462 total views
5th Sunday of Easter Cycle A
Acts 6:1-7 1 Pt 2:4-9 Jn 14:1-12
“Huwag kayong mabalisa!” Kailangan natin ang salitang ito ni Jesus. Nababalisa tayo, naguguluhan tayo, natatakot tayo sa maraming bagay. Ang iba ay naguguluhan dahil sa kakulangan ng trabaho, kaya walang pera para sa mga mahahalagang pangangailangan ng pamilya. Ang iba ay namomoblema dahil sa ang daming trabaho. Hindi alam kung matatapos ang mga gawain sa deadline na inaasahan ng boss. Ang iba ay nababalisa kasi parang walang patutunguhan ang kanilang buhay. Mayroon namang problema dahil sa hindi pagkakasundo o pag-aaway sa pamilya o kaibigan. Ang daming dahilan sa pagkabalisa sa buhay. Jesus, ayaw nga namin na mabalisa kami. Ano ang dapat naming gawin?
Ang sagot ni Jesus ay: “manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin.” Pananalig, pananampalataya, pagtitiwala. Sinulat ni San Juan sa kanyang liham na ang tagumpay natin sa mundo ay ang ating pananampalataya. Hindi lang tayo nananalig na mayroong Diyos. Pati ang demonyo ay naniniwala na mayroong Diyos. Nananalig tayo na mahal tayo ng Diyos. Hindi na naniniwala ang demonyo dito. Mahal tayo ng Diyos kasi binigay niya ang kanyang bugtong na anak para sa atin. Mahal tayo ni Jesus sapagkat namatay na siya sa krus para sa atin. Malaki ang itinaya ng Diyos para sa atin. Pababayaan pa ba niya tayo? Kaya magagawa natin ang lahat sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa atin. Malalampasan natin ang lahat ng problema at alalahanin kung tayo ay nagpapagabay sa kanya.
Ang unang komunidad ng mga kristiyano sa Jerusalem ay nagkaroon ng mabigat na problema. Maganda na sana ang buhay nila noon. Walang mangangailangan sa kanila kasi ang mga mayroon, pinagbibili nila ang kanilang ari-arian at binabahagi ang mga pinagbilhan nito ng mga apostol sa may pangangailangan. Walang mahirap sa kanila, kasi walang mayaman. Nagbabahaginan sila. Ang problema ng mundo ngayon ay hindi kakulangan sa kayamanan kundi kakulangan sa pagbabahaginan. Pero dumating ang araw na nagreklamo ang mga kapatid na nagsasalita ng Griego na ang mga balo nila ay hindi nagkakatanggap ng sapat na tulong kaysa mga balo ng mga nagsasalita ng Hebreo. “May favoritism!” Sabi nila. Nakarating sa mga apostol ang reklamo at kinilala nila ang kanilang pagkukulang. Dumami na ang mga mananampalataya na hindi na nila mapangalagaan na gampanan nang maayos ang pagbabahagi ng ikabubuhay sa lahat ng nangangailangan. Nag-prioritize sila. Mas mahalaga para sa kanila bilang mga apostol ang magdasal at magpahayag ng salita ng Diyos. Hindi dapat nila ito pababayaan. Pero mahalaga din ang pagbabahagi ng pangangailangan sa mga mahihirap. Kaya nagpasya sila na pumili ng pitong mga lalaki na mapagkakatiwalaan sapagkat sila ay puno ng Espiritu Santo at ng karunungan at sila na ang pagkakatiwalaan nila sa ganitong importanteng gawain. Natuwa ang lahat sa solusyon at na-solve ang problema. Sa halip na mag-away o magkaroon ng sama ng loob sa komunidad, nagkaisa ang lahat sa gabay ng Espiritu Santo sa maayos na pagharap sa problemang ito.
Ang lahat ay maaayos kung tayo ay may pananalig. Tayo ay isang lahing hinirang, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili tayo ng Diyos upang maging kanya kaya hindi niya tayo pababayaan. Present, nandiyan, ang Diyos sa buhay natin. Alam niya ang nangyayari sa atin at hindi niya tayo pababayaan.
