249 total views
5th Sunday of Easter Cycle C
Acts 14:21-27 Rev 21:1-5 Jn 13:31-35
“Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos.” Ito ang sinabi ni Pablo at ni Bernabe upang palakasin ang loob ng mga mananampalataya. Kapanipaniwala ang payong ito na galing sa dalawang misyonerong ito kasi naranasan nilang sila’y inusig sa Antioquia ng Pisidia at pinatapon sa labas ng lungsod, na sila’y tinangkang batuhin sa Iconio, at si Pablo ay talagang binato sa Listra at iniwan na halos patay na. Hindi naging madali ang landas nila, pero binalikan nila ang mga lungsod na iyon at pinatatag ang mga Kristiyano doon. Hindi sila tumigil kasi kinontra sila at itinuring na talunan.
Gayon din tayo pagkatapos ng election. Mayroon tayong pangarap sa bayan kaya tayo ay naging aktibo sa halalan, kaya tayo nangampanya sa ating mga kandidato. Hindi naman tayo lumahok kasi tayo ay nabayaran. Lumahok tayo kasi mayroon tayong pangarap ng magandang bukas para sa lahat. Natalo man o nanalo ang ating kandidato, huwag namang bitiwan ang ating pangarap. Natikman na nating lumahok, patuloy tayong makialam at makiisa. Totoo, magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos at bago matamo ang ating pangarap.
Ang larawan ng kaharian ng Diyos na ating isinusulong ay isinalarawan sa atin sa ating ikalawang pagbasa: isang bagong langit at bagong lupa. Hindi ba ito rin ang ating inaasam – pagbabago? Wala na ditong kamatayan – wala nang extra judicial killings, wala nang dalamhati at pag-iyak kasi walang trabaho at madaling pagbintangan na rebelde, at wala na ring sakit kasi natutugunan ang mga may karamdaman. Wala na ang mga dating bagay. May pagbabago na. Panghawakan at isulong natin ang mga pangarap na ito kahit na sino pa man ang mamumuno.
Ang pagbabagong ito ay hindi lang gawa ng kamay ng tao. Sinabi sa atin na ang bagong langit at lupa ay tulad ng bagong Jerusalem na bumaba mula sa langit. May kinalaman ang Diyos dito. Galing ito sa langit, hindi sumibol sa lupa. Sa totoo lang, mangyayari ang pagbabago kasi ang Diyos ay kapiling ng mga tao. Sa bagong Jerusalem na ito ang Diyos ay nananahan na kasama natin. Kaya huwag nating bitawan ang pangarap natin at isama natin ang Diyos sa pagkilos natin.
Lahat ng kandidato ay nangangako ng pagbabago pero walang pagbabago ang nangyari kasi pinaubaya natin sa kanila ang pagbabago at hindi natin isinasama ang Diyos sa pagkilos ng pagbabago. Ang tunay na pagbabago ng mundo ay mangyayari kung ito ay manggagaling sa mga tao at kung ang Diyos ay mananatili sa piling natin. Noong panahon ng kampanya nakita nating kumilos ang mga tao. Marami ang nagkusa at nagbigay ng panahon, talino’t yaman. Naramdaman natin noon ang pagbabago. Ipagpatuloy natin ang kusang paglahok sa ikabubuti ng bayan. At isama natin ang Diyos.
Paano natin maisasama ang Diyos? Sinabi sa atin sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ay pag-ibig at kung nasaan may pag-ibig nandoon ang Diyos. Anumang ginagawa natin ng may pag-ibig, naroon ang Diyos. Kaya ang panawagan na “It is more radical to love” ay patuloy. Pag-ibig ang dapat tumulak sa atin – pag-ibig sa bayan, pag-ibig sa nasa laylayan ng lipunan, pag-ibig sa Diyos. Kumilos tayo! Mag-ambag tayo! At gawin natin ito nang may pagmamahal.
Mas radical ang pag-ibig na hinihingi sa atin. Sinabi ni Jesus sa ating ebanghelyo na nagbibigay siya ng bagong utos. Pero ang pag-ibig ay hindi na bagong utos. Ito ay tinuturo din ng lahat ng mga relihiyon. Ang utos na magmahal ay sinabi na rin ni Moises sa Lumang Tipan. Ano ang bagong utos na binigay ni Jesus? Sabi ni Jesus: “kung paano iniibig ko kayo, gayun din mag-ibigan kayo.” Ito ang bago: umibig ayon sa pag-ibig ni Jesus, magmahal tulad ni Jesus. Ang pagmamahal ni Jesus ay pinapakita niya sa pagkapako sa kanya sa krus. Jesus on the cross is the love of God for us. Ibinigay niya ang buong sarili niya para sa atin. Siya ay namatay upang tayo ay mabuhay. Ang pag-ibig na ito ay nagbigay ng bagong buhay. Siya ay muling nabuhay! Nagdala ng pagbabago ang pagkamatay ni Jesus.
Maaaring magdahilan tayo – hindi natin iyan kaya. Magbigay ng lahat para sa iba? Kaya ba natin iyan? Pero, teka! Hindi ba nagawa iyan ng marami noong panahon ng pangangampanya? Lumakad sila ng malayo at tumayo ng matagal na may pasensya. Kahit na pagod at nasa ilalim ng init ng araw o nauulanan, walang gulo ang nangyari. Hindi umiinit ang ulo ng tao. Sa halip nagtutulungan pa nga. At nagbibigayan – ng pagkain, ng tubig, ng tulong sa bawat isa. Nakayanan natin. May mga nagtrabaho ng higit pa sa labing walong oras araw-araw. Walang bayad ang mga ito. Ito na iyong mga larawan ng pag-ibig tulad ng pag-ibig ni Jesus. Nagawa ng marami. Magagawa din natin. Huwag lang mawala ang ganitong karanasan ng pag-ibig. Ipagpatuloy natin ito.
Isang magandang bagay na ipinamalas sa atin ng halalang ito ay kaya nating umibig at magsakripisyo para sa bayan. Maaari bang ugaliin na natin ito? Kahit na tapos na ang halalan, huwag sana mawala ang energy natin, ang pangarap natin na makiisa. Huwag na tayong magtago sa comfort zones natin. Lumabas tayo at makilahok.
Isa ring tanda ng pag-ibig na ito ay ang ating pag ha-house-to-house. Siguro naman sa pagha-house-to-house natin hindi lang tayo nagsalita at nangampanya. Nakinig din tayo sa tao at nakita ang kanilang kalagayan. Ngayong tapos na ang halalan sana manatili sa ating puso ang kalagayan ng mga mahihirap na ating nakatagpo. Sana namulat ang ating mga mata sa kahirapan ng mga nasa tabi-tabi ng lipunan. Balikan natin uli sila, tulungan sila at makiisa sa kanila. Lapitan uli natin at kausapin ang mga ordinaryong tao na nasa paligid natin – mga drivers, mga delivery boys, mga labandera, mga clerks at mga tindera. Hindi na tayo mangungumbinsi kung sino ang iboboto. Patuloy na lang tayong makipagkapwa tao at makiisa sa kanila. It is radical to love.
Kaya natin na magkaroon ng bagong langit at bagong lupa. Pahiran na natin ngayon ang mga mata na lumuluha. Pasikatin na natin ang liwanag ng katotohanan. Makialam na tayo sa takbo ng lipunan. Gamitin natin ang ating mga creative talents na maglikha ng makulay na mundo. Now is the time not to analyze and dissect. Now is the time to act with love, pag-ibig na tulad ng kay Jesus, pag-ibig na buo, at pag-ibig para sa mga nasa tabi ng lipunan.