dahilan ng galit natin ay ang sarili. Nagagalit din ba tayo sa kawalan ng katarungan sa iba tulad ng paglapastangan sa Karapatang Pantao ng iba, o sa pagkasira ng kalikasan, o sa panlilinlang sa kapwa tulad ng nangyari sa pagpapapirma ng people’s initiative kuno? Kung magalit man tayo, magalit tayo sa pang-aabuso ng iba at sa mga pagsasamantala na nangyayari. Kaya may tinatawag na righteous anger, o makatarungang pagkagalit.
Ang katibayan na binigay ni Jesus na may kapangyarihan siya na gawin ang ginawa niya ay ang kanyang muling pagkabuhay. Ang templo na gigibain at itatayo pagkatapos ng tatlong araw ay hindi ang templong bato sa Jerusalem ngunit ang templo ng kanyang katawan. Patayin o sirain man ito, itatayo uli ito sa ikatlong araw. Ang kanyang muling pagkabuhay ay ang pinakatanda na pinadala siya ng Diyos at kumikilos siya sa pangalan ng Diyos.
Ang templo ay ang tagpuan ng Diyos at ng tao. Hindi na ang templo sa Jerusalem ang tagpuan ng Diyos at ng mga tao. Kay Jesus natin matatagpuan ang Diyos. Kaya bumibisita tayo sa simbahan at pumupunta tayo sa simbahan kasi doon matatagpuan natin si Jesus sa Banal na Sakramento at sa sama-sama nating pagdarasal.
Hindi lang ang katawan ni Kristo ang templo ng Diyos. Sinabi din sa Bibliya na ang katawan natin ay ang templo ng Espiritu Santo. Nananahan sa atin ang Espiritu ng Diyos at si Jesus mismo ay pumapasok sa ating katawan sa Banal na Komunyon. Sana may malasakit din tayo maging malinis at maayos na tahanan ng Diyos ang ating katawan. Iwaksi natin ang lahat ng kasamaan sa ating sarili. Ang kuwaresma ay ang panahon ng paglilinis ng ating puso.
Binibigyan tayo ngayon ng gabay kung paano manatiling malinis ang ating puso at ang ating katawan. Paano? Sa pagsunod ng sampung utos ng Diyos. Ang sampung utos na ating narinig sa ating unang pagbasa ay hindi pabigat sa ating buhay. Binigay ito ng Diyos pagkatapos na makalaya na ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto. Binigay ang mga utos na ito upang tayo ay manatiling malaya at hindi maging alipin ng kasamaan. Mas mabigat ang pagkaalipin na ito kaysa ang pagkaalipin sa Egipto.
Ang sampung utos ay nahahati sa dalawa, mga utos tungkol sa relasyon natin sa Diyos at mga utos tungkol sa relasyon natin sa kapwa. Nauuna ang tatlong utos tungkol sa Diyos kasi magkakaroon lamang tayo ng maayos na relasyon sa kapwa kung maayos ang ating relasyon sa Diyos. Mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat. Kaya siya lamang ang ating kikilalaning Diyos at sasambahin. Ibigay natin ang buong paggalang sa kanya, kaya huwag paglaruan ang kanyang pangalan. Kung talagang mahalaga siya bibigyan natin siya ng naaangkop na panahon upang siya ay sambahin. Kaya ipangilin natin ang Araw ng Panginoon na para sa atin ay ang araw ng Linggo.
Sa ating kapwa naman ibigay natin ang nararapat na paggalang at pagkalinga – sa mga magulang, sa asawa at sa mga anak. Igalang natin ang buhay ng lahat. Huwag tayo papatay, lalo na ng mga bata. Ang lahat ng buhay ay galing sa Diyos kaya ito ay tanggapin at pangalagaan. Ang bawat tao ay may karapatan din sa katotohanan – kaya huwag magsinungaling at manirang puri. Kasama ng paggalang sa kapwa ay ang paggalang sa kani-kanilang ari-arian. Kaya huwag magnakaw. Kasama dito ay huwag maging corrupt kasi ang corruption ay pagnanakaw, at ang ninanakawan dito ay ang maliliit na tao.
Pero hindi lang sapat na hindi tayo gagawa ng masama. Huwag din tayo babalak ng gagawa ng masama. Pati ang intention natin ay maging maayos. Sa pagnanasa palang nagkakasala na tayo, sapagkat sa masasamang pagnanasa sa kapwa at sa kanyang ari-arian nagsisimula nang mabuo ang kasamaan.
Linisin po natin ang ating sarili upang maging kaakit-akit tayong tahanan ng Diyos. Ang batayan ng maayos na pamumuhay ay binigay sa atin sa Sampung Utos. Maaari nating i-summarize ang mga utos na ito sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Kaya nga ang sampung utos ay hindi pabigat sa ating buhay. Sila ang nagiging gabay sa atin paano ibigin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa tulad ng ating sarili.