598 total views
Ascension Sunday Cycle C
Acts 1:1-11 Eph 1:17-23 Lk 24:19-20
Higit nang apatnapung araw nang si Jesus ay muling nabuhay. Ngayon ay ipinagdiriwang na natin ang kanyang pag-akyat sa langit. Magkaugnay ang dalawang kapistahang ito. Ang muling pagkabuhay at ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay kapwa pagluluwalhati kay Jesus. Pinapakita ng mga ito ang kadakilaan ni Jesus – itinaas na siya ng Diyos Ama – itinaas siya mula sa libingan at itinaas siya mula sa lupa.
Ang tagumpay ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng pag-asa. Kung nasaan siya ngayon, duroon din tayo. Anumang pagsubok at kahirapan na dinadaanan natin ngayon, ang mga ito ay magtatapos din. Kung tayo ay kasama ni Jesus sa kanyang buhay, magiging kasama din tayo ni Jesus sa kanyang tagumpay. Ang dasal ni Pablo sa mga taga-Efeso na ating narinig ay siya ring dasal para sa atin: “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagtawag sa atin. Ito ay ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.” Hindi maaabot ngayon ng ating pag-iisip kung ano ang kaluwalhatian na nag-aantay sa atin sa piling ng Diyos. This glory and his joy are so much beyond our imagination. Siguro sa langit manghihinayang tayo. Siguro masasabi natin: “Kung alam ko lang na ganito pala ang langit, na ganito pala ang gantimpala ng Diyos, sana mas lalo pa akong nagsikap sa lupa.”
Pero hinahangad ba natin ang langit? Baka naman ang pinagsisikapan lang natin ay ang mga bagay sa lupang ito na hindi na natin itinataas ang ating noo upang paminsan-minsan maitaas din natin ang ating pangarap na langit. Iyan ang paalaala sa atin ng kapistahang ito. Tulad tayo ng mga alagad na habang umaakyat si Jesus sa langit sinusundan natin siya ng ating tingin na nananabik na pumaroon din tayo.
Pero hindi tayo pinapabayaan ni Jesus dito sa lupa dahil pumunta na siya ng langit. Ipapadala niya ang kanyang Espiritu na sasama at gagabay sa atin. At doon sa langit si Jesus ay nakaluklok sa kanan ng Ama at patuloy siyang namamagitan para sa atin. Ipinakikipag-usap niya tayo sa Ama. Hindi niya hahayaan na ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay ay hindi magiging epektibo sa atin. Manalig tayo sa ating dakilang tagapamagitan.
Pero sa kapistahang ito hindi lang tayo inaanyayahan na tumingala sa langit. Noong matagal-tagal nang nakatitig sa langit ang mga alagad, may dalawang lalaki na nakadamit na puti ang lumapit at sinabi sa kanila: “Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Parang pinapaabot sa kanila na kumilos na sila at maging handa sa kanyang muling pagdating. At bago umakyat si Jesus sa langit iniwanan niya ang mga alagad na may misyon na maging saksi niya hanggang sa dulo ng daigdig.
Umalis si Jesus na hindi pa natapos ang kanyang misyon. Ito ay ipinaubaya niya sa kanyang mga alagad, ipinaubaya niya sa atin bilang simbahan. Ipagpatuloy natin ang pagsasaksi sa pag-ibig ni Jesus sa mundo at pag-aalok ng kaligtasan na bigay niya para sa lahat. Kaya ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay hindi lang nagbibigay ng pag-asa sa atin. Ito ay nagpapakilos sa atin na ipagpatuloy ang kanyang misyon hanggang sa muli niyang pagdating.
Kaya kaya nating gawin ito? Sa ganang ating sarili, hindi yata natin kaya ito. Mahina tayo at napakaraming hadlang sa pagtanggap ng Magandang Balita. Kaya nga sinabi niya sa mga alagad na mag-antay muna sila sa Jerusalem sa pagdating ng Espiritu Santo, na siya namang ipagdiriwang natin sa susunod na Linggo, sa kapistahan ng Pentekostes. Ang Espiritu Santo ang magbibigay sa atin ng lakas at kapangyarihan na gawin ang misyon ni Jesus. Isa rin sa ipinagdasal ni Pablo sa mga taga-Efeso na ipagdasal din natin para sa atin: sana maliwanagan tayo ng kapangyarihan na kikilos sa atin, na walang iba kundi ang kapangyarihan na bumuhay kay Kristo at lumuklok sa kanya sa kanan ng Ama. Talagang napaka-lakas ng kapangyarihang ito. The power of the resurrection is working in us. Sa kapangyarihang ito magagawa natin ang ating misyon hanggang sa pagdating muli ni Jesus.
Ito ay napatunayan sa kasaysayan. Sa mga panahon ng kahinaan ng simbahan, na marami siyang problema at mga kasalanan at eskandalo pa, nakakaahon uli siya. May mga panahon na may matitinding pag-uusig sa simbahan, na pinalayas ang mga pari at pinagpapatay ang mga Kristiyano, na ang mga mang-uusig ay mga hari, mga generals, mga armies, pero nakakatayo uli ang simbahan, tulad ng isang patay na muling nabuhay. Ang kapangyarihang ito ay hindi na galing sa kanyang sarli. Ito ay galing na sa Espiritu Santo.
Balikan din natin ang ating mga sariling karanasan. May mga panahon sa buhay natin na nawalan tayo ng pag-asa, na hindi natin alam ang ating gagawin dahil nalugmok tayo sa kasalanan o pati na sa bisyo, nagkagulo-gulo ang ating mga relationships, pero nakatayo tayo muli. Hindi natin ito inaasahan, pero may kapangyarihan na humihila sa atin mula sa kuko ng kamatayan o ng kawalang pag-asa. May ibayong kapangyarihan na kumikilos sa atin. Kaya huwag nating sabihin na hindi natin kaya ang ipinagagawa ni Jesus. Hindi naman niya tayo binigyan ng misyon na hindi tayo binigyan ng kapasidad. Binibigyan tayo ng kakayahan upang gawin ang ipinagagawa niya sa atin. Manalig tayo at buksan natin ang ating sarili sa kanya.
Paano natin maabot ang dulo ng daigdig? Ngayong Ascension Sunday ay ang World Communication Sunday. Ipapaabot natin ang Magandang Balita at ngayong panahon nandiyan ang kakayahan na binibigay sa atin ng social media at ng mass media. Gamitin natin ang mga ito. I-communicate natin ang mensahe ng Diyos. Huwag tayong tatahimik. Gamitin natin ang mga pamamaraan ng panahon upang mabuksan ang puso at isip ng mga tao sa Diyos. Kailangang kailangan ng maraming tao na marinig na mahal sila ng Diyos, na may saysay ang buhay nila, na may kasiyahan sa langit na nag-aantay sa kanila.
Ang kapistahan ng pag-akyat ni Jesus sa langit ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at ng hamon. Pag-asa na pagkatapos ng ating pakikibaka sa buhay na ito, may langit na naghihintay sa atin. Itaas natin ang ating noo at hangarin ang langit. Kung nasaan siya ngayon, duroon din tayo.
Hamon. Habang nag-aantay tayo ng langit, kumikilos tayo upang iiwan natin ang mundong ito na mas maayos at mas maganda kaysa dinatnan natin. Tinatanggap at isinasabuhay na natin ang paghahari ng Diyos sa lupa habang umaasa tayo na makarating sa kanyang kaharian sa langit.