289 total views
6th Sunday of Easter Cycle C
Acts 15:1-2.22-29 Rev 21:10-14.22-23 Jn 14:23-29
Ang mga taong malapit nang umalis ay may mga habilin. Ang mga habilin na ito ay mahahalagang bagay lalo na kung matagal-tagal siyang mawawala. Kaya sa mga airports makikita natin ang mga tatay o nanay ay nagbibigay ng mga habilin sa kanilang mga anak bago sila lumipad sa ibang bansa. Mas lalong mahalaga ang habilin ng isang malapit nang mamamatay. May mga habilin siya sa kanyang mga anak o sa kanyang asawa. Tayo rin, pinapahalagahan natin ang mga huling habilin sa atin. Pinanghahawakan natin ito. Ito ang mga alaala natin sa umalis at ang pagtupad ng mga ito ay tanda ng ating pagpapahalaga sa kanila.
Panghawakan natin ngayon ang mga salita ni Jesus na ating narinig. Ito ay mga habilin niya bago siya mamatay. Naghahapunan sila noon ng kanyang mga alagad. Ito ang magiging huling hapunan nila, at alam ito ni Jesus. Maaari din nating ituring ang mga salitang ito na habilin niya bago siya umakyat sa langit. Sa susunod na Linggo ipagdiriwang na natin ang pag-akyat niya sa langit. Babalik na siya sa kanyang Ama. Kaya mas lalong naging mahalaga ang mga habiling ito. Dalawa ang mga ito: Ang kanyang salita at ang kanyang kapayapaan.
Mawawala na si Jesus sa ating piling pero mananatili siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang salita. Ang pagtupad ng kanyang salita ay ang tanda ng pag-ibig natin sa kanya. Noong nandito pa si Jesus, naipapakita ng mga tao ang pagmamahal nila sa kanya sa pagsilbi sa kanya, tulad ng ginawa ni Marta noong tinanggap niya si Jesus sa kanyang bahay o tulad ng mga babae na sumasama kay Jesus at pino-provide nila ang pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Ngayon maaari pa rin nating ipakita ang pagmamahal natin sa kanya. Maliwang ang sinabi niya: “Ang sinumang nagmamahal sa akin ay tumutupad ng aking salita.” Mahalaga ang salita ni Jesus kasi ito ay galing sa Diyos Ama na nagpadala sa kanya. Wala naman siyang sinasabi maliban sa narinig niya sa kanyang Ama. Kaya sa pagtupad natin ng Salita ni Jesus pinapakita natin ang ating pagmamahal sa kanya at sa Diyos Ama.
Ganoon kahalaga ng Salita ni Jesus na ipapadala ang Espiritu Santo upang ipaalaala sa atin ang lahat ng sinabi ni Jesus at upang turuan tayo. Ayaw ni Jesus na mawala tayo sa landas ng katotohanan kasi aalis na siya na ating tagapagturo. Kaya nandiyan ang Espiritu Santo, ang Espiritu ng katotohanan na magiging gabay natin.
Hindi dahil sa ibibigay sa atin ang Espiritu Santo madali na lang ang buhay natin. Magiging maliwanag na ang lahat. Hindi na tayo kailangang magsaliksik at mag-isip. Hindi ganyan! Ito ay naranasan ng simbahan na nakasulat sa aklat ng Mga Gawa ng Mga Apostol sa ating unang pagbasa. Nagkaroon ng matinding debate noon. Ang nakataya ay paano ba tayo maliligtas. Totoo, si Jesus ang manliligtas. Siya ang Kristo na ipinangako ng Diyos. Ang pinag-uusapan noon, paano ba natin matatanggap ang kaligtasan na binigay ni Jesus? Sabi ng isang pangkat ng mga Kristiyano: kailangan munang sumunod sa mga batas ni Moises at magpatuli bago mabinyagan ang mga hindi pa Hudyo. Si Jesus ay Hudyo, ang mga apostol ay mga Hudyo. Ang unang mga Kristiyano ay mga Hudyo. Kaya madaling akalain na maging Hudyo muna ang isang tao sa pamamagitan ng pagtutuli sa kanya bago siya mabinyagan. Sabi naman ni Pablo at ni Bernabe na hindi na kailangan dumaan sa pagtutuli. Sapat na na maniwala kay Jesus upang ang isang tao ay mabinyagan at maging tagapagmana ng mga pangako ng Diyos. Naranasan nila ito.
