234 total views
Homily
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
10 Anibersaryo ng pagtatalaga ng Parokya ng Our Lady of Fatima Parish, Mandaluyong
Ika-11 ng Nobyemre, 2018
Mga minamahal na kapatid sa pananamapalataya, una po sa lahat magpasalamat tayo sa Panginoon na siyang nagtipon sa atin sa hapon na ito bilang isang sambayanan.
At ngayon din po ay nagpapasalamat tayo sa Diyos sa ika-10 anibersaryo ng pagkakatalaga o dedication ng ating simbahan.
Bagamat ang parokya ay mas matanda pa sa sampung taon, ang atin pong simbahang bato ay itinalaga 10-years ago at iyan po ay isang fiesta sa parokya.
Sagisag ito ng pagtatalaga hindi lamang ng gusali para sa Diyos kun’di tayo ang buhay na templo ng Espiritu Santo, tayo ang tahanan ng Diyos, tayo ang katawan ni Kristo sa bahaging ito ng Archdiocese of Manila at sa pagtatalaga ng simbahan, itinalaga natin muli ang ating sarili sa paglilingkod sa Diyos, sa paglilingkod sa ebanghelyo, sa paglilingkod sa paghahari ni Kristo sa mundo.
Kaya po Happy Fiesta! Congratulations po sa 10th year anniversary ng atin pong dedication. At siguro nagtataka yung iba kung bakit nandoon ang larawan ni Msgr. Zurbano, kasi siya po ang parish priest noong na-dedicate ang ating simbahan kaya minarapat po nila Father Caloy na ang kanyang ala-ala ay atin ding buhayin, buwan pa naman ng Nobyembre, pag-ala-ala sa ating mga mahal sa buhay na yumao.
Ang mga pagbasa po natin ay magandang paalaala, papano nga ba natin mapapanibago, ma-redeicate, maitalaga muli ang ating sarili bilang simbahan, bilang buhay na templo ng panginoon?
Marami po subalit ibig ko lamang magbigay ng pansin sa isang bagay na mukhang nagtutuhog sa ating mga pagbasa. Ito po ay ang pagbibigay ng sarili.
Pagbibigay ng sarili ng malaya at ng punong-punong pag-ibig ang mga pagbasa po ay very consoling nakakapayapa ng kalooban subalit nakaktakot din. Ganon naman ang mga araw ni Kristo, maganda, nakakaakit.
Pero kapag pinapasok mo na matatakot ka na rin gano’n ang mga pagbasa natin. Pag-aalay, pagbibigay, pagiging bukas palad, o generous sa Diyos at sa kapwa.
Ano po yung bagay na consoling? Yung nakakabigay ng kapayapaan sa ating kalooban. Ito yon, para sa diyos hindi sinusukat ang pagbibigay ng sarili sa laki o halaga ng iyong materyal na maibibigay.
Consolling po ‘yon, kase ilan ba naman sa atin ang may kakayanan na magbigay ng malalaking halaga? Malalaking lupa? Malalaking mga building? Nako, baka wala sa atin.
Pero hindi iyon ang sukatan, sa unang pagbasa ano ba naman ang naibigay nitong balo sa propeta Elias, maiinom at tinapay na makakain, walang wala.
Sabi nga nung babae, pasensya kana. Ang amin lang nandito ay karampot na harina at kapatak na langis.
Pero niluto pa rin niya at ibinigay kay Elias, nanalig siya sa salita ng Diyos na kapag nagbigay ka, hindi ka magkukulang. Sa mata ng mundo ang ginawa ng balo na ito ay kahangalan, “Tag gutom eh! Tag gutom! iyan nalang ang iyong harina itago mo na iyan! Hayaan mo ng magutom iyang si Elias! At least kayo busog kahit sandali lang!”
Kahangalan pero para sa kanya nanalig siya sa salita ng Diyos ibinigay niya. Kung susukatin maliit ang kanyang ibinigay pero sa mata ng Diyos iyan ay napakahalaga.
Ganyan din po sa ebanghelyo ano ba ‘yong naibigay noong balo? Balo na naman, dadalawang kusing. Kung ikukumpara ang monetary value ng kanyang naibigay sa ibinigay nung ibang mayaman, walang-wala yung kan’yang naibigay, dalawang kusing.
Pero sa pagsusukat ng Diyos, sa pagtutuos ng Diyos, hindi kung dalawang libo, dalawang kusing, two hundred thousand, hindi iyon. Hindi lamang iyon ang tinitingnan ng Panginoon. Kung kaya’t nasabi ni Hesus sa tingin niya yung balo na nakapagbigay ng dalawang kusing ang nakapagbigay ng higit pa sa naibigay ng iba.
