307 total views
4th Sunday of Easter Cycle C
Acts 13:14.43-52 Rev 7:9.14-17 Jn 10:27-30
Bukas ay eleksyon na. Upang bigyan tayo ng katahimikan na magnilay at pumili nang maayos, ngayong araw ay tigil na ang lahat ng pangangampanya. Sana igalang ang space na ito ng mga politiko. Para sa iba kasi, sa araw na ito ay malakas ang gapangan sa mga botante at ngayon rin namimili ng mga boto. Mga kapatid, palatandaan na na ang namimili ng boto ay mga corrupt o magiging corrupt na mga politiko. Bumoto tayo ng mga kandidato na mabuti para sa bayan at hindi ang mga kandidato na mangdaraya sa atin. Dadayain tayo ng mga politiko na namimili ng boto.
Sa ating misa ngayon, ilahad natin sa Diyos ang mga taong iboboto natin bukas. Sana hindi tayo nahihiya sa Diyos sa iboboto natin kasi ito ay pinag-isipan natin at naniniwala tayo na maaayos na mga tao ito.
Nagkataon naman na ngayong Linggo, ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay ang Good Shepherd Sunday. Ang mga leaders sa Bible ay madalas tinatawag na mga shepherds, mga pastol. Kung papaano pinangangalagaan ng mga pastol ang kanilang mga tupa, ganoon din dapat pinapangalagaan ng mga leaders, religious leaders man o civil leaders, ang mga tao. Kinikilala natin na si JesuKristo ay ang mabuting pastol natin. Siya ay maayos na namumuno sa atin at siya dapat ang maging huwaran ng lahat ng mga namumuno.
Ano ang mga katangian ng mabuting pastol ayon sa sinabi ni Jesus? Tatlo ang narinig natin sa ating ebanghelyo ngayong araw: kilala niya ang kanyang tupa, binibigyan niya sila ng buhay, at pinapangalagaan niya sila upang hindi sila mawala at mapahamak.
Kilala ng leader ang pinamumunuan niya. Kilala niya sila kasi nakikiisa siya sa buhay nila. Iyan ay ginawa ng Diyos mismo. Kilala tayo ng Diyos kasi siya ang maylikha sa atin. Kilala tayo ng anak ng Diyos kasi nakipamuhay siya sa atin. Bumabad siya sa ating kalagayan. Naging tao siya! There is nothing human that is unknown to him, except sin, kasi ang kasalanan ay hindi bahagi ng ating totoong pagkatao. Sino sa mga kandidato natin ang nakababad sa ating kalagayan, ang dumadalaw sa atin kahit na sa labas ng panahon ng eleksyon? Ang mga politiko ay lumalapit sa tao sa panahon ng pangangampanya pero pagkatapos ng eleksyon hindi na sila malapitan ng tao. Boto lang ang kailangan nila sa atin. Nagpapakilala sila sa mga tao. Kinikilala din ba nila ang ating kalagayan? Ang politiko na sumusunod sa leadership ni Jesus ay lumalapit sa atin kahit na walang eleksyon. Inaalam niya ang ating kalagayan. Kilala niya tayo.
Pangalawang katangian: Binibigyan niya tayo ng buhay. Ginawa ito ni Jesus. Siya ay nag-alay ng kanyang buhay upang hindi tayo mapahamak, bagkus magkaroon ng buhay. Masipag siya sa pangangaral sa mga tao at sa pagtulong sa kanila. May mga politiko na namimigay ng pera. Binibili tayo niyan. Babawiin uli nila iyan kapag nanalo sila. Lalo na huwag tayong maniwala sa mga nangangako na magbibigay sila ng pera kung manalo siya! Kung talagang may pera sila, bakit noon pa man hindi na sila namigay ng pera? Ang kandidatong ayon sa larawan ni Jesus ay nagbibigay ng sigla at pag-asa sa atin. Iyan ang buhay na kailangan natin ngayon na tayo ay nababalot sa dilim ng kahirapan. Kailangan natin ng leaders na nakaka-inspire sa atin na bumangon, kumilos at makilahok para sa bayan.
At pangatlo, ang mabuting pastol ay nangangalaga sa atin. Ayaw niya na tayo ay mapahamak kaya may malasakit siya. Ang pangangalagang ito ay ang pagbibigay ng maayos na pangangaral, pagbibigay ng agarang tulong sa nangangailangan, at ang pagbibigay ng halimbawa sa isang maayos na pamumuhay. Nararamdaman ba natin ang pagmamalasakit ng mga tumatakbong politiko? Nagsisilbi ba silang maayos na halimbawa na matutularan natin? Masasabi ba natin: gusto kong maging tulad niya?
Pero ngayong Good Shepherd Sunday hindi lang sinasabi sa atin ang katangian ng Mabuting Pastol. Ano naman ang tugon natin na mga tupa sa Mabuting Pastol? They hear my voice and they follow me. Ang tupa ay nakikinig sa tinig ng pastol at sumusunod sila sa kanyang mga panawagan. Nagagawa ito ng mga tupa kasi magaan ang loob nila sa kanilang pastol. Nakikita at nararamdaman ng mga tupa ang pagmamalasakit at pagmamahal ng kanilang mga leaders. Nakuha nila ang kanilang tiwala kaya sumusunod sila. Hindi takot ang nagpapakilos sa mga tupa ngunit pag-ibig at paghanga.
Good Shepherd Sunday is also Vocation Sunday. Sa Linggong ito pinapaabot sa lahat ang pangangailangan natin ng mga leaders sa simbahan na magpapastol sa atin. Bilang Mabuting Pastol, si Jesus ay patuloy na tumatawag ng mga magpapatuloy ng kanyang misyon. Sa ating ikalawang pagbasa narinig natin ang pangitain ni Juan. Napakaraming mga tao na nakasuot ng damit na puti na sumusunod sa Kordero. Sila iyong nagtagumpay sa pagsubok. Nakikihati na sila sa kaluwalhatian sa langit. Hindi na sila magdurusa. Nakarating sila sa walang hanggang pastulan kasi may mga nagpastol sa kanila. Marami pa ngayon ang nangangailangan ng mga pastol. Sinabi ni Jesus: “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa sa bukid. Magdasal kayo upang magpadala pa ang Diyos ng maraming mag-aani.” Hinihikayat tayo sa Linggong ito na sama-samang magdasal na magpadala ang Diyos ng maraming mabubuting pastol sa simbahan. Habang hinahangad natin na magkaroon ng mabubuting leaders sa pamahalaan kaya boboto tayo ng mga mabubuting tao na maging leaders natin, hangarin din natin na magkaroon tayo ng marami at mabubuting pastol sa simbahan. Sila ang magiging gabay natin na pastulang walang hanggan.