734 total views
33rd Sunday of the Year Cycle C World Day of the Poor
Mal 3:19-20 2 Thess 3:7-12 Lk 21:5-19
Magtatapos na ang taon ng Simbahan. Sa susunod na Linggo ay ang huling Linggo ng taon ng Simbahan. Ito ay ang kapistahan ng Kristong Hari. Ang huling Linggo ay nagpapaalala sa atin ng Huling Panahon kung kailan mahahayag na ang paghahari ni Jesus sa kanyang muling pagbabalik. Ngayong Linggo inihahanda tayo sa muling pagbabalik ni Jesus. Ibig ng simbahan na maging handa tayo sa pagtanggap sa kanya.
Magiging handa tayo sa pagtanggap sa kanya kung ngayon pa lang tinatanggap na natin siya sa katauhan ng mga mahihirap kasi maliwanag na sinabi niya na kung ano ang ginagawa natin sa mga aba ay ginagawa natin sa kanya. Kaya ngayong Linggo, isang Linggo bago ng kapistahan ni Kristong Hari, ay ginawa ni Papa Francisco na World Day of Poor noong 2016. Ang mahihirap ang contact natin kay Jesus at si Jesus din ay naging mahirap para magkaroon siya ng contact sa atin. Kaya ang paksa ng World Day of the Poor ngayon taon ay: Alang-alang sa inyo si Jesus ay naging mahirap (2 Cor 8:9). Kung nanatili si Jesus na Diyos, kung hindi siya nagpakababa, hindi natin siya maaabot. Nagpakababa siya – naging tao siya, at naging dukha pa nga, upang maabot natin siya, maintindihan natin siya, at matularan natin siya.
Ang mga Hudyo ay nag-aantay ng pagdating ng Mesias o ng Kristo na ipapadala ng Diyos. Tinatawag nila ang pagdating na ito na Araw ng Panginoon. Talagang darating ang araw na ito kasi ito ay ipinangako ng Diyos. Ang pagdating ng araw na ito ay parang pagdating ng isang matinding apoy. Susunugin ng apoy na ito ang mga masasama tulad ng pagsunog sa dayami. Pero ang sinag na ito ay magpapagaling at dadalisay sa mga mabubuti. Ito ang sinulat ni propeta Malakias sa ating unang pagbasa. Dumating nga ang Araw ng Panginoon sa pagdating ni Jesus. Kaya ang panawagan niya ay magsisisi kayo. Ang apoy na dumating ay ang pagsisisi. Nalilinis ang mga makasalanan sa kanilang pagsisisi, pero ang mayayabang na hindi kinikilala na sila ay makasalanan, wala na silang maidadahilan pagdating ng parusa.
Binibigyan pa tayo ng pagkakataon ni Jesus. Iniwan niya sa atin ang mga aral niya upang maisabuhay natin ito sa tulong ng Banal na Espiritu. Pero babalik uli siya. Pagdating niya ang mga bagay na parang permanente, tulad ng matitibay at malalaking buildings ay guguho. Hinahangaan ng mga tao noon ang templo ng Jerusalem na nakatayo sa mamahalin at malalaking bato. Walang maiiwan dito. Babagsak ang mga ito. Ngayong ang hinahangan natin ay ang mga skyscrapers at malalaki at matataas na buildings sa New York, sa Doha, sa Kuala Lumpur, sa Tokyo o sa Makati. Ang lahat ng ito ay guguho din.
Ang tanong ay: Kailan? Hindi sinagot ni Jesus ang tanong na ito. Sabi niya na may mga tanda sa pagdating ng Huling Panahon pero hindi pa ito mangyayari ngayon. Huwag natin akalain na dahil sa mga digmaan malapit na ang wakas. Sa ating panahon may mga digmaan na sa buong mundo at nagkakampi-kampihan na ang mga bansa. Kinampihan na ng US at mga bansa ng European Union ang Ukraine, at ang Russia naman ay kinakampihan din ng Belarus, ng Iran at ng North Korea. Inaawitan ang China na kumampi sa kanya. Nagbabanta na ang Russia na gagamit ng nuclear weapons. Ito na ba ang katupusan ng mundo? Dumating na ang pandemia na damay ang lahat ng mga bansa at milyon-milyon ang namatay at may banta ng mga bago at malala na mga virus na darating. Katapusan na ba? Ang mga tagasunod ni Kristo, na siya ang buhay at ang katotohanan, ay inuusig.
