12,114 total views
32nd Sunday of Ordinary time Cycle B
1 Kgs 17:10-16 Heb 9:24-28 Mk 12:38-44
Kapag pinag-uusapan ngayon ang kahirapan, sino ba ang naiisip natin na mahirap? Siguro naiisip natin ang mga batang lansangan, ang mga may kapansanan na nakatira sa squatter areas o ang mga katutubo sa gubat. Sila iyong kawawa. Sa panahon sa Bibliya kapag sinasabi na tumulong sa nangangailangan ang madalas na tukuyin ay ang mga balong babae, ang mga ulila at ang mga pulubi. Sila iyong walang-wala na kailangan tulungan. Kinokonsider na mahirap ang mga balong babae kasi nag-iisa na lang sila sa buhay. Wala na silang tagapagtanggol. Sa kanilang lipunan noon, walang karapatan ang mga babae, madali silang pabayaan at pagsamantalahan.
Sa ating mga pagbasa ngayong Linggo, ang bida ay ang mga mahihirap na babaeng balo. Sila ang pinupuri at ipiniprisinta na halimbawa. Kahit na mahirap sila at balo pa, sila ay generous. Tinawag mismo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipaalam sa kanila ang kanyang paghanga sa mahirap na balo na ibinigay niya ang lahat na mayroon siya bilang abuloy sa templo. Kahit na dalawang kusing lang ang kanyang ibinigay, ito ay napansin at napahalagahan ng Diyos kasi ito na ang huling pera niya. Mas mahalaga ito kaysa malalaking halaga na binibigay ng mga tao, malalaking halaga nga pero ang mga ito ay mga sobra na lang nila. Hindi na nila ito kailangan. Ang halaga ng ibinibigay para sa kay Jesus ay hindi kung magkano kundi saan ito nanggaling – nanggaling ba ito sa pangangailangan natin o sa sobra na lang natin. Nasaan dito ang pag-ibig? Nasasaktan ba tayo dahil sa ibinigay natin o hindi. Ang pag-ibig ay nasusukat sa sacrifice. Nagsakripisyo ba tayo o balewala lang sa ating ang ating ibinigay, kahit na malaking halaga pa iyan!
Sa ating unang pagbasa si Elias ay pinadala ng Diyos sa Sarepta, isang dayuhang lugar. Ang mga nakatira doon ay hindi mga Israelita. Panahon noon ng taggutom. Tatlong taon nang hindi umuulan at wala ng makain ang mga tao. Kinausap ng propeta ang isang balo na namumulot ng mga sangang panggatong. Humihingi siya ng tubig. Tandaan natin na tag-init noon at mahirap ang maghanap ng tubig. Pero walang reklamo ang balo na umalis upang maghanap ng tubig para sa isang dayuhan. Nakiusap pa siya na bigyan siya ng kaunting pagkain. Dito tinapat na siya ng babae na sa totoo lang namumulot siya ng panggatong upang magluto ng tinapay mula sa huling harina at langis na mayroon siya. Ito na ang magiging huling pagkain niya at ng kanyang anak at mamamatay na sila. Nakakalungkot naman. Imagine, alam mo na ito ang huling pagkain mo at ng iyong anak. Pero nagpumilit pa rin si Elias na may kasamang pangako. Magluto siya at bigyan din siya ng tinapay kasi hindi mauubusan ng harina ang kanyang lalagyan at hindi mauubusan ng langis ang kanyang tapayan. Naniwala ang balong babae hindi Hudyo. Ginantimpalaan ng Diyos ang kanyang pagiging mapagbigay. Patuloy silang nakakain hanggang magwakas ang tag-init at dumating na ang ulan. Hindi sila naubusan ng pagkain. Araw-araw may harina ang lalagyan at may langis ang tapayan.
Paano ba nakayanan ng dalawang balo sa ating mga pagbasa ang pagiging mapagbigay, ang pagiging generous, kahit na sila ay balo at mahihirap lamang? May tiwala sila sa Diyos. Handa silang magbigay kasi alam nila na maaasahan ang Diyos. Hindi natin matatalo ang Diyos sa generosity. Kung generous tayo, mas lalong generous ang Diyos at tutumbasan niya ang ating pagiging mapagbigay. May Diyos na nakakakita ng lahat ng kabutihan na ating ginagawa kahit na gaano man ito kaliit. Hindi ba sinabi din ni Jesus na kahit na isang isang baso na malamig na tubig na ating ibinigay sa alagad ng Diyos ay may gantimpala? Kung hindi tayo pabaya, mas lalong hindi pabaya ang Diyos.
Maganda na mapaalalahanan tayo ng ganitong katotohanan, tayo na pinakikiusapan na magbalik handog. May mga tao na busing-busy sa kanilang mga gawain na wala na silang panahon na magsimba o magdasal man lang. Kulang ang panahon nila sa paghahanap buhay kaya pati Linggo ay ginagawa na nilang araw ng pagtratrabaho. Kawawa naman sila. Dahil sa kabusy-han nila, nagkakasakit na sila, nagiging magagalitin at nanlalamig na sa pag-ibig sa kanilang asawa at mga anak. Nagkagulo na ang buhay nila. Sayang lang ang kanyang hanap buhay na nasira ang kanyang pamilya at ang kanyang kalusugan. Ganoon din, hindi na nakakapagserbisyo sa simbahan, sa kriska o sa communidad kaya nawawalan na siya ng sigla sa kanyang mga kasamahan. Nakatutok na lang sa trabaho at ito na lang ang pinapansin. Mas nagiging makasarili siya. Hindi na siya masaya sa buhay. Mas nagiging masigla at masaya tayo kapag tayo ay nagse-serve.
May mga tao din na natatakot magbalik handog ng kanyang yaman. “Hirap na nga ako sa buhay, magbibigay pa ako?” Mas nahihirapan tayo kapag hindi tayo nagbabahagi. Nawawala ang bendisyon ng Diyos. Ang pinundar natin na bukid o na bangka ay madaanan lang ng isang bagyo, wala na ang lahat. Kailangan natin ng bendisyon ng Diyos at hindi lang ng pera. Siya ang mag-iingat sa atin sa aksidente, sa masamang panahon, sa mga masasamang loob. Sa ating pagiging generous, napakaraming proteksyon ang binibigay sa atin ng Diyos. Mas magiging secure tayo sa kamay ng Diyos kaysa mga investments at business natin.
Kaya huwag po sana magiging dahilan ang ating kahirapan na hindi na tayo makatulong sa iba, na hindi na tayo makapagbalik-handog. Subukin natin ang Diyos. Siya ay maaasahan. Napatunayan ito ng balo na tumulong kay propeta Elias. Nakita ng Diyos ang ating generosity. Hindi sila nawalan ng supplies. Napatunayan ito ng balong nagbigay ng lahat na mayroon siya noong panahon ni Jesus. Pinansin siya ni Jesus. Si Jesus na nagbigay na ng lahat na mayroon siya hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanyang dugo ay may maluwag na loob sa mga taong generous. Magbalik handog tayo ng ating panahon, ng ating galing at ng ating yaman. Hindi natin ito pagsisisihan.