5,392 total views
32nd Sunday of Ordinary Time Cycle A
Wis 6:12-16 1 Thes 4:13-18 Mt 25:1-13
Sa kalendaryo ng simbahan ang buwan ng Nobyembre ay nagpapaala-ala sa atin ng wakas ng panahon at ng wakas ng ating buhay. Kaya sinimulan natin ito ng pagdalaw sa cementeryo noong November 1 at November 2. Hanggang ngayong Linggo ang mga pagbasa natin ay tungkol sa wakas ng ating buhay. Ito ay darating at hindi natin maiiwasan pero hindi natin ito kinatatakutan. Sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa na huwag tayong malungkot sa mga namatay na. Si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus – upang isama sa kanya. Kaya ang mga buhay at ang mga namatay ay makakasalubong sa Panginoon pagdating niyang muli upang makapiling niya tayo magpakailanman.
Para sa ating mga Kristiyano ang kamatayan ay hindi ang wakas ng buhay. Ito ay isang pagkikipagtagpo sa Panginoon na pinaniniwalaan at minamahal natin. Sa wakas makakasama na natin siya. Inaabangan natin ang pagkikipagtagpong ito. Ang makakatagpo natin ay ang ating pinaglilingkuran at ang ating minamahal. Kaya ang layunin natin sa buhay ay mahalin ang Panginoon. I love you Jesus. Iyan ang mga huling salita ni Pope Benedict XVI. Iyan din sana ang ating palaging banggitin. I love you Jesus. Mahal kita Jesus.
Ang pakikipagtagpo sa Panginoon ay masaya. Itinutulad ito sa isang kasalanan. Masaya tayong nakikisalo sa kasalanan. May kasaganaan sa kasalanan – maramng pagkain at inumin, may tugtugan, may sayawan, maraming kwentuhan.
Makakasama ba tayo sa kasalan sa kabilang buhay? Oo, kung tayo ay marunong. Ang taong marunong ay well-prepared sa ating inaasahan. Sa ating ebanghelyo ang sampung abay sa kasal ay excited. Isang karangalan kaya ang mapiling abay. Pero naantala ang pagdating ng ikakasal. Lahat sila ay inantok at nakatulog. Pagdating ng ikakasal lumabas ang pagkamatalino ng lima at pagkahangal ng iba. Ang marurunong ay nakahanda. May extra silang langis na dala. Alam nila baka mahuhuli ang ikakasal. Noong humingi sa kanila ng langis ang mga hangal, hindi nila sila binigyan. Matalino sila. Baka kukulangin kung ibabahagi pa nila. Marunong silang mag-calculate. Hindi naman sila sakim, marunong lang sila. Kaya sila ang nakasama sa kasalanan at ang mga hangal ay hindi nakapasok at hindi pinapasok. Ang lesson ng talinhaga: Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras ng pagdating ng wakas. Maging palaging handa. Masaya ang wakas, tulad ito ng kasalanan, pero masaya ito kung makakasama tayo sa salu-salo. Magiging malungkot ito sa hindi makasali sa kagalakan ng Diyos – kasi hindi sila marunong, hindi sila wise.
Pinapakita dito ang kahalagahan ng karunungan. Maraming aklat sa Biblia ay tungkol sa karunungan. Ang ating unang pagbasa ay galing sa Aklat ng Karunungan, the Book of Wisdom. Ang taong marunong ay ang taong naghahanap ng totoong mahalaga sa buhay – mga bagay na talagang may value sa buhay na ito at magdadala din sa atin sa buhay na walang hanggan. Nakakalungkot na hindi na ito pinapansin ng marami ngayon. Ang pinagkakaabalahan ng marami ay ang mga pansamantala at mga materyal na bagay lamang. Ang mga materyal na bagay ay hindi tumatagal – lumilipas, nasisira at nabubulok ang mga ito, tulad ng kagandahan, ng gadgets, ng pera, ng magiging sikat, ng posisyon. Hindi naman ito nagbibigay ng tunay na kaligayahan. Naaaliw lang tayo ng ilang sandali at agad nawawala ang saya natin. Hindi tayo ginawa para sa mga materyal na bagay. Hindi tayo ginawa para sa mga panandalian lang.
Malapit na ang pasko. Inaabangan natin ito, pero kung titingnan natin, mula sa karanasan natin sa maraming paskong dumaan, ang maraming mga pinagkatuwaan natin noon sa pasko ay hindi naman nagbigay ng matagalang kaligayahan. Marami ay pansamantala lang – ang mga damit, ang mga pagkain, ang mga regalo, ang mga bakasyon – wala na ang mga ito.
Paano ba tayo magiging marunong? Huwag tayo mag-alala. Sinabi sa atin sa ating unang pagbasa na ang karunungan ay natatagpuan ng mga naghahanap sa kanya, at nakikita agad ng mga nagpapahalaga sa kanya. Hindi lang na ito ay madaling matagpuan. Ang karunungan mismo ay naghahanap din sa atin. Hinahanap niya ang mga karapat-dapat sa kanya. Makikita ka niya saan ka man naroon.
Ano nga ba ang karunungang ito? Ito ay walang iba kundi ang kalooban ng Diyos. Wala nang mas mahalaga pa at mas mabuti kaysa ang kalooban ng isang mapagmahal at mahabaging Diyos. Madaling hanapin ang kalooban ng Diyos at ang Diyos mismo ay nagpapaalam ng kanyang kalooban sa handang tumanggap sa kanya. Ang kalooban ng Diyos ay nagdadala sa atin sa mga tunay na mahalaga. Maging bukas tayo dito. Hindi niya tinatago ang gusto niya. Pinapaabot niya ito sa atin kasi alam niya na ito ay makakatulong sa atin. Ito ang nagpapaligaya sa atin. Ang kanyang kagustuhan ay walang iba kundi ang ating kaligayahan at kalayaan. Hindi ito nang-aalipin sa atin, bagkus nagbibigay sa atin ng ating tunay na pagkatao at kadakilaan.
Maging marunong po tayo sa buhay. Hanapin natin ang kagustuhan ng Diyos. Pero hindi lang natin ito hahanapin. Gawin natin ito. Gawin natin ang kalugud-lugod sa kanya at magiging masaya tayo. Gawin natin palagi ang kalugud-lugod sa kanya at magiging handa tayo kailanman siya darating. Ang pagkaabalahan natin ay hindi ang pag-calculate o ang paghula kung kailan magugunaw ang mundo, kung kailan tayo mamamatay, kung kailan muli babalik ang Panginoon. Sinabi ni Jesus na walang nakakaalam nito kundi ang Ama na nasa langit. Ang pagkakaabalahan natin ay ang palaging gawin ang kalugod-lugod sa Diyos. Dito tayo magiging marunong sa buhay at maging handa na ang ating ilawan ay nakasindi kailan man darating ang ikakasal at isasama tayo sa kasalanang walang hanggan.