Ibinibigay din ang mga biyaya ng Espiritu sa mga hindi Hudyo. Hindi magkasundo ang dalawang pangkat. Nagiging mainit lang ang pag-uusap. Upang magkaroon ng kaliwanagan sa usaping ito, nagpasya ang mga Kristiyano sa Antiochia kung saan nagsimula ang kontrobersyang ito na isangguni ito sa mga apostol sa Jerusalem. Nagkaroon ng konseho ang mga leaders sa Jerusalem at pagkatapos ng mahabang pag-uusap, kung kailan nagbigay si Pedro ng kanyang karanasan at kung saan sinaliksik nila ang Banal na Kasulatan, naglabas sila ng desisyon. Itinuring nila ito na desisyon nila at desisyon ng Espiritu Santo. Naramdaman nila na ginabayan sila ng Espiritu Santo sa kanilang sama-samang pag-uusap, pagninilay at panalangin. Ang desisyon: Hindi na kailangan na magpatuli bago mabinyagan. Sapat na ang pananampalataya kay JesuKristo. Ang desisyong ito ay pinaabot sa mga tao sa pamamagitan ng sulat at ng patotoo ng mga pinadala ng konseho: si Silas at si Justo Barsabas. Hindi pinababa
yaan ng Espiritu Santo ang simbahan. Ginagabayan nito pero kailangan ding magsikap ang simbahan na hanapin ang kagustuhan ng Diyos sa kanilang sama-samang pag-uusap at pagninilay.
Ang habilin ni Jesus ay ang kanyang salita na dapat nating alamin at sundin. Kaya mahalaga ang pakikinig ng Salita ng Diyos at ang pagbabasa ng Bibliya. Mahalaga din ang pagmamasid sa mga pangyayari at ang pagdarasal. Diyan natin natatagpuan ang salita ni Jesus: sa Banal na Kasulatan, sa pangyayari sa ating buhay, sa ating panalangin at sa gabay ng simbahan.
Isa pang habilin ni Jesus ay ang kapayapaan. Sinabi niya na ibibigay niya sa atin ang kanyang kapayapaan, pero hindi tulad ng pagbibigay ng kapayapaan ng mundo. Kasalukuyang may digmaan sa Ukraine – halos tatlong buwan na! Ang gulong ito ang laman ng mga balita. Pero mayroon ding ibang mga digmaan na nangyayari sa ibang bahagi ng mundo, tulad sa Yemen, sa Sudan, at sa Myanmar. Bihira na ito nababalita. Ang lahat naman ay nakikipagdigma na dinadahilan na sila ay nakikipaglaban para sa kapayapaan. Hindi pa ba natin nakikita na ang digmaan ay hindi nagdadala ng kapayapaan? Na ang away ay hindi magdadala ng pakikipagkasundo? Ang kapayapaan ay makukuha lamang sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan. Pero ito lang ang paniniwala ng mundo: makuha ang kapayapaan sa pagtalo sa kaaway. Hindi ito nangyayari. Dumadami lang ang gulo at ang mga giyera.
Paano binigay ni Jesus sa atin ang kapayapaan? Hindi sa pakikipag-away sa mga mapang-api na mga Romano at mga sinungaling at mapagbintang na mga Hudyo. Hindi siya nakipag-away. Minahal niya sila. Ipinagdasal pa nga niya sila kasi hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Ang pagkapako sa Krus ni Jesus ay ang patunay na mahal niya sila at mahal niya tayo. Sa kanyang sugat tayo ay gumaling. Siya na ang tumanggap ng parusa para sa atin. Talagang mahal niya tayo. Ang pagmamahal na ito ay nagdadala ng kanyang kapayapaan. Kaya tanggapin natin ang kapayapaan ni Kristo. Kaya anuman ang mangyari, huwag tayong matakot at mabalisa. Nandiyan si Jesus. Hindi niya tayo pababayaan. Kung naibigay na niya ang kanyang buhay para sa atin, anupa ang hindi niya maibibigay upang mapasaatin ang kanyang kapayapaan?
Ang Salita at ang Kapayapaan ang habilin ni Jesus bago siya mamatay at bago siya umakyat sa langit. Nakuha na niya ang kapayapaan para sa atin. Tanggapin natin ito. Huwag na tayong matakot at mabalisa. Sumunod na lang tayo sa kanyang salita. Sa pagsunod sa Salita ni Jesus ipinapakita natin na mahal natin siya. Mabuti ang kanyang salita. Mapagkakatiwalaan natin ito. Dadalhin tayo nito sa kapayapaan at sa kaganapan ng buhay dito sa lupa at sa buhay na walang hanggan.