Mga kapatid mahalaga ito, ‘di ba ganyan yung ating Pondo ng Pinoy? Bente singko sentimos basta ibigay mo ng may pag-ibig at pagmamalasakit lalago ‘yan.
Sabi nga ni Cardinal Rosales, “kahit isang kusing patungong langit.” Kaya walang dahilan ang bawat isa sa atin, nakakahiya naman wala akong maibibigay. Nakakahiya naman, ganito lamang ang aking maibibigay.Bakit ka nahihiya? Kasi ang pagtutuos natin ay sa pamamaraang makamundo.
Pero hindi ganyan magtuos ang Diyos. So wala ng mahihiya sa kanyang kayang i-ambag. Iyan po ang consolation. Ano naman ang nakakatakot? Eto na, bakit ganoon magtuos ang Diyos? Bakit isang tasang kandila ay napakalaki na? Bakit ang kapatak na langis ay parang napakalaki na? Bakit yung dalawang kusing ay napakalaki na? Bakit?
Kase po, sa unang pagbasa sabi nung balo nung biyuda kay Elias, “Kapag nailuto na namin iyong kapiranggot na harina at langis, kami ng anak ko ay maghihintay na lamang ng kamatayan.”
Yun nalang ang kanilang ikinabubuhay kaya kapag ibinigay pa nila handa na silang mamatay. Sa katunayan sa pagbibigay nila ng kaunting harina at langis ang kanilang ibibigay ay ang kanilang buhay.
Kaya ang nakikita ng Diyos hindi iyong harina hindi iyong langis ang nakita niya. Ang talagang inaalay ng mag-inang ito ay ang kanilang kabuhayan, ang kanilang buhay.
At gano’n din ang nakita ni Hesus sa dalawang kusing ng balo. Yung mga mayayaman nakapagbigay ng malalaking amount pero sabi ni Hesus, “Malaki nga, libo-libo. Pero iyon ay sobra lamang ng kanilang kayamanan.
Tuloy lang ang kanilang buhay kasi ang naibigay naman ay anu lang, “extra”. Samantalang ‘yong balo binigay niya ang dalawang kusing pero iyon ang kanyang buong kabuhayan kaya ang ibinigay niya ay hindi “extra” kundi buong buhay.
Si Hesus sa ikalawang pagbasa sa sulat sa mga Hebreo, “inialay niya sa Diyos hindi ang dugo ng mga hayop, hindi ang dugo ng kambing, ng baka o ng kordero, tupa. Sabi sa ikalawang pagbasa, ang inialay na sa diyos at sa bayan ay ang sarili niyang BUHAY.
Ito ang aking katawan, ito ang aking dugo. Sabi ko ito ho iyong nakakatakot (slight laugh) kase kahit katiting pala ang iyong maibibigay ay hindi iyon ang nakakalugod sa Diyos. Ang nakakalugod ay kung iniaalay ang buong sarili ko.
Katulad ni Hesus, katulad ng Diyos, binigay niya sa atin ng buong-buo ang kan’yang anak, bakit tayo magmamaramot sa Diyos? Maliit man ang halaga na maibibigay ko, malaki man ang halaga na maibibigay ko, hindi iyon ang tinitingnan ng diyos. Ang tinitingnan ng diyos ay binibigay mo ba para sa kan’ya at sa kapwa ang hindi mo na kayang ibigay pa, kasi yun na ang iyong buhay.
Mga kapatid, sa lahat naman ng sakramento ng simbahan ganun. Yung mga kinakasal, di ba ang sumpaan n’yo naman ay hindi, “Ikaw ay aking bibigyan ng isang libo buwan buwan, hindi eh. Ang sumpaan ay “Sa hirap o ginhawa, sa kayamanan o karukhaan, sa karamdaaman o kalusugan, nandito ako pakamamahalin kita.
Kaya nga diba parang sinasabi, “Ang pangarap mo ay pangarap ko rin”, “Ang dusa mo ay dusa ko”, “Ang ligaya mo’y ligaya ko”, “Ang utang mo ay…” Ayan tapos, na tapos na ang pagiibigan. Ang utang mo iyo na iyan.
Hindi ganyan, hindi ganyan ang Diyos. Kaya nating dasalin patawarin mo ang aking mga utang gaya ng pagpapatawad ko sa nagkakautang sa akin. At ang kabayaran ay hindi presyo kun’di aking pag-ibig, aking buhay.
