319 total views
Pentecost Sunday Cycle A
Acts 2:1-11 1 Cor 12:3-7.12-13 Jn 20:19-23
Ang Pentekostes ay isang dakilang kapistahan ng mga Hudyo na nangyayari tuwing ika-limampung araw pagkatapos ng kapistahan ng Paskua. Ipinagdiriwang nila dito ang pagbibigay sa kanila ng Batas ni Moises doon sa bundok ng Sinai. Ang mga batas na ibinigay ng Diyos kay Moises ay isang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa bayan ng Israel. Ito ay isang batas na puno ng karunungan at sa pagtupad nila dito nakasalalay ang katapatan nila sa kanilang kasunduan sa Diyos. Sa araw ng Pentekostes, ang mga Hudyo sa ibang bahagi ng bansa at ng mundo ay gumagawa ng pilgrimage sa Jerusalem. Dahil dito maraming mga Hudyo na galing sa ibang bansa ay nasa Jerusalem sa araw na iyon.
Noong araw ng Pentekostes, habang nagdarasal ang mga alagad ni Jesus sa isang kuwarto, bumaba ang Espiritu Santo sa kanila sa anyo ng dilang apoy na lumapag sa ulo ng bawat isa at ng malakas na hangin na nayanig ang bahay na kinaroroonan nila. Nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanila. Nakapagsasalita na sila ng iba’t-ibang mga lenguahe. Nagkaroon na ng tapang ang mga alagad na magsalita sa harap ng mga tao. Nawala na ang kanilang takot. Nagsalita din sila sa paraan na naunawaan ng nakikinig sa kanila kahit na sila ay galing sa iba’t-ibang mga bansa. Iyan ang version ni Lukas sa aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol sa ating unang pagbasa.
Kakaiba naman ang version ni San Juan sa pagbigay ng Espiritu Santo na narinig natin sa ating ebanghelyo. Ito ang nangyari sa gabi ng araw mismo ng Linggo ng Pagkabuhay ni Jesus. Walang ibang tao noon, ang mga alagad lang. Nakapinid ang pintuan pero si Jesus na muling nabuhay ay tumayo sa harap nila. Isinugo sila na magpahayag, at siya mismo ang nagbigay ng Espiritu sa kanila. Hiningahan niya ang mga alagad nang malumanay, hindi malakas na hangin na nakatawag ng pansin ng mga tao ang dumating. Ibinigay niya sa mga alagad ang kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan.
Magkaiba ang dalawang version ngunit magkapareho ang kahulugan. Ang Espiritu Santo, na walang iba kundi ang kapangyarihan na galing sa Diyos, ay dumating sa mga alagad sa pamamagitan ng hangin. Ngayon naipagpapatuloy na ng mga alagad ang misyon ni Jesus – ang misyon ng pagpapahayag at misyon ng pagpapatawad.
Ang Espiritu Santo ay ang dahilan kung bakit hanggang ngayon naipagpapatuloy ng simbahan ang kanyang gawain. Walang magagawa ang simbahan at ang mga kristiyano kung hindi dahil sa Espiritu Santo. Sinulat ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa na hindi man masasabi ninuman na Panginoon si Jesus kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Ganoon siya kahalaga sa ating buhay! Siya ang nagkakaloob sa bawat isa sa atin ng kakayahan na maglingkod sa simbahan na katawan ni Kristo. Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang nagagawa sa simbahan dahil sa Espiritu Santo. Ang mga kaloob na ito ay ang ating pagkakataon na makapag-lingkod sa ikabubuti ang lahat. Kaya ang bawat isa ay may pagkakataon na magbalik handog ng ating talents. Pinagkalooban tayo ng atin-ating talents upang may maiambag tayo sa ikabubuti ng iba.
Natapos na natin ang mga espesyal na panahon – ang adbiyento, ang pasko, ang kuwaresma at ang muling pagkabuhay. Bukas sisimulan na natin ang mahabang panahon ng pangkaraniwang panahon sa simbahan. Maliban sa mga pista ng ating mga patron, wala ng mahabang panahon ng kapistahan sa simbahan hanggang sa pagpasok uli ng panahon ng adbiyento sa Disyembre.
Sa ordinaryong panahon natin sinasabuhay ang ating ordinaryong buhay Kristiyano. Mga kapatid, sa mga ordinaryong panahon tayo lumalago. Dito nakikita ang ating katapatan. Madaling maging excited sa mga espesyal na panahon at dahil dito napapabayaan natin ang ating karaniwang tungkulin. Pero sa ordinaryong panahon nagagawa ang ating tungkulin sa araw-araw na siyang nagpapalago sa atin. Sa ordinaryong mga gawain natin sa bahay, nagiging maayos ang ating relasyon sa pamilya. Sa katapatan at kasipagan sa pang-araw-araw na pag-aaral, lumalago ang ating kaalaman. Sa ating palagiang pagdadasal at paggawa ng kabutihan, lumalalim ang ating pananampalataya. Kaya maganda ang disiplina na binibigay sa atin ng Pondo ng Pinoy. Kahit na maliliit na bagay, tulad ng pagtatabi ng piso, basta ginagawa palagian araw-araw, ito ay nakakatulong ng malaki sa nagbibigay at sa tumatanggap. Sa nagbibigay, kasi nahuhubog ang kanyang character sa pamamagitan ng daily habit na pagsaalang-alang sa iba. Sa nakakatanggap, kasi pag-inipon ang maliliit na halaga, ito ay nakakatulong din nang malaki. Ang maliliit na patak ng ulan kapag pumapatak nang matagal ay nagdadala din ng baha.
Si Sta. Teresita ng Nino Jesus ay isang ordinaryong madre lang. Pumasok siya ng kumbento noong siya ay 15 years old at namatay siya noong siya ay 24 years old. Sa loob ng siyam na taong ito hindi man siya lumabas ng kumbento. Hindi man siya gumawa ng anumang espesyal na gawain. Ang ginawa niya ay mga karaniwang gawain ng isang madre – maglinis ng kumbento, maglaba, magdasal, magluto, mag-alaga ng may sakit na madre. Pero naging dakilang santa siya. Dahil sa utos sa kanya ng kanyang superiora na kanya ring kapatid, sinulat niya ang simpleng talambuhay niya. Kumalat ang talambuhay na ito at nakilala siya ng lahat. Ang pinahalagahan niya ay ang paggawa ng mga simple at ordinaryong gawain ng may pagmamahal. Dito siya naging banal. Kinilala ang kanyang ordinaryong paraan ng kabanalan na makabuluhan at makakayanan ng lahat. Naging dakilang modelo siya ng kabanalan para sa lahat. Saan niya nakuha ang ganitong karunungan? Sa Espiritu Santo! Ano ang nagpapabanal sa ordinaryong gawain natin? Ang Espiritu Santo! Kaya ngayong bago tayo pumasok sa ordinaryong panahon ng simbahan, ipinagdiwang natin ang dakilang kapistahan ng Espiritu Santo. Siya ang hininga ni Jesukristo sa bawat isa sa atin. Natanggap na natin siya sa mga sakramento ng binyag at ng kumpil. Siya ang mahinahon na kapangyarihan ng Diyos na gumagabay sa atin sa landas ng kabanalan sa pang-araw-araw ng simpleng buhay natin.
O Espiritung Banal, kami’y gawing matapat; ang pag-ibig ay mag-alab lagi sa tamang landas sa ordinaryong buhay namin.