Kinokontra ng pinalalaganap na fake news ang katotohanan at pinapatahimik ang naninindigan sa katotohanan sa mga bashing at pati na sa pagkulong at pagpatay sa kanila. Kinikitil ang buhay sa ngalan ng pro-choice at sa ngalan ng health care. Nangyayari ito sa usapin ng abortion. Paano naging health care ang pagpatay ng bata? Ang gulo na ng mundo natin. Ang tama noon at mali na ngayon para sa maraming tao.
Ano ang gagawin natin sa ganitong sitwasyon? Sabi ni Jesus, huwag tayong matakot. Kakampihan tayo ng Diyos. Masasagot natin ang mga bintang at paratang sa atin. Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Pangako ni Jesus: “Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok.” Ano ang kailangan? Persevere! Manatiling matatag! “Sa inyong pagtitiis tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan,” wika ni Jesus.
Ano ba ang ibig sabihin ng pagtitiis? Basta na lang ba mag-antay na walang ginagawa? Ito ang ginawa ng ilan sa Thesalonika. Pinagalitan sila ni Pablo. Hindi na nagtratrabaho ang ilang mga Kristiyano doon kasi magwawakas na raw ang mundo. Bakit pa sila maghahasik, hindi na nila ito maaani? Bakit pa mag-aalaga ng hayop, mamamatay naman ang lahat? Dahil sa hindi na sila nagtratrabaho, wala na silang inaatupag kundi manghimasok sa buhay ng may buhay. Nagmamarites na lang. Humihingi na lang ng pagkain. Umaasa na lang sa iba. Iba ang halimbawa na binigay ni Pablo at ng mga kasama niya. Oo, nagtuturo sila na babalik uli si Jesus at magugunaw ang mundo. Pero hindi lang sila nag-antay. Nagtratrabaho sila at sinusuportahan nila ang kanilang sarili sa kanilang paggawa. Si Pablo ay isang tagagawa ng tolda at ito ang hanap buhay niya. Nagbibigay sila ng halimbawa. Kaya nasabi niya: “Huwag ninyong pakanin ang sinumang ayaw magtrabaho.”
Minsan nasabi din ni Jesus na gamitin ninyo ang di maaasahang kayamanan ng mundong ito upang magkaroon kayo ng kaibigan sa langit. Ito rin ang pagtitiis na hinihingi sa atin habang nag-aantay tayo sa pagbalik muli ni Jesus. Magsikap tayo na magbalik handog na sa Diyos ng ating panahon, yaman at talento upang sa wakas ng panahon hindi niya tayong madatnan na walang inalay sa kanya. Ang dami niyang mga biyaya na binibigay sa atin. Maging generous din tayo sa pagtulong sa iba. Ang ating naitulong sa pagbabalik handog ay hindi nawala sa atin kasi ang lahat na ibinigay sa Diyos at sa ating kapwa, lalo na sa mahihirap, ay pag-iimpok natin para sa kabilang buhay.
Ang mga Egipciano ay naniniwala sa kabilang buhay. Kaya sa paglilibing sa kanilang mga patay, lalo na sa kanilang mga hari at mayayaman, sinasama din nila ang mga kagamitan na maaaring kailangan nila sa kabilang buhay, tulad ng kama, upuan, suklay, mga pagkain, mga hayop, pati pa nga mga alipin. Ang mga iyan ay inililibing sa loob ng kanilang mga pyramid. Hindi tayo naniniwala na kailangan natin ang mga bagay na iyan sa kabilang buhay. Ang mapapakinabangan natin sa kabilang buhay ay ang mga kabutihan na nagawa natin sa mahihirap dito sa mundo. Ang mga balik-handog natin ang mapapakinabangan natin sa kabilang buhay. Kaya mag-impok na tayo ng kabutihan para sa langit habang inaantay natin ang wakas ng panahon na siguradong darating.