9,875 total views
33rd Sunday of Ordinary Time Cycle B
World Day of the Poor
Dan 12:1-3 Heb 10:11-14.18 Mk 13:24-32
Darating ang malalaking pagbabago sa mundo. Iyan ang nararamdaman natin at iyan ang pinaparamdam sa atin ng ilang mga scholars at ng ilang mga politiko. Nararanasan natin ang climate change. Umiinit ang panahon. Tumitindi ang mga baha. Dumadami ang mga bagyo. Ilang sunod-sunod na mga bagyo na ang dumadating sa Pilipinas. Ang daming mga digmaan at may mga banta na gagamitin ang nuclear bombs. Ang kaso sa West Philippine ay maaaring maging mitsa ng malaking digmaan na kasali ang Tsina, ang Pilipinas, ang America, ang Australia, ang Japan at iba pang mga bansa. Patapos na ba ang mundo? Tinatanong ito ng ilan,ito ba ang pagbabagong darating, pagbabago na dala ng digmaan?
Oo, magtatapos ang mundo. Ito ay sinabi mismo ni Jesus. Kaya narinig natin ang kanyang pahayag na ang mga nakikita nating palaging nandiyan ay magbabago. May pagbabago sa kulay ng buwan, sa mga bituin at pati na sa araw. Oo, mga kapatid, magbabago ang mundong alam natin. Lahat naman ay magbabago. Nakikita natin ito sa kalikasan. Nagbabago ang panahon. May tag-init at may tag-ulan. Sa ating pagmamasid sa panahon, nakikita natin na padating na ang amihan at tapos na ang habagat. Ganoon din, may mga palatandaan na pinapaabot sa atin na may pagbabagong darating. Iyan ba ay ang simoy ng hangin? Ang paghaba ng gabi? Ang dalas ng ulan? Darating nga ang pagbabago. Ang tanong ay: ngayon na ba magtatapos ang lahat? Kailan ito mangyayari?
Sabi ni Jesus na maging handa tayo sa pagtatapos ng mundo pero hindi natin malalaman kung kailan ito darating. Ang Diyos lang ang nakaaalam nito. Pero may isang bagay na maaasahan natin na mananatili – ang Salita ng Diyos! Ang langit at lupa ay maglalaho ngunit ang Salita ng Diyos ay mananatili. Dahil sa ito ay mananatili, ilagay po natin ang ating pag-asa sa Salita ng Diyos. Itaya natin ang lahat dito. Ito lang ang maaasahan natin.
At ano ba ang Salita ng Diyos? Narinig natin sa ating unang pagbasa na mamamatay ang lahat pero ang bawat isa ay gigisingin, ang iba para mabuhay na muli na masaya magpakailanman at ang iba naman para sa walang hanggang kapahamakan. Maniwala tayo. Oo, magwawakas nga ang lahat sa mundong dito, ngunit sa kabila ng wakas na ito ay may bagong kaayusan na darating. Anong bagong kaayusan na mararatnan natin ay nagdedepende kung paano natin isinasabuhay ang kaayusan na mayroon tayo ngayon. Kaya mahalaga ang ngayon natin. Ito ay may kaugnayan sa darating. Ang kabilang buhay ba natin ay mapayapa at masaya, o ito ay nakakakilabot? Depende sa atin iyan – kung paano natin isinasabuhay ang ating ngayon!
Nagsasalita si Jesus sa atin tungkol sa katapusan ng mundo natin ngayong Linggo, hindi upang takutin tayo. Sinasabi niya ito sa atin, at hindi niya itinatago ang katotohanang ito, upang maging handa tayo. Huwag tayo magpabaya, hindi lang ito ang buhay natin, hindi lang ito ang realidad natin. Talaga naman na dumadaan lang tayo sa buhay na ito. Hindi naman ito permanente. Tayo ay naglalakbay lamang dito sa mundong ibabaw. May patutunguhan tayo.
Maganda ang balak ng Diyos sa atin. Napakaganda ang inihanda ng Diyos na gusto niya na maabot natin ito. Kaya itinaya ni Jesus ang kanyang sarili, inalay niya ang sariling buhay niya bilang ating punong pari upang matanggal na ang mga kasalanang humahadlang sa atin sa ating pagpunta doon. Tayo naman, linggo-linggo natin ipinagdiriwang ang pag-aalay ni Jesus sa ating Banal na Misa upang palaging ipaalaala sa atin ang kaligtasan na kanyang binibigay sa atin at bigyan tayo ng sigla at kahandaan sa pagtawid papunta sa bagong mundo na ito.
Ngayong araw ay ang World Day of the Poor, ang pandaigdigang araw ng mga dukha. Ang mga dukha ay huwag nating isantabi at kalimutan. Huwag lang nga natin sila bigyan ng limos at iwanan. Sila ay pahalagahan natin kasi sila ang presensiya ni Jesus. Ang ginagawa natin sa kanila ay ginagawa natin kay Jesus. Sa susunod na linggo ipagdiriwang natin ang kapistahan ni Kristong Hari. Sa wakas ng panahon magiging hayag na ang paghahari ni Kristo. Makikita ng lahat ang tagumpay ni Jesus. Darating na ang pangakong kaligtasan para sa lahat na umaabang dito. Makakalapit tayo kay Kristong hari sa wakas ng panahon kung ngayon tinatanggap natin, pinapahalagahan natin, at tinutulungan natin siya sa mga dukha at lahat na naghihirap. Ano ang ginagawa natin sa mahihirap ay ginagawa natin kay Jesus.
Ang paksa ng World Day of the Poor ngayong taon ay: “Ang panalangin ng mga mahihirap ay umaakyat sa Diyos.” Madalas hindi pinapansin ang boses ng mahihirap sa ating mundo. Pero pinapakinggan ng Diyos ang mga dasal nila. Pinapakinggan din ba natin sila? Ang pasasalamat nila sa Diyos para sa atin dahil natulungan natin sila ay diringgin ng Diyos. Sa wakas ng panahon, doon sa bagong kaayusan na nag-aantay sa atin, ang tatanggap sa atin sa pintuan ng langit ay ang mga mahihirap, mga mahihirap na tinulungan at pinagmalasakitan natin. Huwag na natin ipasabukas ang pagtulong sa mahihirap. Hindi natin alam kailan magwawakas ang mundo natin.