Pero ngayong linggo binibigyan ng diin ni Jesus ang pananalig na makakarating tayo sa kanyang pupuntahan. Huwag tayong masyadong mabalisa sa mga bagay sa buhay natin ngayon sa mundong ito, kasi hindi naman tayo para lang sa mundong ito. Ang lahat ng nandito ay lilipas. Naglalakbay lang tayo sa lupang ibabaw na ito. Hindi tayo taga-rito. Ihahanda ni Jesus ang tunay na tirahan para sa atin. Kung saan siya pupunta duroon din tayo. Kapag naipaghanda na niya kung saan tayo titira, babalik siya at kakaunin tayo. Kaya anuman na kaguluhan at problema na nararanasan natin sabihin natin: lilipas din ito. Malalampasan ko ito. Sinulat ni San Pablo na para sa nagmamahal sa Diyos ang lahat ay na-uuwi sa kabutihan. At hindi natin ma-imagine ang kaligayahan na nag-aantay sa atin kung saan tayo dadalhin ni Jesus.
Saan nga ba tayo dadalhin ni Jesus? Sabi ni Jesus: “Alam ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sabi ni Tomas: “Panginoon, hindi naming alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Tama nga naman. Kaya niliwanag ni Jesus. Ang pupuntahan niya ay hindi isang lugar. Pupunta siya sa Ama, at siya lang ang daan patungo sa Ama. Ang Diyos Ama ang Manlilikha. Lahat tayo ay nanggaling sa kanya at lahat tayo ay babalik sa kanya. Siya ang simula at ang wakas. Na-intriga si Felipe. Ganoon pala kaimportante ang Ama, kaya nasabi niya: “Ipakita mo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.” Medyo nalungkot si Jesus sa kahilingang ito. “Felipe, ang tagal na tayong magkasama at hindi mo pa nalalaman na ang Ama at ako ay iisa? Ang nakakakita sa Akin ay nakakikita sa Ama. Wala naman akong sinasabi sa ganang aking sarili lang. Ang sinasabi ko ay ang narinig ko lang sa Ama. Walang naman akong ginagawa kundi ang pinagagawa ng Ama. Ang mga himala na ginawa ko ay hindi magagawa ng isang tao lamang. Ito ay nagagawa ko dahil sa ang Ama ay sumasaakin.”
Dahil si Jesus at ang Diyos Ama ay hindi magkaiba, si Jesus ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Si Jesus ang daan patungo sa Ama kasi siya ang Diyos na nakikita na nagpapahiwatig sa Diyos Ama na hindi natin nakikita. Siya ang katotohanan ng Ama. Sa pagtanggap natin sa kanya natatanggap natin ang buhay na galing sa Ama. Kaya hindi na dapat tayo mangapa patungo sa pupuntahan ni Jesus kasi kung lumalapit tayo at tinatanggap natin si Jesus nararating na natin ang pupuntahan niya – Ang Diyos Ama!
Ang panawagan ni Papa San Juan Pablo Ikalawa ay: “Buksan ang pintuan ng inyong mga puso kay Kristo.” Siya ang daan patungo sa buhay. Siya ang buhay. Kasama niya, hindi tayo mababalisa. Hindi ba sinabi din niya: “Lumapit kayo sa akin kayong nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan?” Hindi si Jesus pahirap sa buhay natin. Kaya nga tayo siguro nababalisa, nahihirapan, namomoblema kasi nawala na si Jesus sa ating focus. Mas nakatuon na lang tayo sa mga problema na ating hinaharap. Hindi iyan ang buhay! Hindi lang tayo para diyan. Kasama si Jesus, malalampasan natin ang lahat. Lilipas ang lahat. In the perspective of eternity, in the perspective of the love of God, things take on a new light. Sa pananaw ng buhay na walang hanggan, sa pananaw ng pag-ibig ng Diyos, ang mga bagay ay nagkaroong ng bagong liwanag at bagong kahulugan.
Huwag kayong mabalisa!