Iyan ang Eukaristiya, ‘yan ang kumpisal, ‘yan ang pagpapari, ‘yan ang binyag. Binubuhos ng Diyos ang kanyang buhay para satin upang tayo ay mabuhay para rin sa kanya at sa kapwa.
Sa anibersaryo po ng pagtatalaga sa ating simabahan at parokya sana po makilala tayo katulad ni Maria Birhen ng Fatima na ang binigay sa Diyos narito ang alipin ng Panginoon matupad sa akin ayon sa wika mo.
Binigay niya ang buo niyang sarili dumamay siya kay Elizabeth at doon sa paanan ng Krus ng kanyang anak. Kung kailan ang mga kaibigan ay nagtakbuhan, ikinahiya si Hesus. Natakot na baka sila ay masabit pa dahil kay Hesus.
Sino ang nasa paanan ng Krus ni Hesus? Kan’yang ina. Handang magdusa para sa kan’yang anak. Ano bang maibibigay n’ya? Hindi pera, hindi pagkain, binigay n’ya ang kan’yang sarili. D’yan po mag papanibago ang ating dedication as Church, to the Glory of God and the service of humanity. Bilang pagtatapos po maikuwento ko lang no’ng ako’y parish priest sa Imus sa Cavite, ano ba’t isang araw, isang hapon may dumating na parang bigla nalang dumilim ang kalangitan tapos biglang parang may hangin na parang ipo-ipo tapos umulan, takot na takot kami, nagmimisa tapos maya-maya, natuklap yung bubong, pati yung kisame, ganu’n ka tindi yung pwersa ng parang ipo-ipo.
Nu’ng kumalma na po, ayun butas, may malaking butas do’n sa bubong, nabasa yung loob ng simbahan. Ano po yun, patapos na ng Agosto, Oktubre magpipyesta na. Di nag-meeting po yung pastoral council, papano ba? Kailangang madaliin yung pagpapagawa no’ng ganyan.
Di ano ba ang pinakamabilis na pamamaraan? May nag-suggest, para madalian lumapit na lang tayo sa pinaka mayaman dito sa ating bayan! Pinaka mayaman sa Cavite na makapagbibigay ng napaka laking amount, tapos yan! Sabi ko naman, naalaala ko ‘tong ebanghelyo, sabi ko hindi, kahit hindi matapos sa piyesta, hayaan natin, lahat makapagbigay ng naaayon sa kan’yang kakayanan.
Matatapos yan sa pag-iibigan natin, pagbibigay ng sarili. Tinitingnan ako nung treasurer ng ano, sabi sakin, Father, hindi ka businessman.
Sabi ko, hindi nga! kung gusto kong mag-businessman hindi ako nag pari. Mag-bi-businessman ako. Sabi kong ganyan. Bagamat sa puso ko sabi ko, tama naman sila kung gustong mabilis yon, lapitan lang yung pinaka. Ka klase ko pa naman, iyakan ko lang yun e magbibigay yon. Pero sabi ko, hindi subukan natin ang ebanghelyo.
Tuwang-tuwa po ako, lalo na dun sa babaeng nagtitinda ng kandila doon sa pintuan ng simbahan. Bata pa ako nagtitinda na s’ya dun, naging parish priest ako, nagtitinda pa rin s’ya.
Isang araw po lumapit sa akin, nakatali sa panyo n’ya mga barya. Sabi, Father, ito po ang kinita ko sa linggong ito sa pagtitinda ng kandila, bibigay ko po para sa pagpapagawa ng bubong.
Kilala ko naman s’ya sabi ko, naku huwag na po, ano ho ninyo ‘yan. May pamilya kayong binubuhay. Hindi ho naman ikasasama ng loob ng Diyos kung gamitin n’yo yan para sa pamilya n’yo.
Sabi n’ya, Father hindi naman ako pinapabayaan ng Diyos, at naging mabait sa akin ang pintuan ng simbahan. Ngayon ang pagkakataon ko naman na ibigay ito. At hanggang hindi natatapos ang bubong, linggo-linggo ang kita ko na maliit lang naman ay ibibigay ko.
Ako po naniniwala na siya ang nakapagpatapos ng bubong at ng kisame. Sa lalim ng kan’yang pananampalataya, pag-asa sa Diyos at nag-uumapaw na pag-ibig. Tayo po’y tumahimik, at italaga natin muli ang ating sarili at ang ating parokya sa paglilingkod sa Diyos at kapwa, sa pamamagitan ng buhay at malaya at buong-buong pag-ibig, pagbibigay ng sarili.